Libo-libo ang Bumibisita sa Sangay sa Central America
Noong 2015, halos 175,000 ang nag-tour sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Central America na nasa Mexico—may average na 670 bawat araw! Ang iba ay dumating nang maramihan matapos maglakbay nang ilang araw sakay ng mga arkiladong bus. Ang ilan ay kinailangang magplano nang maraming buwan bago magbiyahe.
“Bethel Project”
Para sa ilan, ang pagbisita sa tanggapang pansangay, tinatawag na Bethel, ay nangailangan ng pagsasakripisyo. Halimbawa, karamihan sa mga Saksi sa estado ng Veracruz sa Mexico ay walang pamasahe para sa 550-kilometrong (340 milya) biyahe sa bus. Kaya gumawa sila ng isang plano na tinawag nilang “Bethel Project.” Nag-organisa sila ng mga grupo para magluto at magbenta ng pagkain. Nag-recycle din sila ng mga boteng plastik. Pagkatapos ng tatlong buwan, kumita sila ng sapat para magamit sa biyahe.
Sulit ba ang kanilang pagsisikap? Talagang sulit. Halimbawa, si Lucio, isang kabataang miyembro ng kongregasyon, ay sumulat: “Ang pagbisita namin sa Bethel ay nag-udyok sa akin na umabot nang higit pang espirituwal na mga tunguhin, at mas masigasig na ako ngayon sa paglilingkod sa aming kongregasyon.” At si Elizabeth, na 18 anyos, ay nagsabi: “Sa Bethel, kitang-kita ko at damang-dama ang tunay na pag-ibig na katangian ng mga naglilingkod kay Jehova. Napakilos ako nito na gumawa nang higit pa para sa Diyos, kaya pumasok ako sa buong-panahong ministeryo.”
Libo-libo ang Dumarating
May mga araw na libo-libo ang bumibisita para mag-tour. Masaya silang tinatanggap at inaasikaso ng mga nagtatrabaho sa Tour Desk. “Nakakatuwang makitang napakarami ang nagdadatingan,” ang sabi ni Lizzy. “Napapatibay ang pananampalataya ko kapag nakikita ko ang pagpapahalaga ng mga bumibisita at naririnig ang pagsasakripisyong ginawa nila para makadalaw sa sangay.”
Para maasikaso ang libo-libong bumibisita, naglilingkod din bilang tour guide ang mga may ibang trabaho sa Bethel. Dagdag na trabaho ito para sa kanila, pero natutuwa silang tanggapin ang mga bisita. “Pagkatapos ko silang i-tour,” ang sabi ni Juan, “nakikita ko ang masasayang mukha ng mga bumisita at alam kong sulit ang ginawa ko.”
“Gustong-gusto Ito ng mga Bata”
Nag-e-enjoy rin ang mga bata sa pagdalaw sa Bethel. Sinabi ni Noriko, na nagtatrabaho sa Computer Department: “Tinatanong ko ang mga bata sa tour group kung gusto nilang maglingkod sa Bethel. ‘Opo!’ ang sabi nilang lahat.” Isa sa gustong-gustong puntahan ng mga bata ang “Caleb’s Corner.” Puwede silang magpalitrato doon sa tabi ng life-size na larawan nina Caleb at Sophia, mga karakter sa serye sa video na Maging Kaibigan ni Jehova. “Gustong-gusto ito ng mga bata,” ang sabi ni Noriko.
Nagpapasalamat ang maraming bata dahil sa trabahong ginagawa sa Bethel. Halimbawa, si Henry, isang batang taga-Mexico, ay nag-ipon ng pera sa alkansiya para i-donate pagpunta niya sa Bethel. “Pakisuyo po gamitin ninyo ang perang ito para gumawa ng mas marami pang publikasyon,” ang isinulat niya kasama ng kaniyang donasyon. Idinagdag pa niya, “Salamat po sa pagtatrabaho para kay Jehova.”
Inaanyayahan Ka Naming Bumisita
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng libreng guided tour sa kanilang mga opisina at palimbagan sa buong daigdig. Kung gusto mong mag-tour sa isang tanggapang pansangay, malugod ka naming inaanyayahang bumisita. Tiyak naming mag-e-enjoy ka. Para sa higit pang detalye tungkol sa mga tour na ito, pumunta sa TUNGKOL SA AMIN > TANGGAPAN AT TOUR.