Pumunta sa nilalaman

Graduation ng Ika-137 Klase ng Watchtower Bible School of Gilead

Graduation ng Ika-137 Klase ng Watchtower Bible School of Gilead

Noong Setyembre 13, 2014, ginanap ang graduation ng ika-137 klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa educational center ng mga Saksi ni Jehova sa Patterson, New York. Sa paaralang ito sinasanay ang makaranasang mga ministro ng mga Saksi ni Jehova para maging higit na mabisa sa pagpapatibay sa mga kongregasyon at mga tanggapang pansangay kung saan sila aatasan. Ang mga dumalo sa Patterson o sa pamamagitan ng video tie-in sa mga lugar sa Canada, Jamaica, Puerto Rico, at United States ay may bilang na 12,333.

Si Samuel Herd, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang naging chairman ng programa. Sa kaniyang pambungad na pananalita, idiniin niya na mas mataas ang kaisipan ni Jehova kaysa sa atin. (Isaias 55:8, 9) Sinabi niya na kahit limang buwang pinunô ng mga estudyante ng Gilead ang kanilang isip ng kaisipan ng Diyos, kakaunti pa lang din ang nalalaman nila—‘mga gilid lang ng mga daan ng Diyos.’ (Job 26:14) Sinabi rin ni Brother Herd na sa tuwing nagtitipon tayo para pag-usapan ang mga kaisipan ng Diyos, nakikinabang tayo, katulad ng programang ito ng graduation.

“Ang ‘Bunga ng Espiritu ay . . . Pagtitiis.’” (Galacia 5:22) Itinampok ni John Larson, miyembro ng Komite ng Sangay sa United States, ang dalawang paraan kung paano natin maipakikita ang pagtitiis, isang aspekto ng bunga ng espiritu ng Diyos. Una, kailangan nating maging matiisin habang sinasanay tayo at tinutulungan ni Jehova na maging matatag sa pananampalataya. (1 Pedro 5:10) Magandang halimbawa si Abraham sa pagiging matiisin habang sinasanay siya ni Jehova hanggang sa tuparin Niya ang Kaniyang pangako.—Hebreo 6:15.

Ikalawa, kailangan nating maging matiisin sa ating sarili. Pagkatapos ng kanilang pagsasanay sa Gilead, baka ang daming inaasahan ng mga estudyante sa sarili nila. Kung hindi agad mangyari ang inaasahan nila habang nasa kanilang atas, baka maitanong nila, ‘May problema ba sa akin?’ Batay sa kaniyang sariling karanasan, tiniyak sa kanila ni Brother Larson na mapagtatagumpayan nila ang mga hamon kung magiging matiisin sila sa kanilang sarili at mananatiling masipag hanggang sa tapusin ng Diyos ang kanilang pagsasanay.—Hebreo 6:11, 12.

“Manatili Nawang Mapagpakumbaba ang Inyong Puso at Mabuhay Magpakailanman!” Ang tema ng pahayag ni Anthony Morris ng Lupong Tagapamahala ay batay sa Awit 22:26, na ang huling bahagi ay maaaring literal na isaling “mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.” Para makamit ang pagpapalang ito, dapat tayong maging mapagpakumbaba. Idiniin ni Brother Morris na gagamitin lang tayo ni Jehova kung mapagpakumbaba tayo. Maaaring malimutan ng sinuman sa atin, kahit ng matatagal nang Kristiyano, kung gaano kahalaga na maging gaya ni Kristo Jesus.—2 Pedro 1:9.

Sa Kasulatan, may mga halimbawa ng mga taong nagpakita at hindi nagpakita ng kapakumbabaan. May-kayabangang tinanggap ni Herodes Agripa ang papuri ng mga tao na para lang sa Diyos, kaya naman sinaktan siya ng anghel ng Diyos at “kinain ng mga uod.” (Gawa 12:21-23) Samantalang si Pedro, nang sawayin siya ni Jesus dahil iniisip niya “hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao,” ay hindi nagmukmok o nagalit. (Mateo 16:21-23) Tinanggap niya ang disiplina at naging huwaran sa kapakumbabaan.—1 Pedro 5:5.

