SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Paggawa ng mga Video Para sa 2020 “Laging Magsaya”! na Panrehiyong Kombensiyon
AGOSTO 10, 2020
Dahil sa mga video ng ating mga panrehiyong kombensiyon, naaantig ang puso natin at nagiging mas malinaw rin sa atin ang mga turo sa Bibliya. Sa 2020 “Laging Magsaya”! na Panrehiyong Kombensiyon, may 114 na video, kasama na ang 43 pahayag ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala at ng mga katulong. Naiisip mo ba kung gaano kalaking trabaho at gastos ang kinailangan para magawa ang mga video na ito?
Halos 900 kapatid mula sa buong mundo ang nagboluntaryo para dito. Sa kabuoan, halos 100,000 oras ang nagamit nila para sa dalawang-taóng proyektong ito. Kasama diyan ang 70,000 oras para matapos ang 76-na-minutong drama sa Bibliya na Nehemias: “Ang Kagalakang Nagmumula kay Jehova ang Inyong Moog.”
Siyempre, malaki-laki rin ang ginastos para mailaan ang pangangailangan ng mga boluntaryong ito, bukod pa sa technical support, mga kagamitan, at pasilidad na kinailangan nila para matapos ang proyekto.
“Gustong-gusto ng Teaching Committee ng Lupong Tagapamahala na maipakita sa mga video natin ang iba’t ibang kultura at lugar, dahil may mga kapatid tayo sa buong mundo,” ang sabi ni Jared Gossman, na nagtatrabaho sa Audio/Video Services. “Para magawa iyan, 24 na team sa 11 bansa ang nagtulong-tulong. Dahil nasa iba’t ibang panig ng mundo ang mga kasama sa proyektong ito, kinailangan ng malaking halaga at maingat na pagpaplano.”
Marami sa mga video natin ang kinailangang gawan ng sarili nitong mga set at gamit. Halimbawa, sa drama na Nehemias: “Ang Kagalakang Nagmumula kay Jehova ang Inyong Moog,” gumawa ng mga set sa loob ng studio sa Mt. Ebo malapit sa Patterson, New York, U.S.A. Para masulit ang donasyon ng mga kapatid, at maging makatotohanan at tama pa rin ang mga eksena sa drama, gumawa ang mga kapatid ng mga set na magmumukhang gaya ng pader ng sinaunang Jerusalem. Ang bawat bahagi ng “pader” ay may taas na anim na metro at gawa sa kahoy na binalutan ng foam. Pagkatapos, pininturahan ito para magmukhang bato. Puwede itong ilipat-lipat para sa iba’t ibang eksena, kaya nakatipid tayo sa mga set na kailangang gawin. Pero sa paggawa pa lang ng mga set ng drama, halos $100,000 (U.S.) na ang nagastos. a
Dahil sa mga impormasyong ito, mas napapahalagahan natin ang kombensiyon ngayong taon. Sigurado tayo na mapapapurihan si Jehova sa buong mundo dahil sa mga pagsisikap ng mga kapatid sa proyektong ito. Maraming salamat sa inyong pagiging bukas-palad at sa pagbibigay ng donasyon gamit ang donate.pr418.com at iba pang paraan.
a Ang mga set para sa Nehemias: “Ang Kagalakang Nagmumula kay Jehova ang Inyong Moog” ay ginawa bago pa ang COVID-19 pandemic. Hindi pa kailangan ng social distancing nang panahong iyon.