Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Pagtulong sa mga Biktima ng Sakuna

Pagtulong sa mga Biktima ng Sakuna

PEBRERO 1, 2021

 Noong 2020, nagkaroon ng napakaraming likas na sakuna at nagsimulang kumalat ang COVID-19 sa buong mundo. Paano tumulong ang mga Saksi ni Jehova sa mga naapektuhan?

 Noong 2020 taon ng paglilingkod, a inaprobahan ng Coordinators’ Committee ng Lupong Tagapamahala na maglaan ng 28 milyong dolyar b para sa relief work. Nakatulong ito sa mga biktima ng mahigit 200 sakuna—kasali na ang COVID-19 pandemic, mga bagyo, pagbaha sa Africa, kakapusan sa pagkain sa Venezuela, at tagtuyot sa Zimbabwe. Ginamit ang pondo sa pagkain, tubig, tuluyan, damit, at panggagamot, pati na sa mga gagamitin sa paglilinis, pagre-repair, at konstruksiyon. Tingnan ang ilang halimbawa.

 COVID-19. Dahil sa pandemic, ang mga kapatid natin sa buong mundo ay naapektuhan sa pisikal, emosyonal, at pinansiyal. Mahigit 800 Disaster Relief Committee (DRC) ang binuo sa buong mundo para tulungan sila. Inaalam ng mga komiteng ito ang pangangailangan ng mga kapatid at nagbibigay agad ng report para malaman ng Coordinators’ Committee kung paano sila makakatulong.

 Sa tulong ng mga DRC, marami ang nabigyan ng pagkain, tubig, gamot, at mga magagamit para mapanatili ang kalinisan. Sa ilang lugar, nakipagtulungan ang mga DRC sa mga elder para makakuha ng tulong ang mga kapatid sa gobyerno.

 Napansin ng mga di-Saksi ang ginagawa nating pagtulong. Halimbawa, ganito ang sinabi sa mga kapatid ng district commissioner ng Nakonde, Zambia na si Field Simwinga: “Nagpapasalamat kami sa agaran n’yong pagtulong sa mga pamilyang naapektuhan.”

 Kakapusan sa Pagkain sa Angola. Dahil sa COVID-19 pandemic, naapektuhan ang suplay ng pagkain sa Angola at tumaas nang husto ang presyo ng mga bilihin. Maraming kapatid ang nahirapang makabili ng pagkain.

Mga pack ng pagkain na ipinadala sa Angola mula sa Brazil

 Hiningan ng tulong ang sangay sa Brazil para magpadala ng pagkain sa mga kapatid natin sa Angola. Para hindi maaksaya ang pondo, pinag-aralang mabuti ang pagbili at pagpapadala ng pagkain; binili nang maramihan ang pagkain. Kaya gumastos lang ng mga $22 sa bawat pack ng pagkain kasama na ang pagpapadala nito, pero halos 20 kilo na ang laman nito—may bigas, beans, mantika, at iba pa. Sa kasalukuyan, nakapagpadala na ng 33,544 na pack ng pagkain, na tumitimbang ng 654 na metriko tonelada. Ang mga pack na ito kasama ang mga pagkaing binili sa Angola ay nakatulong para mapakain ang mahigit 50,000 katao!

 Ano ang reaksiyon ng mga kapatid sa tulong na natanggap nila? Sinabi ni Alexandre, na nakatira sa isang liblib na lugar sa Angola: “Katibayan ito na mahal ako ni Jehova at hindi ako nag-iisa. Mahalaga ako sa organisasyon ni Jehova!” Sinabi naman ni Mariza, isang nagsosolong ina: “Dininig ni Jehova ang panalangin ko. Nagpapasalamat ako sa kaniya at sa organisasyon niya!”

Mga kapatid sa Angola na nagpapasalamat dahil sa relief goods

 Tulong sa Panahon ng Tagtuyot sa Zimbabwe. Noong 2020 taon ng paglilingkod, nagkaroon ng matinding tagtuyot sa Zimbabwe, kaya milyon-milyon ang nagutom. Libo-libong Saksi sa Zimbabwe ang walang sapat na pagkain.

 Limang DRC ang binuo para magbigay ng pagkain sa mga kapatid. Daan-daang kapatid ang tumulong sa pagpa-pack ng pagkain at paglalagay nito sa sasakyan. Nagpahiram naman ang iba ng sasakyan nila. c Sa 2020 taon ng paglilingkod, $691,561 ang nagamit para mapakain ang mahigit 22,700 katao!

Mga kapatid sa Zimbabwe na nakatanggap ng suplay ng pagkain (bago ang pandemic)

 May mga kapatid na naubusan na ng pagkain nang dumating ang tulong. Nang matanggap nila ang suplay ng pagkain, pinuri nila si Jehova. Napakanta pa nga ang iba ng mga Kingdom song.

 Sa isang lugar, dalawang biyudang Saksi ang pumunta sa isang miting ng komunidad kung saan pag-uusapan ang ayudang ibibigay ng isang nongovernmental organization (NGO). Pero unti-unting nauwi sa politika ang usapan, kaya ipinasiya ng mga sister na hindi nila magagawa ang mga kailangang gawin kapalit ng ayuda. Noong paalis na sila, ininsulto sila at sinabihan, “Huwag na huwag kayong lalapit sa amin para humingi ng pagkain!” Pero pagkaraan lang ng dalawang linggo, may dumating na mga kapatid at nabigyan ang mga sister ng suplay ng pagkain—mas nauna pa kaysa sa ayuda ng NGO!

“Hindi pinapabayaan ni Jehova ang mga lingkod niya,” ang sabi ni Prisca

 Naging magandang patotoo din ang pagtulong na ginawa sa Zimbabwe. Tingnan ang karanasan ni Prisca, na nakatira sa isang maliit na nayon. Naging napakahirap ng buhay dahil sa tagtuyot, pero nangangaral pa rin si Prisca tuwing Miyerkules at Biyernes, kahit noong panahong inihahanda ang lupa para sa pagtatanim. Pinagtawanan siya ng mga taganayon at sinabi: “Magugutom ang pamilya mo dahil diyan sa pangangaral mo.” Sasabihin lang ni Prisca: “Hindi pinapabayaan ni Jehova ang mga lingkod niya.” Di-nagtagal, nakatanggap siya ng relief goods mula sa organisasyon. Humanga ang ilang kapitbahay niya at sinabi kay Prisca: “Hindi ka pinabayaan ng Diyos, kaya gusto pa naming matuto tungkol sa kaniya.” Sa ngayon, pitong kapitbahay niya ang nakikinig na sa mga pulong na naka-broadcast sa radyo.

 Habang papalapít ang wakas, patuloy tayong makakaranas ng mga likas na sakuna. (Mateo 24:3, 7) Lubos na pinapahalagahan ang inyong pagkabukas-palad sa mga donasyong ibinibigay ninyo gamit ang mga paraang makikita sa donate.pr418.com. Dahil sa mga ito, agad tayong nakakapagbigay ng kinakailangang tulong.

a Ang 2020 taon ng paglilingkod ay mula Setyembre 2019 hanggang Agosto 2020.

b Ang lahat ng dolyar sa artikulong ito ay tumutukoy sa U.S. dollar.

c Dahil sa mga restriksiyon para sa COVID-19 pandemic, kumuha ng permit ang mga kapatid para makapaghatid ng suplay ng pagkain. Naging maingat din sila para hindi sila mahawahan ng virus.