Pumunta sa nilalaman

Report ng Taunang Miting

“Ang Sariling Aklat ng Diyos​—Isang Kayamanan”

Report ng Taunang Miting

Noong Oktubre 5 at 6, 2013, idinaos ang ika-129 na taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. Dinaluhan ito ng 1,413,676 mula sa 31 bansa. Ang ilan sa kanila ay nasa mismong Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses sa Jersey City, New Jersey, U.S.A., at ang iba naman ay nakapakinig sa pamamagitan ng webcast.

Si Guy Pierce, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang chairman ng miting. Tiniyak niya sa mga tagapakinig na ang programa ay sasagot sa mahahalagang tanong sa Bibliya, magbibigay-liwanag sa katotohanan, at maglalaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.”​—Mateo 24:​45; Kawikaan 4:​18.

“Isang Displey na Magpaparangal kay Jehova.”

Ipinaliwanag ni Mark Sanderson ng Lupong Tagapamahala ang tungkol sa bagong eksibit na nasa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi sa Brooklyn, New York, U.S.A., na pinamagatang “Ang Bibliya at ang Banal na Pangalan.” Ipinakikita sa displey na talagang lumilitaw sa Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pangalan ng Diyos. Kasama rin sa displey ang maraming lumang Bibliya, reproduksiyon ng sinaunang mga artifact, at mga pahina ng Bibliya mula Edad Medya.

Kasama sa koleksiyon ang mga pahina mula sa ika-16-na-siglong salin ng Bibliya ni William Tyndale, ang unang tagapagsalin ng Bibliya na nagsalin ng pangalan ng Diyos sa wikang Ingles, at isang pahina mula sa edisyong 1602 ng Bibliyang Kastila na tinatawag na Reina-Valera, na sa lahat ng pagkakataon ay isinalin ang banal na pangalan bilang “Iehova.” Nakadispley rin ang bersiyong Ingles na tinatawag na Great Bible (1549 printing), isang kopya ng Bibliya ni Elias Hutter sa 12 wika (1599 Edition, tinatawag ding Nuremberg Polyglot), at isang Geneva Bible (1603 printing), na lahat ng ito ay gumamit ng banal na pangalan.

Inimbitahan ni Brother Sanderson ang lahat na puntahan at tingnan ang displey. Sinabi niya: “Talagang ipinapanalangin natin na ... sana’y makatulong ito sa tapat-pusong mga tao, anuman ang edad at pinag-aralan, na ibigin ang dalawang bagay na mahal nating lahat​—ang Bibliya na Salita ng Diyos, at ang kaniyang maluwalhating pangalan, na Jehova.”

Taunang Teksto Para sa 2014.

Matapos iharap ni Gerrit Lösch ng Lupong Tagapamahala ang sumaryo ng Bantayan para sa linggong iyon, inianunsiyo ni Brother Pierce ang taunang teksto para sa 2014, “Dumating nawa ang iyong kaharian.” (Mateo 6:​10) Bagaman lagi itong angkop na maging taunang teksto ng mga Saksi ni Jehova, mas angkop ito sa taóng 2014, dahil iyon ang ika-100 taon ng pagkakatatag ng Kaharian sa langit.

“Isang Mahalagang Regalo Mula kay Jehova.”

Sumunod naman ang isang video tungkol sa kasaysayan ng New World Translation, ang Bibliyang inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at na para sa ilan ay kabilang sa pinakamahuhusay na saling nailathala. Nang ilabas ni Nathan Knorr ang unang tomo ng saling iyon sa 1950 Paglago ng Teokrasya na Internasyonal na Asamblea, nagbigay siya ng payo na totoo pa rin hanggang ngayon: Basahing mabuti ang saling ito. Pag-aralan ito. Tulungan ang iba na pag-aralan ito, dahil matutulungan sila nito na tumawag sa pangalan ni Jehova.

“Masasayang Alaala ng Nakaraan.”