May mga estudyante na maaatasang maglingkod sa Bethel sa isa sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, kaya ipinaalaala sa kanila ni Brother Morris na kung hindi sila mapagpakumbaba, hindi sila magiging masaya sa kanilang atas. Pero hindi madaling makita ng isa kung mapagpakumbaba siya o hindi. Para idiin ang punto, sinabi niya na noon, may elder na pinayuhan dahil hindi ito mapagpakumbaba. Sumulat ito sa tanggapang pansangay, na sinasabi, “Ako na yata ang pinakamapagpakumbabang tao.” Pinayuhan ni Brother Morris ang mga estudyante na iwasan ang gayong saloobin. Mananatili silang mapagpakumbaba kung iiwasan nilang lumaki ang kanilang ulo dahil sa kanilang awtoridad at sa halip, kilalanin na ang tunay na awtoridad ay taglay ng Diyos na Jehova at ni Kristo Jesus.

“Hindi Niya Ibinibigay ang Espiritu Ayon sa Panukat.” (Juan 3:34) Ipinaalaala ni Michael Burnett, instruktor sa Gilead, sa mga estudyante na tutulungan sila ng banal na espiritu na mapagtagumpayan ang mga problema o pag-aalinlangan na makakaharap nila sa kanilang atas. Sa tulong ng espiritu ng Diyos, nagawa ni Bezalel ang kaniyang atas na itayo ang tabernakulo. (Exodo 35:30-35) Hindi lang pinahusay ng banal na espiritu ang kakayahan ni Bezalel bilang bihasang manggagawa kundi tinulungan din siya nitong makapagturo sa iba. Maaari din iyang gawin ng banal na espiritu sa mga nagsipagtapos sa Gilead, lalo na kung susundin nila ang parisan ng pagtuturo mula sa Kasulatan, na natutuhan nila sa klase.

Noong panahon ni Bezalel, may mahalagang papel din ang mga babaeng Israelita sa pagtatayo ng tabernakulo. (Exodo 35:25, 26) Sa katulad na paraan, pinatunayan ng mga sister sa klase na sila ay ‘mga babaeng marunong’ dahil sinusuportahan nila ang kanilang asawa. Sa kaniyang konklusyon, pinayuhan ni Brother Burnett ang mga estudyante: “Samahan ninyo ng kapakumbabaan at masunuring espiritu ang inyong mga kakayahan. Kung gagawin ninyo iyan, saganang ibibigay sa inyo ni Jehova ang kaniyang espiritu.”

“Gusto Mo Bang Sumayaw na Kasama Ko?” Sa temang ito ng pahayag ni Mark Noumair, tumutulong sa Teaching Committee, ginamit niya ang halimbawa ni Haring David nang ipadala nito ang kaban ng tipan sa Jerusalem. (2 Samuel 6:12-14) Mapagpakumbabang sumayaw si David nang may pagsasaya kasama ang “mga aliping babae ng kaniyang mga lingkod” habang dinadala ang Kaban. (2 Samuel 6:20-22) Hinding-hindi makakalimutan ng mga aliping babaeng iyon ang araw na sumayaw si Haring David na kasama nila. Pagkatapos ay pinasigla ni Brother Noumair ang mga estudyante na ‘sumayaw na kasama ng mga aliping babae.’ Tinanong niya sila: “Makikilala ba kayo bilang isa na tumutulong sa karaniwang mamamahayag? . . . Pahahalagahan ba ninyo ang iba dahil sa kanilang espirituwal na mga katangian?”

Matutularan ng mga nagsipagtapos si Jehova kung patuloy silang magpapakita ng matapat na pag-ibig sa gayong paraan. (Awit 113:6, 7) Kahit na hindi mapagpakumbaba ang iba, hindi hahayaan ng mga estudyante na makaapekto sa kanila ang di-kasakdalan ng mga ito. “Isipin ninyong hindi kayo importante,” ang sabi ni Brother Noumair. Idinagdag pa niya: “Pakitunguhan ninyo ang mga tupa ni Jehova gaya ng pakikitungo Niya rito.”

