Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Mga Tuldok na Bumabago ng Buhay

Mga Tuldok na Bumabago ng Buhay

OKTUBRE 1, 2021

 “Malamang na marami sa aming mambabasa ang may kilalang bulag,” ang sabi ng Hunyo 1, 1912, isyu ng The Watch Tower. “Puwede silang makakuha ng libreng babasahin . . . Ang literaturang ito para sa mga bulag ay inimprenta na may nakaumbok na mga character na mababasa nila.” Sinabi pa ng The Watch Tower: “Maraming bulag ang nagpapasalamat nang malaman nila ang napakagandang pagpapala na mangyayari sa hinaharap.”

 Nang isulat ang mga salitang iyan, may kani-kaniya pang braille system ang mga bansang nagsasalita ng English. Pero noon pa man, ipinapaalám na ng mga Saksi ni Jehova ang katotohanan sa Bibliya gamit ang “nakaumbok na mga character”—ang braille. At ginagawa pa rin natin iyan hanggang ngayon. Available na sa mahigit 50 wika ang mga literatura natin sa braille. Paano ito ginagawa?

Ang isang grupo ng isa hanggang anim na nakaumbok na tuldok ay isang character. Ang mga nakaumbok na tuldok ay nakaayos sa isang kahon na hinati sa anim

Pagta-transcribe at Pag-e-emboss

 Ang unang hakbang sa paggawa ng braille ay pagta-transcribe—ibig sabihin, ginagawang braille character ang mga salita. “Gumagamit tayo noon ng nabibiling software para mag-transcribe sa braille, pero hindi ito gumagana sa lahat ng wikang kailangan natin,” ang sabi ni Michael Millen, na nagtatrabaho sa Text Processing Services sa Patterson, New York. “Ngayon, meron na tayong Watchtower Translation System, na magagamit para mag-transcribe sa braille sa halos lahat ng wika sa mundo. Sa tingin ko, walang makikitang ganito kahit saan.”

 Hindi lang ang mismong mga artikulo ang isinasama sa literaturang braille. Kasama din ang mga paglalarawan sa artwork. Halimbawa, ang larawan sa pabalat ng Masayang Buhay Magpakailanman sa braille ay inilarawan nang ganito: “Isang lalaki na naglalakad sa daang may magandang tanawin, burol, at kabundukan.” Sinabi ni Jamshed, isang bulag na ministeryal na lingkod at payunir, “Napakalaking tulong sa akin ng mga paglalarawang ito sa artwork.”

 Pagkatapos ma-transcribe, ipapadala ito sa mga tanggapang pansangay na kayang gumawa ng mga publikasyong braille. Ie-emboss o iuumbok ang mga tuldok sa matibay na papel. Dahil matibay ito, hindi ito masisira habang ginagawa ang pag-e-emboss o kahit paulit-ulit na gamitin. Sunod, pagsasama-samahin ang pahina, iba-bind, at ipapadala kasama ng ibang literatura ng kongregasyon, o bilang “free matter for the blind” kung may ganoong serbisyo ang post office. Kung kailangan, isasaayos ng sangay na maipadala ito sa mas mabilis na paraan para magamit sa pulong ng mga kapatid na bulag o may diperensiya sa paningin.

 Ang lahat ng gawaing ito ay nangangailangan ng malaking panahon at pera. Halimbawa, sa printery natin sa Wallkill, New York, ang haba ng panahon na kailangan para makagawa ng 50,000 standard na Bibliya ay kapareho ng panahon na kailangan para makagawa ng 2 braille na Bibliya. May 25 tomo ang grade-two English braille na Bibliya, at ang mga materyales para dito ay 123 beses na mas mahal kaysa sa materyales para sa standard na Bibliya. a Ang mga pabalat pa lang para sa isang set ng braille na Bibliya ay nagkakahalaga na ng $150 (U.S.)!

Ang Bagong Sanlibutang Salin sa grade-two English braille ay may 25 tomo!

