“Isang Malaking Tagumpay”—Kinilala ng Estonia
Ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Estonian ay naging nominado sa Language Deed of the Year Award sa Estonia noong 2014. Sa 18 nominado, pangatlo ito sa may pinakamaraming boto.
Ang bagong saling ito ng Bibliya, na inilabas noong Agosto 8, 2014, ay isinama sa nominasyon ng linguist na si Kristiina Ross ng Institute of the Estonian Language. Sinabi niya na ang Bagong Sanlibutang Salin ay “kasiya-siya at madaling basahin.” Idinagdag pa niya: “Ang pagsisikap na ginawa para dito ay talagang nagpasulong sa larangan ng pagsasalin sa wikang Estonian.” Tinawag naman ni Rein Veidemann, isang propesor sa literatura at kulturang Estonian, ang bagong salin bilang “isang malaking tagumpay.”
Ang unang kumpletong Bibliyang Estonian ay inilathala noong 1739, at mula noon, may lumabas pang ibang mga salin. Kaya bakit masasabing “isang malaking tagumpay” ang Bagong Sanlibutang Salin?
Tumpak. Sa isang kilalang Bibliyang Estonian na inilathala noong 1988, isinalin ang pangalan ng Diyos bilang “Jehoova” (Jehova) nang mahigit 6,800 beses sa Hebreong Kasulatan (Lumang Tipan). * Pero higit pa riyan ang ginawa ng Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Estonian. Ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang banal na pangalan maging sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Bagong Tipan) saanman may matibay na saligang gawin ito.
Malinaw. Ang Bagong Sanlibutang Salin ba ay tumpak at madali ring basahin? Isinulat ng respetadong tagapagsalin ng Bibliya na si Toomas Paul sa pahayagang Eesti Kirik (Church of Estonia) na ang Bagong Sanlibutang Salin ay “talagang nakaabot sa tunguhing maisalin ito nang malinaw sa wikang Estonian.” Idinagdag pa niya: “Nakatitiyak akong ngayon lang naabot ang tunguhing iyan.”
Napakaganda ng tugon ng mga taga-Estonia sa Bagong Sanlibutang Salin. Isang pambansang istasyon ng radyo ang nagsaayos ng 40-minutong programa na para lang sa bagong Bibliyang ito. May mga klerigo at mga palasimba na nakipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova para humingi ng kopya ng Bibliya. Isang kilalang eskuwelahan sa Tallinn ang humiling ng 20 kopya ng Bagong Sanlibutang Salin para gamitin sa isa sa kanilang mga klase. Mahilig magbasa ng aklat ang mga taga-Estonia, at natutuwa ang mga Saksi ni Jehova na maglaan ng tumpak at malinaw na salin ng pinakamagandang aklat na naisulat kailanman.
^ par. 5 Matapos ilahad kung paano naging “Jehoova” ang bigkas ng mga taga-Estonia sa banal na pangalan, sinabi ni Ain Riistan, nangangasiwa sa New Testament Studies sa University of Tartu: “Sa palagay ko, ang salitang Jehoova ay angkop na angkop ngayon. Sa kabila ng pinagmulan nito, nagkaroon pa rin ito . . . ng napakahalaga at malalim na kahulugan sa loob ng maraming henerasyon—Jehoova ang pangalan ng Diyos na nagsugo sa kaniyang Anak para tubusin ang sangkatauhan.”