“Magpatotoo sa Bawat Angkop na Pagkakataon.” Binanggit ni William Samuelson, nangangasiwa sa Theocratic Schools Department, na sinamantala ni apostol Pablo ang bawat pagkakataon para ipangaral ang mabuting balita. (Gawa 17:17) Pagkatapos ay hiniling ni Brother Samuelson sa mga estudyante na isadula ang magagandang karanasan nila sa ministeryo habang nasa Gilead. Halimbawa, natagpuan ng isang mag-asawa ang isang klerk sa isang pamilihan ng pagkain. Naghintay sila hanggang sa wala nang gaanong bumibili at ipinakita sa kaniya ang video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya? Ipinakita rin nila sa kaniya ang jw.org, kung saan makikita ang impormasyon sa sarili niyang wika na Laotian. Binalikan ng mag-asawa ang babae at nilinang ang kaniyang interes.

“Laging Handang Maglingkod Para sa Kaharian.” Ininterbyu ni William Nonkes, nagtatrabaho sa Service Department sa sangay sa United States, ang apat sa mga nagsipagtapos. Sa diwa ng Isaias 6:8, naglilingkod na sila para sa Kaharian, pero sinanay sila ng paaralan para gumawa nang higit pa. Ayon kay Sister Snolia Maseko, ipinakita sa kaniya ng Gilead ang mga kailangan pa niyang pasulungin, lalo na sa matalinong paggamit ng panahon kahit pagkatapos ng buong araw na paglilingkod. Sinabi niya, “Tinulungan ako ng pagsasanay na gawin ang higit pa sa inaakala kong magagawa ko.” Natutuhan ni Brother Dennis Nielsen kung paano makatutulong sa kaniya ang Zefanias 3:17 na maiwasan ang pagkasira ng loob sa ministeryo. “Kapag nasa ministeryo ako at hindi maganda ang resulta ng paglilingkod ko, dapat kong tandaan na si Jehova ay humihiyaw sa kaligayahan,” ang sabi ni Brother Nielsen, “at gayon din ang dapat kong gawin.”

“Masdan Ninyong Mabuti ang mga Ibon sa Langit.” (Mateo 6:26) Si Stephen Lett ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng pangunahing pahayag sa programa. Batay sa turo ni Jesus na dapat nating ‘masdang mabuti,’ o suriing mabuti, ang mga ibon, tinukoy ni Brother Lett ang ilang aral na matututuhan natin sa kanila.—Job 12:7.

Halimbawa, kung paanong pinakakain ni Jehova ang mga ibon, paglalaanan din niya tayo. Mga miyembro tayo ng “sambahayan ng Diyos,” at tinitiyak niya sa atin na ‘paglalaanan niya ang mga sariling kaniya.’ (1 Timoteo 3:15; 5:8) Siyempre pa, dapat nating gawin ang ating bahagi. Kung paanong dapat hanapin ng mga ibon ang pagkain na inilalaan ng Diyos, dapat din nating patuloy na “hanapin muna ang kaharian” para makamit ang kaniyang pagpapala.—Mateo 6:33.

Binanggit din ni Brother Lett na maraming ibon ang nagbibigay ng babala kapag nadama nilang may panganib. Sa katulad na paraan, nagbababala rin tayo kung kinakailangan, gaya halimbawa kung ang isang brother ay “makagawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito.” (Galacia 6:1) At sa ating pangangaral, nagbibigay rin tayo ng babala tungkol sa papalapít na “araw ni Jehova.” (Zefanias 1:14) Sa isa pang halimbawa, ipinaliwanag ni Brother Lett na kung paanong ang nandarayuhang mga ibon ay lumilipad sa matataas na bundok, mapagtatagumpayan din natin ang mahihirap na problema sa tulong ni Jehova.—Mateo 17:20.

Konklusyon. Matapos matanggap ang kanilang mga diploma, binasa ng isang estudyante ang liham ng pasasalamat ng klase. Sa kaniyang konklusyon, ikinumpara ni Brother Herd ang paglalagay ng mga kaisipan ni Jehova sa ating puso sa pagbabaon ng malalaking pako sa mga riles ng tren. Kailangan ng maraming pukpok ng martilyo para bumaon ang pako. Sa katulad na paraan, dapat ding patuloy na isip-isipin ng mga nagsipagtapos ang mga natutuhan nila sa Gilead. “Maglaan ng panahon para ibaon ito sa kaibuturan ng inyong puso,” ang sabi ni Brother Herd. Pagkatapos ay idinagdag niya, “Sundin ninyo ang mga kaisipan ng Diyos, at kayo ay magiging isang pagpapala.”