Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Mga Remote Translation Office, Nakakatulong sa Milyon-milyon

Mga Remote Translation Office, Nakakatulong sa Milyon-milyon

MARSO 1, 2021

 Mahigit 60 porsiyento ng ating mga full-time translation team ang nagtatrabaho, hindi sa mga tanggapang pansangay, kundi sa mga remote translation office (RTO). Bakit malaking tulong ang kaayusang ito? Ano ang kailangan ng mga translator para makapagtrabaho nang maayos sa isang RTO? At ano ang epekto ng lokasyon ng isang translation team sa ginagawa nilang pagsasalin?

 Dahil sa RTO, nakakasama ng mga translator ang mga taong nagsasalita ng wika nila. Sinabi ni Karin, isang translator ng Low German: “Mula nang lumipat kami sa RTO sa Cuauhtémoc, Chihuahua, Mexico, palagi na naming nagagamit ang Low German—kapag kasama namin ang ibang mga translator at kapag nasa ministeryo, o kapag namimili kami. Lagi naming naririnig ang mga taong nagsasalita ng wika namin. May mga pananalita sila na ngayon lang ulit namin narinig, at nakakasabay kami sa pagbabago ng wika namin.”

 Si James naman ay nagtatrabaho kasama ng Frafra translation team sa Ghana. Sinabi niya na paminsan-minsan, nami-miss niya ang mga kapatid sa Bethel. Pero sinabi din niya: “Gustong-gusto ko sa RTO. Ang sayang mangaral sa mga tao gamit ang wika namin at makitang tinatanggap nila ang mabuting balita.”

 Paano pinagpapasiyahan kung saan magse-set up ng RTO? “Ang isang hamon na napapaharap sa amin ay may mga lugar na pawala-wala ang kuryente o tubig, o hindi maganda ang koneksiyon ng Internet doon kaya mahihirapang makakuha ng mga file na isasalin,” ang sabi ni Joseph, miyembro ng Worldwide Design/Construction Department sa Warwick, New York, U.S.A. “Kaya kapag magse-set up ng RTO, posibleng hindi lang isang lokasyon ang isinasaalang-alang namin.”

 Kadalasan, ang pinakamabilis at pinakamatipid na paraan ay ang mag-set up ng RTO sa isang Assembly Hall, Kingdom Hall, o missionary home, at puwedeng mag-commute ang mga translator papunta dito. Pero kung hindi ito posible, puwedeng maaprobahan ang pagbili ng gagamiting tuluyan at opisina ng mga translator. Kapag nagbago ang kalagayan, madaling ibenta ang mga ito at magagamit ang pera kung saan mas kailangan.

Nandoon ang Lahat ng Kailangan

 Noong 2020 taon ng paglilingkod, gumastos tayo ng 13 milyong dolyar (U.S.) para sa pangangailangan ng mga RTO. Kailangan nila ng mga computer, specialized software, mga gamit sa pagrerekord ng audio, Internet, at iba pa. Halimbawa, ang isang karaniwang setup ng computer ay umaabot ng $750 (U.S.). May software na ang mga computer at mayroon din itong Watchtower Translation System, isang program na magagamit ng mga translator para maging maayos ang trabaho nila at madali nilang mahanap ang mga reperensiya.

 Binibigyan din ang mga translation team ng isang set ng mga gamit para makapagrekord sila ng audio sa opisina nila. Napakalaking tulong nito nang magsimula ang COVID-19 pandemic, dahil naiuwi nila ang mga gamit para makapagrekord pa rin sila ng mga isinasalin nilang artikulo at video.

 Tumutulong din ang mga kapatid na nakatira malapit sa RTO sa pagre-review ng mga naisaling publikasyon at sa pagmamantini ng pasilidad. “Nagkaroon ng pagkakataon ang maraming kapatid at regular pioneer na magamit dito ang mga talent nila,” ang sabi ni Cirstin, na naglilingkod sa Afrikaans RTO sa Cape Town, South Africa.

 Masaya ang mga kapatid na makapagboluntaryo sa RTO. Isang sister ang nagsabi na “nakakagaan ng pakiramdam” ang pagboboluntaryo dito. Nagagamit din ang ilang kapatid sa recording. Sinabi ni Juana, isang translator ng Totonac sa Veracruz, Mexico: “Dahil mas malapit na kami sa mga kapatid na nagsasalita ng wika namin, mas marami na ang puwedeng makatulong sa pagrerekord ng audio at video.”

 Mas gumanda ba ang salin dahil sa mga RTO? Oo ang sagot ng marami sa milyon-milyon nating mambabasa. Sinabi ni Cédric, na kabilang sa Kongo team sa Democratic Republic of Congo: “Dati, ang tawag ng ilang kapatid sa pagsasalin namin ng Kongo ay ‘Kongo ng mga publikasyon ng Watch Tower,’ kasi hindi gano’n magsalita ng Kongo ang mga tao. Pero ngayon, modernong Kongo na raw ang gamit sa mga publikasyon natin, gaya ng ginagamit ng mga tao sa araw-araw.”

 Ganiyan din ang komentong narinig ni Andile, na kabilang sa Xhosa team, sa South Africa. “Marami ang nagsabi na napansin nilang mas madali nang maintindihan ang mga salin namin,” ang sabi niya. “Kahit ang mga bata na dating nagbabasa ng Bantayan sa English ay nagbabasa na nito ngayon sa Xhosa. Gustong-gusto nila ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin kasi natural ang pagkakasalin dito.”

 Ang lahat ng ginastos sa pagse-set up at pagmamantini ng mga RTO, pati na sa pangangailangan ng mga nagtatrabaho dito, ay galing sa kusang-loob na donasyon sa worldwide work, kasali na ang mga ibinigay gamit ang donate.pr418.com.