Pagsasalin Nang Walang Salita
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasalin ng mga publikasyong batay sa Bibliya mula English tungo sa mahigit 900 wika. Matrabaho ang pagsasalin. Pero ang pagsasalin sa sign language ay mas matrabaho. Ginagamit ng maraming bingi ang kamay nila at ekspresyon ng mukha para makipag-usap, kaya ang mga tagapagsalin sa sign language ay nagsasalin tungo sa video. Dahil diyan, ang mga Saksi ay nagsasalin ng mga publikasyon sa mahigit 90 sign language.
Sino ang mga tagapagsalin?
Gaya ng lahat ng Saksing tagapagsalin, alam na alam ng mga tagapagsalin sa sign language ang wika nila. Marami sa kanila ang bingi at tinuruan ng sign language mula pagkabata o ang ilan ay nakakarinig pero mayroong kapamilyang bingi. Masipag ding mag-aral ng Bibliya ang mga tagapagsalin.
Sinasanay nang husto ang bagong mga tagapagsalin. Halimbawa, sinabi ni Andrew: “Kahit nag-aral ako sa paaralan ng mga bingi at dati na akong nagsa-sign language, nakatulong ang pagsasanay sa akin bilang tagapagsalin para maintindihan ko ang grammar ng wika ko. Tinuruan ako ng ibang tagapagsalin kung paano ko mapapahusay ang pagsa-sign ko, ekspresyon ng mukha, at galaw ng katawan para maitawid ko nang tumpak ang mga ideya.”
Tinitiyak na maganda ang salin
Ang mga tagapagsalin ay nagtatrabaho bilang isang team. May ginagampanang papel ang bawat miyembro—mayroong translator, checker, at proofreader. Pagkatapos ng pagsasalin, kung posible, ang video ay susuriin ng isang grupo ng mga bingi na galing sa iba’t ibang lugar at may iba’t ibang background. Magagamit ang mga obserbasyon nila para mapaganda ang salin. Makakatulong ang hakbang na ito para matiyak na ang ginamit na senyas at ekspresyon ay natural at ang mensahe sa natapos na video ay tumpak at maliwanag.
Ang mga tagapagsalin sa sign language ay karaniwan nang dumadalo sa kongregasyon sa sign language. Nagdaraos din sila ng pag-aaral sa Bibliya sa mga miyembro ng deaf community. Kaya nakakasabay ang mga tagapagsalin sa mga ekspresyong karaniwang ginagamit sa sign language.
Bakit gayon na lang ang pagsisikap ng mga Saksi?
Ipinapakita ng Bibliya na ang mga tao “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” ay tatanggap sa magandang mensahe nito ng pag-asa. (Apocalipsis 7:9) Siyempre, kasama rito ang mga nagsa-sign language.
Natutuwa ang mga tagapagsalin na gamitin ang kanilang panahon at kakayahan sa gawaing ito. Sinabi ni Tony, na isang tagapagsalin: “Dahil bingi ako, naiintindihan ko ang hirap na nararanasan ng mga katulad ko. Gustong-gusto kong ibahagi sa pinakamaraming bingi hangga’t posible ang tunay na pag-asa na nasa Bibliya.”
Sinabi naman ni Amanda, na nagtatrabaho sa isang translation team ng sign language: “Dama ko na sulit ang ginagawa kong pagsasalin ng mga publikasyong nagtatawid ng mensahe ng Bibliya para sa mga bingi kaysa sa dati kong trabaho.”
Paano ka makakahanap ng mga video sa sign language?
Makakatulong sa iyo ang “Hanapin ang Nilalaman sa Sign Language” para makahanap ng mga video sa sign language sa website na jw.org.