Pumunta sa nilalaman

Graduation ng Ika-138 Klase ng Watchtower Bible School of Gilead

Graduation ng Ika-138 Klase ng Watchtower Bible School of Gilead

Noong Marso 14, 2015, ginanap ang graduation ng ika-138 klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa educational center ng mga Saksi ni Jehova sa Patterson, New York. Mahigit 14,000 ang dumalo, kasali na ang mga nakapanood nito sa pamamagitan ng video sa ilang lugar. Nagsimula ang programa sa pamamagitan ng musika ng apat na bagong awiting pang-Kaharian, na inawit noong bandang huli ng lahat ng dumalo. *

Si Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang chairman ng programa. Sa kaniyang pambungad na pananalita, sinabi niya sa mga estudyante na huwag sarilinin ang kanilang kaalaman kundi gamitin ang tinanggap nilang pagsasanay para tulungan ang iba.—2 Timoteo 2:2.

Tinalakay ni Brother Jackson ang halimbawa ni Moises. May panahong ang tolda ni Moises ang naging sentro ng pagsamba ng bansang Israel. Pero nang matapos ang tabernakulo, iyon na ang naging sentro ng tunay na pagsamba. Lumilitaw na si Moises ay hindi pinayagang makapasok sa loob ng Kabanal-banalang dako ng tabernakulo; ang pribilehiyong iyon ay para lang sa mataas na saserdote. Ngunit walang ulat na nagreklamo si Moises sa pagbabagong iyon. Sa halip, matapat niyang sinuportahan si Aaron sa bagong atas nito bilang mataas na saserdote. (Exodo 33:7-11; 40:34, 35) Ang aral? “Pahalagahan ang anumang pribilehiyong mayroon ka, pero huwag mo itong sarilinin,” ang sabi ni Brother Jackson.

“Matatakot Ka Ba sa Kaluskos ng Dahon?” Iyan ang tema ng pahayag ni Kenneth Flodin, tumutulong sa Teaching Committee ng Lupong Tagapamahala. Sinabi niyang ang mga estudyante ay maaaring mapaharap sa mga sitwasyon na nakapanghihina ng loob, gaya ng pag-uusig o mahirap na atas. Gamit ang pananalita sa Levitico 26:36, hinimok niya ang mga estudyante na sa halip na isiping hindi nila kayang harapin ang gayong mga sitwasyon, ituring nila iyon na para lang isang tuyong dahon. Pagkatapos, itinampok ni Brother Flodin ang halimbawa ni apostol Pablo, na nakapagbata ng maraming pagsubok dahil nagtiwala siya kay Jehova.—2 Corinto 1:8, 10.

“Ano ang Hinahanap Mo?” Si Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang sumunod na nagpahayag. Tinalakay niya ang simulaing nakaulat sa Kawikaan 13:12, na nagsasabi: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” Nakalulungkot, marami ang nakadaramang lagi silang bigo dahil nagtakda sila ng mga tunguhing baka hindi nila maabot, gaya ng kayamanan o katanyagan.

Noong panahon ni Jesus, mali ang inaasahan ng ilan tungkol kay Juan na Tagapagbautismo. (Lucas 7:24-28) Halimbawa, maaaring ang inaasahan nila ay isang pilosopo na pahahangain sila ng mga turong mahirap maunawaan. Kung iyon ang naisip nila, malamang na dismayado sila, dahil ang itinuro ni Juan ay isang malinaw na mensahe ng katotohanan. Maaari namang ang iniisip nila ay isang lalaking kahanga-hanga ang hitsura. Pero ang damit ni Juan ay yaong karaniwang suot ng mahihirap. Gayunman, tiyak na hindi nadismaya ang mga umaasang propeta siya, dahil hindi lang basta isang propeta si Juan kundi tagapagpauna pa siya ng Mesiyas!—Juan 1:29.

Bilang pagkakapit, hinimok ni Brother Sanderson ang mga estudyante na hanapin ang tamang bagay. Sa halip na maghangad na maging prominente o tratuhin nang espesyal sa kanilang atas, dapat silang magtuon ng pansin sa paggamit ng kanilang natutuhan para sa kapakinabangan ng iba. Magagawa nila ito sa pamamagitan ng pagbabahagi sa iba ng mga natutuhan nila sa Gilead, pagpapatibay sa pananampalataya ng kanilang mga kapatid, at pagpapakita ng pag-ibig sa kanila. “Maging mapagpakumbabang lingkod ng inyong mga kapatid at ibigay ang buong makakaya para gawin ang kalooban ni Jehova,” ang sabi ni Brother Sanderson, “at hinding-hindi kayo mabibigo.”

