Pumunta sa nilalaman

‘Mas Maganda Kaysa sa mga Pelikula’

‘Mas Maganda Kaysa sa mga Pelikula’

Taon-taon, gumagawa ang mga Saksi ni Jehova ng maraming video na ipinapalabas sa kanilang mga kombensiyon. Karamihan sa mga ito ay nasa wikang Ingles. Iba’t iba ang wika ng mga dumadalo, kaya paano nila mauunawaan ang mga video? Sa pamamagitan ng mga dubbed video—isang isinaling soundtrack kung saan ang mga usapan ay nasa lokal na wika. Ano ang epekto nito sa mga dumadalo?

Reaksiyon sa mga Dubbed Video

Pansinin ang sinabi ng ilang di-Saksi na dumalo sa kombensiyon sa Mexico at Central America:

  • “Hindi ko lang naintindihan ang pinapanood ko, pakiramdam ko, naroon ako mismo sa video. Talagang tumagos iyon sa puso ko.”—isang dumalo sa kombensiyon sa wikang Popoluca sa Veracruz, Mexico.

  • “Pakiramdam ko, nasa sarili ko akong bayan, nakikipagkuwentuhan sa isang malapít na kaibigan. Mas maganda ito kaysa sa mga pelikula dahil naintindihan ko lahat.”—isang dumalo sa kombensiyon sa wikang Nahuatl sa Nuevo León, Mexico.

  • “Nang makita ko ang mga video sa sarili kong wika, pakiramdam ko, sa akin mismo nakikipag usap ang mga karakter.”—isang dumalo sa kombensiyon sa wikang Chol sa Tabasco, Mexico.

  • “Gusto ng organisasyon na ito na matulungan ang mga tao na matuto sa sarili nilang wika. Walang katulad ang organisasyong ito!”—isang dumalo sa kombensiyon sa wikang Cakchiquel sa Sololá, Guatemala.

Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagbabayad ng bihasang mga technician at voice actor para sa recording, madalas na ginagawa nila ito sa mga liblib na lugar kung saan hindi angkop na mag-record, kaya paano sila nakagagawa ng de-kalidad na mga recording?

“Ang Pinakamasayang Gawain”

Sa nakalipas na taon, inorganisa ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Central America ang dubbing ng mga video sa kombensiyon sa wikang Espanyol at sa 38 katutubong wika. Nasa mga 2,500 boluntaryo ang sumuporta sa gawaing ito. Ini-record ng mga technician at translation team doon ang bagong soundtrack sa tanggapang pansangay, sa malalayong translation office at sa iba pang mga lokasyon gamit ang pansamantalang mga studio. Nag-record sila sa mahigit 20 mga lokasyon sa Belize, Guatemala, Honduras, Mexico, at Panama.

Recording sa tanggapang pansangay sa Central America

Mahirap magtayo ng pansamantalang mga studio. Kailangang maging mapamaraan dahil sa limitadong materyales. May pagkakataong gumamit pa nga ng kumot o ng kutson bilang harang para walang ingay na pumasok sa studio.

Marami sa mga voice actor ng mga katutubong wika ay hindi naman mayaman pero talagang nagsakripisyo sila para makapunta sa pinakamalapit na recording studio. Ang iba nga ay naglakbay pa nang 14 na oras! Sa isang pagkakataon, isang mag-ama ang naglakad nang halos walong oras para makarating sa studio.

Mula pagkabata, tumutulong na si Naomi sa pamilya niya sa pagtatayo ng mga pansamantalang recording studio. Naalala niya: “Nananabik kaming matapos ang mga recording. Walang kapagurang inaasikaso ni Tatay ang mga bagay-bagay. Kung minsan, nagluluto si Nanay para magpakain ng grupo na may 30 boluntaryo.” Sa ngayon, nagboboluntaryo si Naomi sa isang translation office sa Mexico. Sinabi niya: “Talagang napakasaya ko na ilaan ang panahon ko sa pagtulong sa mga tao na malaman ang mensahe ng Bibliya sa sarili nilang wika. Para sa akin, ito ang pinakamasayang gawain.”

Ang mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova taon-taon ay ginagawa sa buong mundo at bukas sa publiko. Tingnan ang pahinang KOMBENSIYON para sa higit pang impormasyon.