Si Samuel Herd ng Lupong Tagapamahala ang gumanap sa bahaging ito, na may kasamang nakarekord na interbyu sa apat na miyembro ng pamilyang Bethel sa United States. Naroroon ang mga ito nang unang ilabas ang New World Translation sa anim na magkakahiwalay na tomo mula 1950 hanggang 1960.

Ikinuwento ni Eunice Timm na ginagamit niya ang New World Translation sa mga Kristiyanong pagpupulong noon. Napahalagahan niya ang mga feature sa pagre-research, tulad ng mga cross reference. At dahil mahirap dalhin sa pulong ang lahat ng tomo, dinadala lang niya ang mga tomong kailangan niya, pati na ang kaniyang pocket-size na King James Version, sakaling ipabasa ang mga tekstong hindi niya inaasahan.

Nakaapekto rin sa ibang aspekto ng ating pagsamba ang bagong salin. Halimbawa, ikinuwento ni Fred Rusk na bago ang taóng 1950, ang mga naaatasang manalangin sa pamilyang Bethel ay gumagamit ng mga salita mula sa King James Version, gaya ng “thy kingdom come.” Pero nang mailabas ang New World Translation, hindi na sila gumamit ng mga lumang salitang iyon. Sa halip, mga pang-araw-araw na salita na ang kanilang ginagamit sa pananalangin.

Humanga si John Wischuk hindi lang sa kalidad ng pagkakasalin kundi pati sa kapakumbabaan ng New World Bible Translation Committee. “Ayaw nilang makilala sila noong buháy sila o kahit pagkamatay nila, gusto kasi nilang mapunta ang lahat ng kapurihan sa Diyos na Jehova,” ang sabi niya. Ipinahayag ni Charles Molohan ang nadarama ng mga ininterbyu nang sabihin niya, “Tinulungan kami ng New World Translation na maitimo sa aming puso ang katotohanan at mapatibay ang aming pananampalataya, para makapangaral kami at matulungan ang iba na magkaroon ng pananampalataya.”

“Naririnig Natin Silang Nagsasalita sa Ating mga Wika Tungkol sa Mariringal na mga Bagay ng Diyos.”

(Gawa 2:​11) Si Geoffrey Jackson ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng pahayag at naglabas ng 2013 nirebisang edisyon ng New World Translation. Sa pagtatapos ng kaniyang pahayag, lahat ng naroon, pati na ang halos lahat ng nakinig sa pamamagitan ng webcast, ay tumanggap ng isang kopya ng Bibliya.

Ayon kay Brother Jackson, mahigit 60 taon na ang lumipas mula nang ilabas ang unang tomo ng New World Translation. Sa loob ng panahong iyon, nagbago ang wikang Ingles, pero hindi nagbago ang tunguhin natin sa pagsasalin ng Bibliya. Gusto nating maisalin ang Salita ng Diyos nang literal hangga’t maaari pero hindi binabago ang kahulugan nito.

Noong 2005, mas pinagtuunan ng pansin ng Lupong Tagapamahala ang pangangailangang maisalin ang Bibliya sa maraming wika. Kaya naman mula sa 52 wika, ang New World Translation ay inilalathala na ngayon sa 121 wika, at 45 wika pa ang ginagawa. Habang isinasalin ang New World Translation, nagtatanong ang mga tagapagsalin tungkol sa ilang salita o parirala. Sa ngayon, mahigit 52,000 tanong na ang naipadala at nasagot. At ipinakikita ng marami sa mga tanong na iyon na may ilang bahagi ng tekstong Ingles na kailangang rebisahin o iayon sa makabagong mga salita.

Halimbawa, ipinaliwanag ni Brother Jackson na sa naunang mga edisyong Ingles ng New World Translation, sinasabi ng 1 Samuel 14:​11 tungkol kay Jonatan at sa kaniyang tagapagdala ng baluti: [They] exposed themselves to the outpost of the Philistines.” Para maiwasan ang maling intindi, ginamit ng nirebisang Bibliya ang “revealed their presence.” Karagdagan pa, ganito ang dating literal na salin ng Mikas 2:​6: “Do not you people let words drop. They let words drop.” Ganito na ang mababasa sa tekstong iyan: “‘Stop preaching!’ they preach.”