“Pakainin ang Nagugutom.” Iyan ang tema ng pahayag ni James Cauthon, isang instruktor sa Theocratic Schools Department. Sinabi ni Brother Cauthon na lahat ay nangangailangan ng pagmamahal, pagpapahalaga, at pagkilala. Maging si Jesus ay nangailangan nito, at pinunan ito ni Jehova sa pagsasabi sa kaniya ng magiliw na mga salita noong bautismuhan si Jesus.—Mateo 3:16, 17.

Binigyan tayo ni Jehova ng kakayahang patibayin at palakasin ang iba sa pamamagitan ng ating pananalita, at inaasahan niyang gagamitin natin ito. (Kawikaan 3:27) “Sanayin ang iyong sarili na hanapin ang mabuti sa iba at huwag mag-atubiling papurihan sila,” ang paghimok ni Brother Cauthon. Ang taimtim na komendasyon ay tutulong sa ating mga kapatid na malamang sulit ang kanilang mga pagsisikap.

“Hanggang sa Huling Patak.” Si Mark Noumair, tumutulong sa Teaching Committee, ang sumunod na nagpahayag. Gamit na halimbawa si apostol Pablo, pinasigla ni Brother Noumair ang mga estudyante na huwag makontento sa paggawa lang ng kung ano ang hinihiling sa kanila. Sa halip, ibuhos nila ang kanilang sarili para sa iba gaya ng ginawa ni Pablo, at tiyak na magiging maligaya sila.—Filipos 2:17, 18.

Hindi sumuko si Pablo kahit sa harap ng mga problema. Patuloy siyang nakipagpunyagi hanggang kamatayan, kaya naman masasabing ibinuhos ni Pablo ang kaniyang sarili hanggang sa huling patak. Kaya masasabi niya: “Natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan.” (2 Timoteo 4:6, 7) Pinasigla ni Brother Noumair ang mga estudyante na tularan si Pablo sa pamamagitan ng tapat na pagsuporta sa gawaing pang-Kaharian sa kanilang atas.

Mga Karanasan. Pinangunahan ni Michael Burnett, isa pang instruktor sa Gilead, ang sumunod na programa, kung saan isinadula ng mga estudyante ang magagandang karanasan nila sa ministeryo habang nasa Patterson sila.

Tulad ng dati, magaganda ang karanasan ng mga estudyante sa pagiging alisto sa pagpapatotoo at sa pagsisikap na ibahagi ang katotohanan sa sariling wika ng mga tao. Halimbawa, ikinuwento ng isang estudyante na marami ang nagsasalita ng Kastila sa teritoryong pangangaralan niya. Kaya minsan, bago siya magtungo sa ministeryo, nag-aral muna siya ng ilang salitang Kastila sa tulong ng JW Language app. Nang mismong araw na iyon, may nakilala siya sa kalye na isang lalaking nagsasalita ng Kastila. Gamit ang kaunting Kastilang natutuhan niya, nakipag-usap siya at nakapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya sa lalaking iyon at sa apat na miyembro ng pamilya nito.

Mga Interbyu. Sumunod, ininterbyu ni William Turner, Jr., tumutulong sa Service Committee ng Lupong Tagapamahala, ang apat na estudyante tungkol sa mga karanasan nila bago mag-aral sa Gilead, pati na sa tinanggap nilang pagsasanay mula rito.

Ikinuwento ng mga estudyante ang magagandang puntong napag-aralan nila. Halimbawa, inilahad ng isang estudyante ang mga natutuhan niya sa ulat ng Lucas kabanata 10. Nagsaya ang 70 alagad na isinugo ni Jesus dahil sa magagandang resulta ng kanilang pangangaral. Natuwa rin naman si Jesus, pero itinuro niya sa mga alagad na magsaya hindi lang dahil sa mga resulta kundi pangunahin nang dahil alam nilang natutuwa si Jehova sa kanilang pagsisikap. Ipinaaalaala nito sa atin na ang tunay na kagalakan ay nakadepende, hindi sa ating mga kalagayan, kundi sa pagkakaroon ng pagsang-ayon ni Jehova.