 Ano ang nararamdaman ng mga kapatid na kasama sa paggawa ng mga publikasyong braille? Sinabi ni Nadia na naglilingkod sa sangay sa South Africa: “Hindi madali ang buhay ng mga kapatid na bulag o may diperensiya sa paningin, kaya itinuturing kong pagpapala na makagawa ng isang bagay na makakatulong sa kanila. Kitang-kita na mahal na mahal sila ni Jehova.”

Learn to Read Braille

 Paano kung hindi marunong magbasa ng braille ang isang bulag? Ilang taon pa lang ang nakakalipas, inilabas natin ang Learn to Read Braille. Isa itong workbook na may braille at nakasulat na mga salita. Ginawa ito para magamit ng isa na nakakakita at ng isang bulag. Kasama sa brosyur na ito ang isang positive slate at isang stylus. Gagamitin ito ng isang nag-aaral ng braille para i-emboss ang bawat braille character. Sa paggawa nito, mas maaalala niya ang bawat braille character para mabasa niya ito habang kinakapa niya.

“Nakakaadik Talaga ’To!”

 Paano nakakatulong sa mga kapatid na bulag o may diperensiya sa paningin ang mga publikasyong ito? Dati, kapag dumadalo sa pulong si Ernst na taga-Haiti, wala siyang kahit anong publikasyong braille. Dahil dito, kailangan niyang i-memorize ang mga bahagi niya bilang estudyante at ang mga komento niya sa pulong. Sinabi niya: “Pero ngayon, puwede na akong magtaas ng kamay at magkomento kahit kailan ko gusto. Parang kasama na talaga ako ng mga kapatid. Pare-pareho na kami ng natatanggap na espirituwal na pagkain!”

 “Mas madaling maintindihan ang mga publikasyon natin kaysa sa ibang braille na publikasyon na nabasa ko,” ang sabi ni Jan, isang elder sa Austria na may diperensiya sa paningin. Nagko-conduct siya ng Bantayan at Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya. “Halimbawa, meron itong mga page number, talababa na madaling hanapin, at malinaw na paglalarawan sa mga artwork.”

 Si Seon-ok, isang payunir sa South Korea, ay bulag at bingi. Noon, nakadepende lang siya sa tactile signing sa mga pulong. Pero ngayon, puwede na niyang basahing mag-isa ang mga pantulong sa Bibliya sa braille. “Ang hirap basahin ng ibang braille na publikasyon, kasi kulang-kulang y’ong tuldok, hindi pantay-pantay, o napakanipis ng papel,” ang sabi niya. “Pero magandang klase ng papel ang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova at mas nakaumbok y’ong mga tuldok, kaya madali itong basahin.” Dagdag pa niya: “Noon, nakakapag-aral lang ako ng mga publikasyon sa Bibliya sa tulong ng iba. Pero ngayon, kaya ko nang gawin ’yon mag-isa. Masaya ako na nakakapaghanda na ako para sa mga pulong linggo-linggo, at nakakapagkomento na rin ako. Binabasa ko ang lahat ng publikasyon natin sa braille. Nakakaadik talaga ’to!”

 Gaya ng mga nakaimprenta nating literatura, makikita din sa mga publikasyon nating braille ang mga salitang ito: “Hindi ipinagbibili ang publikasyong ito. Inilaan ito bilang bahagi ng pambuong-daigdig na pagtuturo sa Bibliya na sinusuportahan ng kusang-loob na mga donasyon.” Maraming salamat sa mga donasyong ibinigay ninyo gamit ang mga paraang nasa donate.pr418.com. Dahil sa inyong pagkabukas-palad, nailalaan ang espirituwal na pagkain sa lahat, kasama na ang mga bulag at ang mga may diperensiya sa paningin.

a Sa ilang braille system, pinapaikli ang mga salita para makatipid ng space. Halimbawa, sa grade-two braille, ang mga karaniwang salita at kombinasyon ng mga letra ay pinapaikli. Kaya ang isang aklat na ginawa sa grade-two braille ay mas maikli kaysa sa grade-one braille.