Kombensiyong Tagalog sa Rome—“Isang Malaking Reunyon ng Pamilya!”
Mahigit 10,000 kilometro mula sa Pilipinas, libo-libong Saksi ni Jehova na nagsasalita ng Tagalog ang nagtipon sa Rome, Italy, para sa isang natatanging kombensiyon noong Hulyo 24-26, 2015.
Tinatayang mahigit 850,000 Filipino ang naninirahan ngayon sa Europe. Kaya naman, mga 60 kongregasyon at maliliit na grupo ng mga Saksi ni Jehova sa Europe ang nagpupulong sa wikang Tagalog at nangangaral sa mga Filipino sa kanilang komunidad.
Pero sa kombensiyon sa Rome, lahat ng kongregasyong ito at mga grupo ay nagtipon sa kauna-unahang pagkakataon para sa tatlong-araw na kombensiyon sa kanilang sariling wika. Tuwang-tuwa ang 3,239 na dumalo na mapakinggan araw-araw ang huling pahayag ni Brother Mark Sanderson, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova na dating naglingkod sa Pilipinas.
“Tumagos sa Aking Puso”
Mahalaga ba kung ang kombensiyong dadaluhan ng isa ay sa kaniyang kinagisnang wika o sa wikang natutuhan niya? “Hindi ako masyadong nakakaintindi ng Ingles,” ang sabi ng nagsosolong ina na si Eva, “pero salamat sa kombensiyong ito sa Tagalog, ang mga turo ng Bibliya ay tumagos sa aking puso.” Para makaipon ng perang gagamitin sa paglalakbay mula sa kanilang bahay sa Spain papuntang Italy, siya at ang dalawang anak niya ay nagpasiyang minsan sa isang buwan na lang kumain sa labas sa halip na linggo-linggo. “Sulit ang sakripisyo namin,” ang sabi ni Eva, “dahil sa kombensiyong ito, naintindihan ko lahat!”
Si Jasmin, na nakatira sa Germany, ay humiling ng bakasyon mula sa trabaho para makadalo sa kombensiyon. “Pero bago pa man ako makaalis,” ang sabi niya, “sinabihan akong hindi ako puwedeng magbakasyon dahil may trabahong dapat gawin. Nanatili akong kalmado, nanalangin kay Jehova, at lumapit sa aking boss. Naiayos namin ang trabaho para makadalo ako sa kombensiyon! Napakasayang pagkakataon iyon na makasama ang ibang kapatid na Filipino mula sa buong Europe.”
Totoong nami-miss ng maraming Filipino sa Europe hindi lang ang kanilang sariling bayan kundi pati ang kanilang mga kaibigan na nanirahan na sa ibang bahagi ng Europe. Nakatulong ang kombensiyon para muling magkita-kita ang marami sa magkakaibigang ito bilang espirituwal na magkakapatid. (Mateo 12:48-50) Sinabi ni Fabrice, “Tuwang-tuwa akong makita ang mga kakilala ko!” Sa pagtatapos ng kombensiyon, paulit-ulit na sinasabi ng isang sister, “Para itong isang malaking reunyon ng pamilya!”