Pumunta sa nilalaman

Ang Anim-na-Piyeng Bibliya

Ang Anim-na-Piyeng Bibliya

Bago ka umorder sa mga Saksi ni Jehova ng isang Bibliya sa Braille, tiyaking may paglalagyan ka nito. Ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin—na inilathala sa English, Spanish, at Italian Braille—ay binubuo ng 18 hanggang 28 tomo at kukuha nang di-bababa sa anim-at-kalahating-piyeng espasyo!

May mga format din na hindi nangangailangan ng ganoon kalaking espasyo. Sa tulong ng Braille note taker, ang mga bulag ay makakapagnota at makaka-access ng mga electronic file sa pamamagitan ng portable device na may mga pin na lumulubog at lumilitaw para makabuo ng simbolong Braille. Puwede ring mapuntahan at mapakinggan ng mga bulag ang mga publikasyon sa tulong ng screen reader, o isang computer program na nakababasa ng nakasulat na mga salita.

Bukod diyan, nakagawa ang mga Saksi ng computer program na kayang mag-convert ng mga nakasulat na salita sa maraming wika sa Braille. Kapag nai-set na ang conversion table, na naglalaman ng mga titik ng isang partikular na wika at ng mga karakter na Braille, puwede na nitong i-convert sa Braille ang mga salita. Naipo-format din nito ang publikasyon sa paraang madali itong mababasa ng mga bulag. Sa pamamagitan ng program na ito, posible nang gumawa ng mga publikasyong Braille, pati na ng Bibliya, sa anumang wika na may karakter na Braille, maging sa mga wikang hindi gumagamit ng alpabetong Romano.

Sa loob ng mahigit 100 taon, ang mga Saksi ay gumagawa ng mga publikasyong salig-Bibliya para sa mga bulag, at makukuha ang mga ito sa 19 na wika. Bagaman walang bayad ang mga publikasyong ito, ang karamihan ay nagbibigay ng boluntaryong donasyon.

Dati, kapag may bagong publikasyong inilalabas sa mga kombensiyon ng mga Saksi, ipinatatalastas na ito ay puwedeng maorder sa Braille sa kongregasyon. Noong isang taon, nagsurbey ang tanggapang pansangay sa Estados Unidos sa mga kongregasyon para malaman kung saang kombensiyon planong dumalo ng mga bulag at kung anong format ang mas gusto nila (embossed paper, electronic note taker, o electronic screen reader).

Nagpadala ng mga kopya ng publikasyong iyon sa embossed paper sa mga kombensiyon na may dadalong mga bulag para sabay nilang matanggap ito gaya ng iba. Pagkalipas ng isang linggo, pinadalhan sila ng mga electronic format sa e-mail.

Isang bulag na Saksi ang nagsabi: “Napakasayang makatanggap ng publikasyon kasabay ng lahat. Sinasabi ng Awit 37:4 na ibibigay ni Jehova ang kahilingan ng ating puso. Iyan mismo ang ginawa niya para sa akin sa kombensiyong ito!” Isa pa ang napaluha at nagsabi, “Nasa isip nila ako. Salamat kay Jehova sa pagmamalasakit niya sa amin!”