Selebrasyon at Impormasyon Para sa mga Native American sa New York City
Inaakala ng maraming tao na ang mga Native American ay pangunahin nang naninirahan sa mga reserbasyon sa probinsiya. Pero mahigit 70 porsiyento ng mga taong mula sa angkan ng mga Native American ay nakatira sa mga lunsod. Ang pinakamalaking lunsod sa United States, ang New York, ay nag-host sa “Gateway to Nations,” isang Native American na selebrasyon at powwow, noong Hunyo 5-7, 2015. * Nang malaman ito ng mga Saksi ni Jehova sa New York, agad silang nagplanong pumunta. Bakit?
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasalin ng salig-Bibliyang literatura sa daan-daang wika, kasali na ang mga wika ng mga Native American, gaya ng Blackfoot, Dakota, Hopi, Mohawk, Navajo, Odawa, at Plains Cree. Kaya ang mga Saksi ay naglagay ng magagandang mesa at cart sa selebrasyon ng “Gateway to Nations” para idispley ang ilan sa literaturang ito, pati na ang tract na You Can Trust the Creator!
Itinatampok din ng aming opisyal na website ang mga audio at video recording sa karamihan sa nabanggit na mga wika. Ipinarinig at ipinapanood ng mga Saksi na nasa “Gateway to Nations” ang marami sa mga recording na ito sa mga bisita, na nakapansin na ang karamihan sa ibang displey, karatula, at mga pagtatanghal ay sa wikang Ingles o Kastila lamang.
Humanga ang marami sa nakadalo roon hindi lang sa aming pagsisikap na magsalin sa maraming wika ng mga Native American kundi sa amin ding gawaing pagtuturo ng Bibliya sa mga lunsod at sa mga reserbasyon. Pagkatapos malaman ang tungkol sa aming gawain, isang staff ng selebrasyon ang humiling ng pag-aaral sa Bibliya, na ang sabi, “Hihintayin ko ang pagdalaw ninyo para matuto ako tungkol sa Bibliya!”
Isang mag-asawang Native American na bingi ang lumapit sa aming displey, pero ang mga Saksi na naroon ay hindi marunong ng sign language. Mabuti na lang at dumating ang isang Saksi na marunong ng sign language. Mga 30 minuto siyang nakipag-usap sa mag-asawa at tinulungan niya silang makahanap ng isang sign-language na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang lugar.
Mahigit 50 Saksi ni Jehova ang nakibahagi sa pagsisikap na ito ng pagtuturo ng Bibliya, at ang mga bumisita sa kanilang mga displey ay tumanggap ng mahigit 150 literatura noong panahon ng tatlong-araw na selebrasyon.
^ par. 2 Ang modernong powwow, ayon sa antropologong si William K. Powers, “ay isang sekular na pagtitipon na may isang grupo na umaawit bilang saliw sa pagsayaw ng mga lalaki, babae, at mga bata.”—Ethnomusicology, Setyembre 1968, pahina 354.