Limang taon na ang nakararaan, inatasan ng Lupong Tagapamahala ang isang komite na rebisahin ang New World Translation, at magagamit na natin ngayon ang bunga ng kanilang pagpapagal. Ang nirebisang Bibliya ay maganda, madaling basahin, at napakatibay. Sinabi ni Brother Jackson na malapit nang magkaroon ng Ingles na large-print at pocket-size na mga edisyon.

“Ginagamit Nang Wasto ang Salita ng Katotohanan.”

Ibinatay ni Stephen Lett ng Lupong Tagapamahala ang kaniyang tema sa 2 Timoteo 2:​15, at nirepaso niya ang iba pang feature ng nirebisang Bibliya. Ang pananalitang “ginagamit nang wasto” sa talatang iyan ay literal na nangangahulugang “pumutol nang tuwid.” Gusto nating gamitin ang “tabak ng espiritu” nang tuwid, o eksaktong-eksakto. (Efeso 6:​17) Pagkatapos ay ipinakita ni Brother Lett kung paano makatutulong sa atin ang mga bagong feature ng nirebisang Bibliya.

  1. Ang seksiyon sa unahan na “An Introduction to God’s Word” ay naglalaman ng mga teksto sa Bibliya na sumasagot sa 20 tanong tungkol sa pangunahing mga turo ng Bibliya.

  2. Ipinakikita sa Appendix A ang mga katangian ng nirebisang Bibliya, tulad ng istilo nito at mga pagbabago ng salita at ang pagsasalin nito ng banal na pangalan.

  3. Ang Appendix B, na binubuo ng 15 makukulay na seksiyon, ay may mga mapa at dayagram na magagamit sa personal na pag-aaral at pagtuturo sa iba.

  4. Sa simula ng bawat aklat ng Bibliya, makikita sa “Outline of Contents” ang sumaryo, na tutulong sa mambabasa na madaling makita ang hinahanap niyang seksiyon. Pinalitan ng feature na ito ang mga running head na makikita sa bawat pahina ng dating mga edisyon.

  5. Ang “Glossary of Bible Terms” ay nagbibigay ng maiikling depinisyon ng daan-daang salitang ginamit sa Bibliya.

  6. Maraming salita ang inalis sa “Bible Words Index.” Makikita na lang dito ang mga salita at tekstong pinakamadalas gamitin sa pangangaral at pagtuturo.

  7. Ang mga marginal reference, na makikita sa gitnang kolum ng bawat pahina, ay binawasan din. Pero iniwan ang mga teksto na talagang mapapakinabangan sa ministeryo.

  8. Ang mga footnote ay nagbibigay ng mga alternatibong salin, salita-por-salitang salin, at karagdagang impormasyon.

JW Library.

Ipinakita ni John Ekrann, miyembro ng Komite ng Sangay sa United States, ang bagong JW Library application para sa mga gadyet, tulad ng smartphone at tablet computer. Sa tulong ng application na ito, puwedeng basahin ang nirebisang New World Translation pati na ang lima pang salin ng Bibliya. Inilabas ito nang libre noong Oktubre 7, 2013, sa mga pangunahing app store.

“Pagsasalin ng Salita ng Diyos Para Maihatid ang Tamang Kahulugan.”

Ipinaliwanag pa nang higit ni Anthony Morris ng Lupong Tagapamahala ang mga simulaing naging gabay ng New World Bible Translation Committee sa paghahanda ng nirebisang Bibliya. Ikinapit ng komite ang 1 Corinto 14:​8, 9 sa kanilang trabaho, at tiniyak nila na ang nirebisang Bibliya ay madaling maunawaan. Iniwasan nila ang salita-por-salitang salin kung mababago nito ang kahulugan ng Bibliya.

