Global Data Protection Policy ng mga Saksi ni Jehova
Iginagalang ng pandaigdig na relihiyosong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova (“organisasyon”) ang karapatan ng bawat indibiduwal pagdating sa privacy at pag-iingat ng personal na impormasyon. Kinikilala ng organisasyon na kailangan ang bukás at tapatang komunikasyon at ang pagkuha ng personal at sensitibong mga impormasyon para matugunan ang pangangailangan ng bawat Saksi ni Jehova at para maisakatuparan ang kanilang gawaing panrelihiyon at pagtulong sa kapuwa. Pero kinikilala rin nito ang pangangailangang maingatan at mapanatiling kompidensiyal ang mga impormasyong ito. (Kawikaan 15:22; 25:9) Mahalaga sa amin ang confidentiality.—Kawikaan 20:19.
May sariling mga data protection law ang ilang bansa para maprotektahan ang karapatan ng bawat indibiduwal pagdating sa privacy. Ang organisasyon, pati na ang mga tanggapang pansangay nito, ay kilala pagdating sa paggalang sa privacy at pagpapanatili ng confidentiality, kahit noong wala pang mga data protection law. Patuloy na iingatan ng organisasyon ang mga impormasyong tinatanggap nito, gaya ng matagal na nitong ginagawa.
Mga Pamantayan sa Pag-iingat ng Impormasyon. Sinusunod ng organisasyon ang sumusunod na pamantayan sa paghawak ng lahat ng personal na impormasyon:
Gagamitin ang personal na mga impormasyon sa patas at legal na paraan.
Ang personal na mga impormasyon ay kukunin, ipoproseso, at gagamitin lang ng organisasyon para maisakatuparan ang gawain nitong panrelihiyon at pagtulong sa kapuwa.
Titiyaking tumpak at up-to-date ang personal na mga impormasyon. Kapag nalaman ng organisasyon na may mali sa impormasyon, agad itong itatama.
Ang personal na mga impormasyon ay itatago lang hangga’t kailangan para sa lehitimong (mga) dahilan ng organisasyon.
Ibibigay ang nararapat na paggalang sa karapatan ng mga nagmamay-ari ng personal na impormasyon.
Magsasagawa ng kinakailangang teknikal at organisasyonal na pag-iingat para maiwasan ang di-awtorisado at ilegal na paglalabas ng personal na impormasyon. Ang lahat ng computer na naglalaman ng personal na impormasyon ay may password, at mga awtorisado lang ang may access dito. Nila-lock ang mga opisina pagkatapos ng oras ng trabaho, at mga awtorisado lang ang puwedeng makapasok dito.
Hindi ipapadala sa ibang sangay ang personal na mga impormasyon malibang kailangan para maisakatuparan ng organisasyon ang gawain nitong panrelihiyon at pagtulong sa kapuwa. Ang lahat ng Saksi ni Jehova ay sumang-ayon dito nang kusang-loob silang magpasiya na maging Saksi at makilala bilang Saksi ni Jehova.
Ito ang sinusunod na pamantayan sa paggamit ng personal na mga impormasyon, gaya ng nakasaad sa aklat na Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova, na ibinibigay sa lahat ng Saksi ni Jehova kapag naging mamamahayag sila. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova.
Ipinagkakaloob sa isang indibiduwal ang karapatan na maingatan ang kaniyang personal na impormasyon at sensitibong personal na impormasyon, pati na ang karapatan na itama o burahin ang kaniyang personal na impormasyon at sensitibong personal na impormasyon, batay sa sinusunod na pamantayan ng mga Saksi ni Jehova na nakasaad sa Global Policy sa Paggamit ng Personal na mga Impormasyon sa ilalim ng seksiyong Mga Karapatan Mo.
Ipinapakita dito, sa Global Data Protection Policy ng mga Saksi ni Jehova, kung paano ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ang personal na mga impormasyon.