Greenlandic na Watchtower Pinuri sa TV
Noong Enero 2013, ang magasing Watchtower ay 40 taon nang inilalathala sa wikang Greenlandic. Ang Greenlandic ay isang wikang Inuit na sinasalita lang ng 57,000 katao.
Mayroon lang mga 150 Saksi ni Jehova sa Greenland, pero ang Greenlandic na Watchtower ay may sirkulasyon na 2,300. Ibig sabihin, karamihan ng mga mambabasa ng Napasuliaq Alapernaarsuiffik, ang pangalan ng magasin sa wikang Greenlandic, ay hindi mga Saksi.
Sa isang interbyu sa telebisyon, ang tagapangasiwa ng translation office sa bayan ng Nuuk ay nagpaliwanag: “Interesadung-interesado sa Bibliya ang maraming taga-Greenland, kung kaya nagbabasa sila ng Napasuliaq Alapernaarsuiffik.”
Tinanong ng nag-iinterbyu ang isang babaing tagapagsalin sa wikang Greenlandic na taal na taga-Greenland kung ano ang nagustuhan niya sa magasin. Sumagot siya: “Ako mismo ay nakinabang sa pagbabasa ng magasing ito. Halimbawa, itinuro nito sa akin kung paano magkakaroon ng maganda at malusog na buhay. Dati, malakas akong manigarilyo kahit alam kong masama ito. Pero sinasabi sa atin ng Bibliya na kung gusto nating mamuhay nang malusog, kailangang panatilihin nating malinis ang ating katawan.”
Binanggit din sa interbyu na ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral sa Greenland mula pa noong kalagitnaan ng dekada ’50 at nakapaglathala na ng mga aklat at brosyur sa wikang Greenlandic. Ang pagsasalin ay ginagawa ng mga boluntaryong Danish at Greenlandic. Noon pa man, tunguhin na nilang gawing natural ang salin sa Greenlandic.
Isang matagal nang Saksi sa Greenland ang nagsabi: “Sa nakalipas na 25 taon, nangangaral ako sa mga taong Greenlandic at nakita ko kung gaano kahalagang magkaroon ng babasahin namin sa kanilang wika. Sa ilang liblib na lugar, na mararating lang ng bangka sa iilang buwan bawat taon, may mga taong gustung-gustong magbasa ng aming mga magasin. Kaya naman bukod sa madalang na pagdalaw namin, regular namin silang pinadadalhan ng mga liham at literatura.”
Mula noong Enero 2013, ang Greenlandic na Watchtower ay mayroon nang edisyong pampubliko bukod sa regular na edisyon para sa pag-aaral. Ang mga edisyong ito ay mababasa rin at mada-download sa tab na “Publikasyon” sa jw.org/tl kung pipiliin ang wikang Greenlandic at iki-click ang “Maghanap.”