Espesyal na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Pitong Bansa
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaos kamakailan ng espesyal na kombensiyon sa Brazil, Costa Rica, Hong Kong, Ireland, Israel, New Zealand, at Sweden. Ang una sa serye ng mga kombensiyong ito ay idinaos sa Sweden noong Hulyo 2012, at ang huling tatlo ay sa Costa Rica at New Zealand noong Enero 2013.
Gaya ng iba pang tatlong-araw na mga kombensiyong isinasaayos namin taun-taon, ang espesyal na kombensiyong ito ay mayroon ding mga pahayag sa Bibliya, pagtatanghal, at drama.
Para sa espesyal na seryeng ito, ang mga delegado ay inanyayahang dumalo sa kombensiyon sa labas ng kanilang bansa. Bago at pagkatapos ng kombensiyon, may pagkakataon silang sumama sa mga tour na isinaayos ng bansang nag-host ng kombensiyon.
Isang delegado sa kombensiyong idinaos sa Brazil ang nagsabi: “Ang saya-sayang maranasan ang pambihirang pag-ibig at pagkamapagpatuloy ng mga kapatid. Parang bigla akong nagkaroon ng bagong mga kapamilya.”
Sinabi naman ng isa pang delegado sa kombensiyon sa Hong Kong: “Nakakaantig makita ang mga ngiti at luha habang yakap-yakap ng mga delegadong nagsasalita ng Mandarin ang bagong-labas na mga publikasyon.”
Taun-taon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng mga kombensiyon sa buong mundo. Milyun-milyon ang dumadalo.
Ang pagdalo sa mga kombensiyon ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga dumalo na maranasan ang pag-ibig, kagalakan, at kapayapaan ng aming kapatiran. Lalo itong nakikita sa mga espesyal at internasyonal na mga kombensiyon. Sa pagitan ng mga sesyon, ang mga delegado ay masayang nagkukuwentuhan at kumakaing magkakasama, nagpapalitan ng simpleng mga regalo at contact information, kumukuha ng mga litrato, at magiliw nilang niyayakap ang isa’t isa.
Tulad ng ibang kombensiyon namin, puwede ring dumalo ang mga hindi Saksi ni Jehova.