Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Pagbibigay ng Relief sa Panahon ng Pandemic

Pagbibigay ng Relief sa Panahon ng Pandemic

HULYO 1, 2021

 Nang ideklara ng World Health Organization na isa nang pandemic ang COVID-19 noong Marso 2020, hindi naisip ng marami na magtatagal ito nang mahigit isang taon. Milyon-milyon sa buong mundo, kasama na ang mga Saksi ni Jehova, ang dumaranas ng epekto ng pandemic sa pisikal, emosyonal, at pinansiyal na paraan. Paano nagbibigay ng mga relief ang mga Saksi ni Jehova sa panahong ito ng krisis?

Relief Para sa mga Nangangailangan

 Sa pangangasiwa ng Coordinators’ Committee ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, mahigit 950 Disaster Relief Committee (DRC) ang binuo sa buong mundo dahil sa COVID-19. Sa ilang kaso, isinasaayos nilang matulungan ng lokal na mga kapatid ang mga naapektuhan ng pandemic. Sa ibang kaso naman, nakakatanggap ng tulong mula sa gobyerno ang mga Saksi. Nag-organisa rin ang mga DRC ng pagbibigay ng relief sa maraming lugar.

 Tingnan natin ang isang halimbawa sa Paraguay. Iniulat ng isang diyaryo na dahil sa epekto ng pandemic sa ekonomiya, “maraming taga-Paraguay ang walang sapat na pagkain.” Pero nagsimula nang magbigay ang DRC sa Paraguay ng mga relief na sapat para sa dalawang linggo—pagkain, panlinis ng bahay, at panlinis ng katawan para sa apat na tao. Mga $30 (U.S.) ang halaga ng bawat pack.

 Ano ang ginagawa ng mga boluntaryo sa pagbibigay ng relief para maingatan ang sarili nila at ang iba mula sa COVID-19? Nagsusuot sila ng mask at sinusunod nila ang physical distancing. Tinitiyak din nilang malinis ang pasilidad ng mga kompanyang nagsusuplay ng pagkain at sinusunod ng mga ito ang safety protocol. Sinisiguro din nilang may personal protective equipment ang lahat ng naghahanda at naghahatid ng relief at na malinis at na-disinfect ang mga sasakyan at lugar na pinaglalagyan ng mga relief. Sinusunod din ng mga boluntaryo ang physical distancing habang ibinibigay sa mga kapatid ang relief.

Matalinong Paggamit ng mga Donasyon

 Pagsapit ng Enero 2021, mahigit na sa 25 milyong dolyar (U.S.) ang naaprubahan ng Coordinators’ Committee para magamit sa COVID-19 relief. Para magamit nang tama ang donasyon, sinisikap ng mga sangay at mga DRC na makuha sa murang halaga ang mga pangangailangan. Halimbawa, sa Chile, gusto ng mga brother na nag-oorganisa ng relief na bumili ng 750 kilo ng lentehas. Pero sa loob lang ng isang buwan, dumoble ang halaga nito! Pumayag na ang mga kapatid sa mataas na halaga, pero dalawang oras lang pagkatapos nito, sinabi ng nagtitinda na may nagsauli ng lentehas. Kaya ibinenta niya ito sa kanila sa dating halaga, imbes na sa napagkasunduang halaga!

 Pero nang kukunin na ng mga brother ang lentehas, ayaw nang ibigay ng nagtitinda ang order nila dahil iniisip niyang hindi sila magiging patas sa pamamahagi nito gaya ng ibang organisasyon. Pagkatapos ng maikling panalangin, sinabi ng isang brother na tiniyak na kung sino talaga ang nangangailangan sa bawat kongregasyon. Ipinaliwanag din ng mga brother na dahil magkakaiba ang pinagmulan ng mga tatanggap ng relief, ibabagay sa pangangailangan nila ang laman ng pack. Tiniyak din nila na ang lahat ng perang ginagamit sa relief para sa mga Saksi ni Jehova ay mula sa boluntaryong donasyon, at ang mga kasama sa relief work ay mga boluntaryo rin. Napahanga siya. Hindi lang niya ibinigay sa mas mababang halaga ang lentehas, kundi nag-donate pa siya ng 400 kilo ng lentehas para sa susunod nilang order.

“Katibayan ng Tunay na Pag-ibig”

 Si Lusu, isang biyudang may-edad nang taga-Liberia, ay may kasamang limang kapamilya sa bahay. Isang umaga habang nag-aalmusal at pinag-uusapan ang teksto sa araw na iyon, napansin ng pitong-taóng-gulang na apo ni Lusu na wala na silang pagkain. Itinanong niya, “Ano na pong kakainin natin?” Sinabi ni Lusu na nanalangin na siya at siguradong paglalaanan sila ni Jehova. Kinahapunan, tumawag ang mga elder nila kay Lusu para ipakuha ang ilang suplay ng pagkain. Ikinuwento niya: “Sinabi ng apo ko na alam na niya ngayon na naririnig at sinasagot ni Jehova ang mga panalangin, kasi sinagot ni Jehova ang panalangin ko.”

Mga drawing ng mga bata sa Democratic Republic of Congo bilang pasasalamat sa mga kapatid na nagbigay ng mga relief sa kanila

 Kapitbahay ng isang babae sa Democratic Republic of Congo ang isang pamilyang Saksi. Nang makita niyang dinalhan sila ng pagkain ng mga kapuwa nila Saksi, sinabi niya, “Pagkatapos ng pandemic, magiging Saksi ni Jehova na rin kami kasi hindi nila pinababayaan ang mga kapatid nila sa mahirap na panahong ito.” Itinanong ng asawa niya, “Magsa-Saksi ka ba dahil lang sa isang bag ng bigas?” Sumagot siya, “Siyempre hindi, pero ang sakong ’yon ng bigas ay katibayan ng tunay na pag-ibig.”

 Agad na nakakapagbigay ng tulong ang mga Saksi ni Jehova sa mga kapatid nating nangangailangan ngayong pandemic dahil sa inyong pagkabukas-palad. Maraming salamat sa inyong mga donasyon na ibinigay gamit ang mga paraang makikita sa donate.pr418.com.