100 Taon ng Musika na Pumupuri sa Diyos
“Gusto kong pumunta ka sa Columbia Studios sa New York City at kantahin ang isa sa mga awitin natin. Irerekord nila iyon. Huwag mong sabihin kahit kanino ang ginagawa mo.”
Noong huling bahagi ng 1913, ginawa ni William Mockridge ang naiibang atas na ito mula kay Charles Taze Russell. * Ang awiting iyon, na kilala ng ilan bilang “The Sweet By-and-By,” ay ginawang 78-rpm record. Nang maglaon, nalaman ni William na gagamitin iyon sa pasimula ng “Photo-Drama of Creation,” isang visual presentation ng nakarekord na mga pahayag sa Bibliya at musika na isinasabay sa mga silent movie at mga larawang ipininta sa glass slide. Unang ipinalabas ang “Photo-Drama” sa New York City noong Enero 1914.
Ang ginawa ni William ay isa lang sa mahigit 50 recording na pinatutugtog ng mga operator ng ponograpo kapag ipinalalabas ang “Photo-Drama” sa English. Karamihan sa mga recording na ito ay musikang ginawa ng iba, pero ang ilan, kasama na ang kay William ay ipinarekord ng mga Estudyante ng Bibliya at inawit gamit ang mga lyrics mula sa Hymns of the Millennial Dawn, isa sa mga songbook nila.
Binigyang-Pansin ang Lyrics
Sa loob ng maraming taon, ginagamit ng mga Saksi sa pagsamba ang mga awiting isinulat ng iba. Pero kapag kailangan, binabago nila ang lyrics para ipakita kung ano ang pagkaunawa nila sa sinasabi ng Bibliya.
Halimbawa, isa sa mga ginamit sa “Photo-Drama” ang awiting “Our King Is Marching On,” na adaptation ng “Battle Hymn of the Republic.” Ang “Battle Hymn” ay nagsisimula sa: “Mine eyes have seen the glory of the coming of the Lord.” Pero binago ng mga Estudyante ng Bibliya ang lyrics na ito at ginawang: “Mine eyes can see the glory of the presence of the Lord.” Makikita sa pagbabagong ito ang paniniwala nila na ang pamamahala ni Jesus ay hindi lang nagsasangkot ng pagdating niya kundi pati ng pagkanaririto niya sa loob ng isang partikular na yugto ng panahon.—Mateo 24:3.
Sa publikasyong Singing and Accompanying Yourselves With Music in Your Hearts noong 1966, tinanggal ang mga awiting may sekular na pinagmulan o galing sa ibang relihiyon. Nang taóng iyon, bumuo ang mga Saksi ng maliit na orkestra at inirekord nila ang 119 na awitin sa aklat na iyon. Ginagamit ng mga kongregasyon ang mga recording na ito kapag kumakanta sa mga pulong nila, at gustong-gusto rin itong pakinggan ng ilang Saksi kapag nasa bahay sila.
Noong 2009, gumawa ang mga Saksi ni Jehova ng bagong songbook, ang Umawit kay Jehova. Ang mga awitin sa songbook na ito ay may vocal rendition na inirekord sa maraming iba’t ibang wika. Noong 2013, ang mga Saksi ay nagsimulang maglabas ng pambatang mga music video. Isa sa mga ito ay may pamagat na Laging Manalangin. Ang mga bumibisita sa jw.org ay nagda-download ng mga musika nang ilang milyong ulit buwan-buwan.
Nagustuhan ng marami ang musikang ito. Isang babaing nagngangalang Julie ang sumulat tungkol sa Umawit kay Jehova: “Ang gaganda ng bagong kanta! Kapag nag-iisa ako, pinapakinggan ko y’ong mga kantang nag-e-express ng nadarama ko. Dahil do’n, napansin kong tumitibay ang kaugnayan ko kay Jehova at mas determinado ako ngayong ibigay sa kaniya ang buong makakaya ko.”
Ganito naman ang isinulat ng isang ina, si Heather, tungkol sa naging epekto ng video na Laging Manalangin sa mga anak niya, na pito at siyam na taóng gulang, “Nakatulong ’yon sa kanila na manalangin, hindi lang sa pasimula ng araw o kapag kasama nila kami kundi anumang oras na gusto nilang kausapin si Jehova.”
^ par. 3 Si Charles Taze Russell (1852–1916) ang nangunguna sa mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon.