Pambuong-Daigdig na Pag-iimprenta—Tumutulong sa mga Tao na Matuto Tungkol sa Diyos
Sa buong daigdig, maraming tao ang nagbabasa ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Gaya ng ginagawa mo ngayon, ang literaturang ito na nasa electronic form ay binabasa ng milyon-milyon. Pero baka magulat ka kapag nalaman mo kung gaano kalawak ang ginagawa naming pag-iimprenta. Noong 2013, nakapaglathala kami ng salig-Bibliyang literatura sa mga 700 wika at ipinamahagi ito sa 239 na lupain.
Bago ang 1920, lahat ng mga publikasyon namin ay ipinaiimprenta sa komersiyal na mga kompanya. Nang taóng iyon, nagsimula kaming mag-imprenta ng ilan sa mga magasin at buklet namin sa isang inuupahang maliit na pasilidad sa Brooklyn, New York. Sa ngayon, may 15 pasilidad na kami para sa pag-iimprenta sa Africa, Asia, Australia, Europe, North America, at South America.
Ang Pinakamahalagang Aklat Namin
Siyempre pa, ang pinakamahalagang aklat na iniimprenta namin ay ang Bibliya. Noong 1942, sa unang pagkakataon, nag-imprenta kami ng kumpletong Bibliya—King James Version sa wikang Ingles. Mula noong 1961, isinalin at inilathala ng mga Saksi ni Jehova ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa iisang tomo. Pagsapit ng 2013, nakagawa na kami ng mahigit 184 na milyong kopya ng Bibliyang ito sa 121 wika.
Maraming iba pang kuwento ang ginagawa naming pag-iimprenta. Napakatibay ng mga Bibliyang ginagawa namin. Ang mga pahina nito ay iniimprenta sa papel na acid-free kaya hindi naninilaw, at matibay ang pagkaka-bind ng mga iyon. Kaya naman, ang mga Bibliyang ginagawa namin ay nagtatagal kahit araw-araw pang gamitin.
Iba Pang Publikasyon
Nag-iimprenta rin kami ng mga publikasyon na nakakatulong sa mga tao na maintindihan ang Bibliya. Narito ang ilang statistics noong 2013:
Ang Bantayan—ang pangunahing babasahín namin—ay iniimprenta sa mahigit 210 wika at ito ang magasing may pinakamalawak na sirkulasyon sa buong daigdig. Sa bawat isyu nito na may 16 na pahina, mga 45,000,000 kopya ang iniimprenta.
Ang Gumising!, na kasama ng Bantayan at ikalawa sa may pinakamalawak na sirkulasyon, ay iniimprenta sa 99 na wika. Mga 44,000,000 kopya ng bawat isyu nito ang iniimprenta.
Ang Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? ay isang aklat na may 224 na pahina at espesipiko itong dinisenyo para tulungan ang mga nagbabasa nito na maintindihan ang pangunahing mga turo ng Bibliya. Mula noong 2005, mahigit 214 na milyong kopya ang naimprenta sa mahigit 240 wika.
Ang Listen to God ay isang brosyur na may 32 pahina at dinisenyo para sa mga hindi gaanong marunong magbasa. Nagtuturo ito ng simpleng mga katotohanan sa Bibliya gamit ang magagandang larawan at maiikling kapsiyon. Mahigit 42 milyong kopya nito ang naimprenta sa mahigit 400 wika.
Bukod sa mga publikasyong ito, nag-iimprenta rin ang mga Saksi ni Jehova ng iba’t ibang mga aklat, brosyur, at tract na nakakatulong sa mga nag-aaral ng Bibliya na makapag-research tungkol sa mga tanong nila sa Bibliya, makayanan ang mga problema sa buhay, at magkaroon ng masayang pamilya. Noong 2012, ang mga imprentahan ng mga Saksi ni Jehova ay nakagawa ng mahigit 1.3 bilyong magasin at 80 milyong aklat at Bibliya.
Noong 2012, ang mga imprentahan ng mga Saksi ni Jehova ay nakagawa ng mahigit 1.3 bilyong magasin at 80 milyong aklat at Bibliya
Karaniwan na, ang mga nagto-tour sa mga imprentahan namin ay humahanga sa kasipagan ng mga gumagawa ng literaturang ito. Kusang-loob na ibinibigay ng mga lalaki at babaing iyon ang panahon at lakas nila. Nang dumating sila sa Bethel, na nangangahulugang “Bahay ng Diyos,” karamihan sa kanila ay walang karanasan sa pag-iimprenta. Pero malaking tulong ang programa ng in-house training at ang pagpapasigla sa mga nagtatrabaho sa Bethel na patuloy na mag-train. Halimbawa, karaniwan nang makikita rito ang mga kabataang lalaki na sa edad na 20 pataas ay nag-o-operate ng high-speed printing press na nakakapag-imprenta ng magasing may 16 na pahina sa bilis na 200,000 kopya bawat oras.
Saan Galing ang Perang Ginagastos Dito?
Sa buong daigdig, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay sinusuportahan ng kusang-loob na donasyon. Sinabi ng Zion’s Watch Tower, tinatawag ngayong Ang Bantayan, isyu ng Agosto 1879: “Naniniwala kami na si JEHOVA ang sumusuporta sa ‘Zion’s Watch Tower,’ at dahil nga rito kung kaya hindi ito kailanman manghihingi ni makikiusap sa mga tao.” Ganiyan din ang nadarama namin ngayon.
Bakit kami naglalaan ng maraming panahon, pera, at pagsisikap sa gawaing ito? Dahil umaasa kami na kapag nabasa mo ang isa sa milyon-milyong Bibliya at aklat namin, inimprenta man o online, matutulungan ka nito na maging malapít sa Diyos.