Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Napunan ng Sobra ang Kulang

Napunan ng Sobra ang Kulang

OKTUBRE 1, 2020

 Ang mga Saksi ni Jehova ay tumutulong sa mga tao sa mahigit 200 lupain. Pero mga 35 lupain lang ang may sapat na pondo para sa kanilang mga gastusin. Kaya paano natutustusan ang pangangailangan ng mga kapatid sa mga lupain na kulang sa pinansiyal?

 Pinag-isipang mabuti ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova kung paano mailalaan ang espirituwal na pangangailangan at maipagpapatuloy ang gawain ng mga kapatid sa buong mundo. Ginagamit sa tamang paraan ang mga pondo. Kung makatanggap ang isang sangay ng donasyon na higit sa kailangan nila, ibinibigay ang sobra sa ibang sangay na kulang sa pinansiyal. Kagaya ito ng ginawa ng mga sinaunang Kristiyano na tumulong sa iba sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang labis. (2 Corinto 8:14) Sa paggawa nito, napunan nila ang kulang ng ibang Kristiyano.

 Ano ang nadama ng mga kapatid na natulungan ng ibang sangay? Halimbawa, sa Tanzania, mahigit sa kalahati ng populasyon ang kumikita lang ng mas mababa sa dalawang dolyar kada araw. Dahil sa mga sobrang donasyon, na-renovate ang Kingdom Hall na ginagamit ng kongregasyon ng Mafinga. Sumulat ang kongregasyon: “Mula nang matapos ang renovation, dumami ang bilang ng dumadalo sa amin! Talagang nagpapasalamat kami sa organisasyon ni Jehova at sa mga kapatid sa buong mundo sa pagiging bukas-palad nila. Dahil diyan, may maganda kaming Kingdom Hall.”

 Sa Sri Lanka, may mga kapatid tayo na kinakapos sa pagkain dahil sa COVID-19 pandemic. Isa na diyan si Imara Fernando at ang kaniyang maliit na anak, si Enosh. Pero dahil sa donasyon mula sa ibang mga bansa, nakatanggap sila ng ayuda. Gumawa sila ng isang card na nakasulat: “Salamat sa mga kapatid na nagmamalasakit sa amin sa panahong ito. Masayang-masaya kami na parte kami ng pamilyang ito, at lagi naming hinihiling kay Jehova na tulungan niya sana ang lahat ng kapatid sa mga huling araw na ito.”

Sina Imara at Enosh Fernando

 Saanman nakatira ang mga kapatid, gusto nilang ibahagi ang anumang mayroon sila. Halimbawa, gumawa si Enosh ng sarili niyang donation box para makatulong din siya sa ibang kapatid na nangangailangan. Ganiyan din ang ipinakitang pagkabukas-palad ni Guadalupe Álvarez. Nakatira siya sa isang lugar sa Mexico kung saan konti lang ang kumikita ng minimum wage o kumikita nang regular. Pero ibinibigay pa rin niya ang maibibigay niya. Sumulat siya: “Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil sa kabaitan at tapat na pag-ibig niya. Alam kong maidadagdag ang mga donasyon ko sa iba pang donasyon, at makakatulong ito sa mga kapatid na nangangailangan.”

 Masayang tumutulong ang mga tanggapang pansangay sa ibang lugar na nangangailangan. “Sa loob ng maraming taon, kinailangan namin ang pinansiyal na suporta ng ibang mga bansa,” ang sabi ni Anthony Carvalho, na miyembro ng Komite ng Sangay sa Brazil. “Dahil sa suportang ito, ang laki ng isinulong ng gawain sa bansa namin. Ngayong nagbago na ang kalagayan namin, masaya kaming kami naman ang tutulong sa iba. Iniisip ng mga kapatid sa Brazil ang maitutulong nila sa gawaing pangangaral sa buong mundo at kung paano sila magiging mapagsakripisyong alagad ni Jesus.”

 Paano matutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga kapatid nilang nangangailangan? Hindi sa pagpapadala ng pera sa mga tanggapang pansangay ng ibang bansa, kundi sa pagdo-donate sa pambuong-daigdig na gawain. Magagawa ito sa paghuhulog sa mga donation box na may nakalagay na “Worldwide Work” o gamit ang donate.pr418.com. Talagang pinapahalagahan ang lahat ng inyong donasyon.