Pangangaral sa mga Pamayanan ng mga Katutubo sa Canada
Mahigit 60 katutubong wika ang sinasalita sa Canada, at mga 213,000 taga-Canada ang nag-ulat na ginagamit nila ang isa sa mga wikang ito bilang kanilang sariling wika.
Para maabot ang puso ng mga katutubo, maraming Saksi ni Jehova ang nag-aral ng isa sa mga wikang ito. Sa pagtatapos ng 2015, mahigit 250 indibiduwal ang nakapagtapos sa isang klase sa pag-aaral ng katutubong wika na inorganisa ng mga Saksi.
Karagdagan pa, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsalin ng salig-Bibliyang mga publikasyon, pati ng maiikling video, sa walong katutubong wika ng Canada: Algonquin, Blackfoot, Plains Cree, West Swampy Cree, Inuktitut, Mohawk, Odawa, at Northern Ojibwa. *
Inamin ng mga nag-aaral ng katutubong wika na hindi ito madali. Sinabi ni Carma: “Nang magsimula akong tumulong sa mga tagapagsalin sa wikang Blackfoot, para akong nagtatrabaho nang nakapiring. Hindi ako masyadong marunong sa wikang iyon. Hindi ako makabasa ng Blackfoot at hindi ko rin masyadong maintindihan kapag may nagsasalita sa wikang ito.”
“Maraming salita ang mahahaba at mahirap bigkasin,” ang sabi ni Terence, na gumagawang kasama ng mga tagapagsalin sa wikang West Swampy Cree. Ganito naman ang sabi ni Daniel, isang buong-panahong ministro sa Manitoulin Island, Ontario: “Kakaunti ang mga diksyunaryo at mga aklat tungkol sa gramatika. Ang pinakamabuting paraan para matuto ng Odawa ay magpaturo sa isang lola o lolo sa pamayanan.”
Sulit ba ang lahat ng pagsisikap na ito? Sinabi ng isang babaeng Ojibwa na naiiba ang mga Saksi ni Jehova sa ibang relihiyon dahil sa kanilang mga pagsisikap. Sinabi niya na ang pagdalaw ng mga Saksi sa tahanan ng mga tao at pagbabasa sa kanila ng Bibliya sa wikang Ojibwa ay nakatulong sa mga tao na maging mas palagay ang loob na makipag-usap tungkol sa Bibliya.
Si Bert, isang tagapagsalin na lumaki sa reserbasyon ng Blood Tribe sa Alberta, ay nagsabi: “Marami akong nakitang katutubong Blackfoot na yakap-yakap ang isang publikasyon at sinasabi, ‘Wika ko ’to. Para sa akin ’to!’ Madalas kong makitang naluluha sila habang pinanonood ang isang video sa kanilang wika.”
Labis na pinahalagahan ng isang babaeng nagsasalita ng Cree ang video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya? sa kaniyang katutubong wika. Sinabi niya na parang nanay niya ang nakikipag-usap sa kaniya.
Paggawa ng Malaking Pagsisikap
Maraming Saksi ang gumawa ng pantanging pagsisikap para ibahagi ang nakaaaliw na mensahe ng Bibliya sa mga pamayanan ng mga katutubo. Naaalaala ni Terence at ng asawa niyang si Orlean ang isang ekspedisyon. Ikinuwento nila: “Isang convoy kami ng mga sasakyan na nagbiyahe nang mga 12 oras sa mayelong daan para mangaral sa isang reserbasyong tinatawag na Little Grand Rapids. Kahanga-hanga ang pagtugon doon!”
Iniwan ng iba ang kanilang tahanan para manirahang malapit sa mga pamayanang ito. Pagkatapos masiyahan sa tatlong-buwang kampanya ng pangangaral sa Manitoulin Island, si Daniel at ang asawa niyang si LeeAnn ay nagpasiyang lumipat doon. Sinabi ni Daniel: “Pinahahalagahan namin ang pagkakaroon ng higit na panahon para maging mas palagay ang loob ng mga tao at malinang ang kanilang interes.”
“Kasi Talagang Mahal Ko Sila”
Bakit nagsisikap ang mga Saksi ni Jehova na mangaral sa mga katutubo? Ganito ang sabi ng asawa ni Bert na si Rose: “Dahil ako rin ay isang katutubo at naranasan ko ang mga pakinabang ng pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, napakikilos ako na tulungan din ang iba.”
“Gusto kong magkaroon ng pagkakataon ang mga katutubong Cree na mapatnubayan ng ating Maylalang,” ang sabi ni Orlean. “Talagang isang pribilehiyo na tulungan silang maging malapít kay Jehova at mapagtagumpayan ang mga hamon na nakakaharap nila ngayon.”
Si Marc ay gumagawang kasama ng mga tagapagsalin sa wikang Blackfoot. Bakit siya nangangaral sa mga katutubo sa kaniyang pamayanan? Ang sagot niya: “Kasi talagang mahal ko sila.”
^ par. 4 Ang ilan sa mga wikang ito ay sinasalita rin ng mga katutubo sa United States.