Halimbawa, ganito ang mababasa kapag literal na isinalin ang Genesis 31:​20: “Jacob stole the heart of Laban.” Pero iba ang kahulugan ng idyomang Hebreo na ginamit dito kaysa sa idyomang Ingles. Kaya naman ganito ang salin sa New World Translation: “Jacob outwitted Laban.” Gayundin, kung isasalin ang 1 Corinto 7:​39 nang salita por salita, ipahihiwatig nito na ang asawang babae ay puwedeng mag-asawa ng iba kung “matulog [should sleep]” ang kaniyang asawa. Bagaman kung minsan ay ginagamit sa Kasulatan ang “sleep” para tumukoy sa pagtulog sa kamatayan, ginamit ng New World Translation ang pananalitang “should fall asleep in death” para huwag malito ang mambabasa.

“Ang Bibliya ay isinulat gamit ang karaniwan at pang-araw-araw na wika ng mga ordinaryong tao​—magsasaka, pastol, at mangingisda,” ang sabi ni Brother Morris. “Masasabing mahusay ang pagkakasalin ng isang Bibliya kapag ang mensahe nito ay madaling maunawaan ng taimtim na mga tao, anuman ang kanilang pinagmulan.”

“Gamitin ang ‘Nakalulugod na mga Salita’ at ‘Wastong mga Salita ng Katotohanan.’”

Binuo ni David Splane ng Lupong Tagapamahala ang temang ito batay sa Eclesiastes 12:​10. Napakaingat ng mga manunulat ng Bibliya nang isinusulat nila ang kaisipan ng Diyos, at ganiyan din kaingat sa pagsasalin ang unang New World Bible Translation Committee. Patuloy na sinusunod ng nirebisang New World Translation ang simulaing ito: “[Magtala] ng wastong mga salita ng katotohanan” at gawing malinaw ang mensahe ng Diyos hangga’t maaari.

“Maraming salitang Ingles na higit pa sa isa ang kahulugan,” ang sabi ni Brother Splane. Halimbawa, ginamit sa mga dating edisyon ng New World Translation ang pananalitang “pattern of healthful words” sa 2 Timoteo 1:​13. Ang salitang “pattern” ay maraming kahulugan; isa na rito ang “isang artistikong ... disenyo.” Batay sa kahulugang ito, ikinatuwiran ng ilan na ang pananalitang iyon ay tumutukoy sa magandang disenyo, o “pattern,” na makikita ng isa sa mga turo ng Bibliya. Pero ang depinisyong katugma ng salita sa orihinal na wika ay “isang parisan ... na dapat tularan.” Kaya ang nirebisang Bibliya ay gumamit ng pananalitang “standard of wholesome words.”

Binanggit din ni Brother Splane ang ginawang mga rebisyon para makasabay sa pagbabago ng wikang Ingles. Halimbawa, ang salitang “impale” na ginamit sa naunang mga edisyon ng New World Translation para ilarawan ang paraan ng pagpatay kay Jesus ay kadalasang nangangahulugang tuhugin ang katawan ng matulis na tulos at iwan doon ang biktima. Yamang hindi naman tinuhog si Jesus sa pamamagitan ng pahirapang tulos, ginamit ng nirebisang Bibliya ang pananalitang gaya ng “nailed to the stake” para ilarawan ang pagpatay kay Jesus.​—Mateo 27:​22, 23, 31.

Ganito nagtapos si Brother Splane: “Dalangin namin na ang pagbabasa at pag-aaral ninyo ng nirebisang New World Translation ay lalong maglalapít sa inyo kay Jehova. Nawa’y lagi siyang maging inyong Ama, inyong Diyos, at inyong Kaibigan.”

Konklusyon.

Inihalintulad ni Brother Pierce ang nirebisang Bibliya sa pinakaespesyal na pagkain sa “piging [ni Jehova] ng mga putaheng malangis.” (Isaias 25:​6) Bilang angkop na pagtatapos, inanyayahan niya ang mga tagapakinig na awitin ang awit bilang 114 mula sa Umawit kay Jehova, na may pamagat na “Ang Sariling Aklat ng Diyos​—Isang Kayamanan.”