Ang Bantayan—Magasing Hindi Mapantayan
Ang Bantayan ang magasing may pinakamalawak na sirkulasyon sa buong mundo. Mahigit 42 milyong kopya nito ang iniimprenta bawat isyu. Pumapangalawa ang Gumising!, na may sirkulasyong 41 milyon bawat isyu. Ang mga magasing ito ay parehong inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at ipinamamahagi sa 236 na lupain.
Kumusta naman ang ibang publikasyon kumpara sa mga ito? Sinasabi ng The Association of Magazine Media na ang pinakamabentang magasin sa U.S. ay inilalathala ng AARP, isang organisasyong ang target ay mga taong edad 50 pataas. Mahigit 22.4 milyon ang sirkulasyon ng magasing iyon. Ang ADAC Motorwelt naman ng Germany ay may sirkulasyong mga 14 na milyon, at ang Gushi Hui (mga kuwento) ng China ay nag-iimprenta ng 5.4 milyong kopya.
Kung tungkol sa mga pahayagan, ang Yomiuri Shimbun ng Japan ang nangunguna. Mahigit sampung milyong kopya nito ang regular na iniimprenta.
Nakahihigit din ang mga publikasyon ng mga Saksi pagdating sa pagsasalin sa ibang wika. Ang Bantayan ay isinasalin sa mahigit 190 wika, at ang Gumising! naman ay sa mahigit 80. Kung ikukumpara, ang Reader’s Digest ay inilalathala sa 21 wika, pero iba-iba ang nilalaman nito depende sa bansa.
Di-tulad ng ibang mga magasing nabanggit, ang Bantayan at Gumising! ay tinutustusan ng boluntaryong donasyon, walang advertisement, at hindi ipinagbibili.
Ipinaliliwanag ng Bantayan ang mga turo ng Bibliya—partikular na ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sinimulan itong ilathala noong 1879. Tinatalakay naman ng Gumising! ang iba’t ibang paksa, gaya ng kalikasan at siyensiya, para patibayin ang pananalig ng mga tao sa Maylalang. Ipinakikita rin nito kung paano nakakatulong ang Bibliya sa ating buhay.