Dinadala ang Mensahe ng Bibliya sa Dulong Hilaga
Noong 2014, nagbigay ng tagubilin ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa isang bagong programa para dalhin ang mensahe ng Bibliya sa dulong hilaga ng Europe at North America. (Gawa 1:8) Noong simula, nagpokus ang programa sa ilang komunidad sa Alaska (U.S.A.), Lapland (Finland), at Nunavut at Northwest Territories (Canada).
Ilang dekada nang dumadalaw sa malalayong lugar na ito ang mga Saksi ni Jehova para mangaral. Pero sandaling panahon lang nananatili ang mga Saksi kaya madalas na nakapamamahagi lang sila ng mga literatura sa Bibliya.
Sa bagong programang ito, ang mga tanggapang pansangay na nangangasiwa sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa malalayong lugar sa hilaga ay nag-aanyaya ng buong-panahong mga ministro (payunir) para manatili nang di-bababa sa tatlong buwan sa ilang teritoryo. Kung may ilan sa komunidad na interesadong mag-aral ng Bibliya, maaaring manatili nang mas matagal pa ang mga ministro at makapagdaos pa nga ng mga pulong pangmadla.
Siyempre, may ilang hamon din sa pangangaral sa mga lugar sa Hilaga. Isa sa dalawang payunir na naatasan sa Barrow, Alaska, ay taga-timugang California, at ang isa pa ay taga-Georgia, U.S.A. Ang unang taglamig na naranasan nila sa Barrow ay umabot nang hanggang minus 38 digri Celsius (-36°F)! Pero makalipas lang ang ilang buwan mula nang dumating sila, halos 95 porsiyento na ng mga tahanan sa lunsod na iyon ang nadalaw nila at nakapagsimula sila ng apat na Bible study, kabilang na ang isang lalaking nagngangalang John. Siya at ang kasintahan niya ay nag-aaral ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? at ibinabahagi ni John sa kaniyang mga kaibigan at katrabaho ang mga natututuhan niya. Lagi rin niyang binabasa ang teksto bawat araw mula sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw gamit ang JW Library app sa kaniyang phone.
Walang kalsada papunta sa Rankin Inlet sa teritoryo ng Nunavut sa Canada. Kaya dalawang payunir ang sumakay ng eroplano papunta sa maliit na nayong iyon at nakapagpasimula ng ilang Bible study. Matapos mapanood ng isang lalaki ang video na Ano’ng Mayroon sa Kingdom Hall? nagtanong siya kung kailan magtatayo ng Kingdom Hall sa kanilang komunidad ang mga Saksi. Idinagdag pa niya, “Kung nandito pa ako kapag nagtayo kayo, dadalo ako sa mga pulong.”
“Napakalamig at makapal ang snow,” ang sabi ng mga payunir na naatasan sa Savukoski, Finland, kung saan sampung beses na mas marami ang reindeer kaysa sa tao. Pero saktong-sakto daw ang dating nila roon. Bakit? “Nakubrehan namin ang buong teritoryo,” ang ulat nila. “Maayos ang daan patungo sa mga nayon at malalayong lugar kasi inaalis ang snow. Dahil napakalamig, mas madalas na nasa bahay ang mga tao.”
May mga nakapansin sa aming mga pagsisikap na ibahagi ang katotohanan sa Bibliya sa mga komunidad sa dulong hilaga. Matapos madalaw ng dalawang payunir ang mayor ng isang lunsod sa Alaska, nag-post ito ng positibong mensahe sa social media tungkol sa naging talakayan nila at nag-attach pa nga ng larawan ng tract na Ano ang Kaharian ng Diyos?
Sa Haines, Alaska, kung saan walo ang dumalo sa pulong na idinaos ng dalawang payunir sa isang pampublikong aklatan, iniulat ng lokal na pahayagan na ang dalawang lalaki na taga-Texas at taga-North Carolina ay naroon para mag-alok ng personal na pag-aaral sa Bibliya sa tahanan. Sa konklusyon ng anunsiyo, sinabi ng pahayagan: “Magpunta sa jw.org para sa higit pang impormasyon.”