SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Pagsasalin ng 2020 “Laging Magsaya”! na Panrehiyong Kombensiyon
HULYO 10, 2020
Sa Hulyo at Agosto 2020, mapapanood ng mga kapatid sa buong mundo ang programa ng panrehiyong kombensiyon nang sabay-sabay sa unang pagkakataon. Ang recorded na programang ito ay kailangang isalin sa mahigit 500 wika. Karaniwan na, aabot ng isang taon o mahigit pa para maplano at matapos ang ganito kalaking proyekto. Pero dahil sa pandemic na coronavirus, mayroon lang halos apat na buwan ang mga tagapagsalin para tapusin ang 2020 “Laging Magsaya”! na Panrehiyong Kombensiyon.
Tumulong ang Translation Services at Global Purchasing ng Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa napakalaking proyektong ito. Nakita ng Translation Services na maraming translation team ang nangangailangan ng mga equipment gaya ng mga high-quality microphone para matapos nila ang gawaing ito. Bumili ang Global Purchasing ng 1,000 microphone at ipinadala ito sa halos 200 lokasyon.
Para makatipid, bumili sila nang maramihan, ipinadala nila ito sa isang lugar, ini-repack, at idineliber sa iba’t ibang lokasyon sa buong mundo. Dahil marami tayong binili, ang bawat microphone ay nagkakahalaga lang ng $170 U.S., kasama na ang bayad sa pagpapa-deliver. Mas mura ito kaysa kung bumili tayo nang paisa-isa.
Ang pagbili at pagpapadala ay ginawa ng Global Purchasing noong Abril at Mayo 2020. Noong mga buwang iyon, limitado lang ang operasyon ng mga negosyo dahil sa pandemic. Pero bago matapos ang Mayo, natanggap na ng mga remote translation office, tanggapang pansangay, at iba pang lugar ng pagsasalin, ang mga equipment.
“Sa buong proyektong ito, naging maayos at maganda ang pagtutulungan ng mga departamento sa Bethel, pati na ng mga kompanya na kinausap natin,” ang sabi ni Jay Swinney, nangangasiwa sa Global Purchasing. “Naging mabilis at nagamit sa pinakamagandang paraan ang mga donasyon dahil sa tulong ng espiritu ni Jehova. Kaya naging matagumpay ang lahat ng pagsisikap sa proyektong ito.”
Sinabi ni Nicholas Ahladis, na nasa Translation Services: “Talagang napatibay ang mga translator kahit nasa lockdown sila nang matanggap nila ang mga equipment. Kahit nakahiwalay ang ibang miyembro ng translation team, maayos pa rin silang nakapag-translate at nakapag-record ng mga pahayag, drama, at mga kanta sa mahigit 500 wika.”
Isa lang ang proyektong ito sa maraming kailangang gawin para mapanood ang programa ng 2020 “Laging Magsaya”! na Panrehiyong Kombensiyon sa buong mundo. Naging posible ang pagbili sa mga kagamitang ito dahil sa inyong donasyon sa donate.pr418.com at sa iba pang paraan.