Ikinapit ni Brother Turner sa mga estudyante ang pananalita sa Filipos 1:6. Tiniyak niya sa kanila na si Jehova ay “nagsimula ng mabuting gawa” sa kanila at na patuloy silang tutulungan ni Jehova.

“Masdang Mabuti si Jehova.” Si Samuel Herd, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng pinakatampok na pahayag. Binanggit niya na hindi natin literal na makikita si Jehova. Kaya paano natin siya pagmamasdang mabuti?

Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga lalang niya, na may itinuturo tungkol sa kaniya. Bukod diyan, dahil kay Jehova, “ang mga mata ng [ating] puso ay naliwanagan na.” (Efeso 1:18) Kapag lagi nating binabasa ang Bibliya, lalo tayong natututo tungkol kay Jehova. At kapag mas marami tayong natututuhan tungkol kay Jehova, lalo tayong napapalapít sa kaniya.

Gusto nating bigyang-pansin ang mga Ebanghelyo, dahil tumutulong ito sa atin na makilalang mabuti si Jehova sa pamamagitan ng mga sinabi at ginawa ng kaniyang Anak. Kitang-kita kay Jesus ang personalidad ni Jehova anupat nasabi niya: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Juan 14:9.

Pinasigla ni Brother Herd ang mga tagapakinig na hindi lang masdan si Jehova sa pamamagitan ng halimbawa ni Jesus kundi tularan din ang nakita nila. Halimbawa, kung paanong nagsikap nang husto si Jesus para pakainin ang iba, gusto rin nating pagsikapang ibahagi sa iba ang espirituwal na pagkaing tinanggap natin.

Ano ang resulta kapag minasdan nating mabuti si Jehova? Magkakaroon tayo ng pagtitiwalang tulad ng sa salmista, na sumulat: “Lagi kong inilalagay si Jehova sa harap ko. Sa dahilang siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.”—Awit 16:8.

Konklusyon. Matapos tanggapin ng mga estudyante ang kanilang diploma, binasa ng isa sa mga nagtapos ang liham ng pasasalamat ng klase. At bilang konklusyon, sinabi ni Brother Jackson sa mga nagtapos na hindi naman kailangang bago o malalim ang lahat ng ituturo nila. Madalas, ipaaalaala lang nila sa mga kapatid ang mga bagay na alam na ng mga ito. Idiniin din ni Brother Jackson na kailangang maging mapagpakumbaba. Sa halip na ituon ang pansin sa kanila o sa pagsasanay na tinanggap nila sa Gilead, nanaisin ng mga nagtapos na akayin ang pansin ng mga kapatid sa Bibliya at sa ating mga publikasyong salig sa Bibliya. Kaya sa halip na pahinain ang loob ng mga hindi nagkaroon ng pagkakataong mag-aral sa Gilead, patitibaying-loob ng mga nagtapos ang kanilang mga kapatid na samantalahin ang espirituwal na mga paglalaang mayroon sila. Lahat ng dumalo ay napatibay at determinadong maglingkod sa kanilang mga kapatid.

Freeman at Miriam Abbey

Joel Acebes

Arsen at Alyona Airiiantc

Aynura Allahverdiyeva

Haja at Lalatiana atriakaja

Dale at Sonia Clarke

Michael at Katrina Davies

Trent Edson

Aleksandr Fomin

Josué François

Juan Giovannelli

Mark at Jill Hollis

Daniel Jovanović

Hugues at Rachel Kabitshwa

Dong-in Kim

Yura Kucherenko

Robert at Samantha Li

Gilles at Christiane Mba

Kyaw at Hka Tawm Naing

Victor at Ami Namba

Ebenezer at Sonnie Neal

David Nwagu

Meray Razzouk

Sóstenes at Ely Rodrigues

Davy Sehoulia

Eki Soba

Simão Sona

Anja Van Looveren

Gwen Williams

K. Abdiel at Armande Worou

^ par. 2 Ang mga bagong awit ay ibinigay sa mga dumalo ilang araw bago ang graduation.

^ par. 32 Hindi ipinakita sa mapa ang lahat ng bansa.

^ par. 34 Hindi lahat ng nagtapos ay nakalista.