Watchtower Sign—Kilalang-kilala sa Brooklyn
Araw at gabi sa mahigit 40 taon, naging pamilyar na tanawin sa mga residente ng New York City ang mga pulang letrang may taas na 4.6 metro sa tuktok ng pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Marami ang tumitingin dito para malaman ang oras at temperatura.
Mula sa apartment ni Eboni sa Brooklyn, kitang-kita niya ang sign. Sinabi niya: “Tumatanaw ako sa bintana bago pumasok sa trabaho para malaman ang oras at temperatura. Nakakatulong ’yon para hindi ako mahuli at nakakapili rin ako ng damit na angkop sa panahon.”
Makikita pa ba ang sign na ito sa susunod na 40 taon? Baka hindi na. Dahil sa planong ilipat ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa hilagang bahagi ng New York, depende na iyan sa magiging bagong may-ari ng gusali.
Dati nang may sign sa gusaling ito mahigit 70 taon na ang nakalilipas. Inilagay ito ng dating may-ari. Binago ito ng mga Saksi ni Jehova noong 1969 nang mabili nila ang gusali.
Kailangang regular na mantinihin ang sign. Ilang henerasyon na ng mga kabataang lalaki ang nag-asikaso nito na handang magkumpuni anumang oras.
Ganito ang naaalaala ng isang naka-duty: “Isang gabi, tinawagan kami ng news director ng isang istasyon ng TV. Sinabi niya na atrasado nang 15 segundo ang orasan. Gusto niya itong ipa-adjust para maipakita niya ito sa kaniyang programa sa gabing iyon. Inayos agad ito ng teknisyan, na pupungas-pungas pa.”
Para mas makatipid at maging mas tumpak ang sign, ilang beses na itong binago. Dati, displey lang ng oras at temperatura sa Fahrenheit ang nagsasalitan. Noong kalagitnaan ng dekada ’80, idinagdag ang displey ng temperatura sa Celsius.
Noong 2009, ang mga neon tube na malakas sa kuryente ay pinalitan ng mga pulang light-emitting diode (LED), na mas tumatagal. Dahil dito, mahigit $4,000 (U.S.) ang natitipid sa pagmamantini sa sign taun-taon at napakalaki rin ng natitipid sa konsumo ng kuryente.