Pumunta sa nilalaman

Pinasimpleng Watchtower

Pinasimpleng Watchtower

Simula sa isyu ng Hulyo 2011, isang pinasimpleng edisyon ng Watchtower ang inilabas sa wikang Ingles para sa isang-taóng trial period. Tapos na ang trial period, at ipinasiyang ipagpatuloy ang paglalathala nito.

Simula sa isyu ng Enero 2013, mayroon na ring pinasimpleng edisyon sa wikang French, Portuguese, at Spanish.

Ang pinasimpleng edisyon ay inilathala para tulungan ang mga dumadalo sa pulong ng mga English congregation pero hindi naman Ingles ang sariling wika.

Mula pa sa unang isyu, dumagsa na ang napakaraming sulat ng pasasalamat. Ang 64-anyos na si Rebecca, isang taga-Liberia na hindi nakapag-aral, ay sumulat: “Nag-aaral akong bumasa. Kapag nagbabasa ako noon ng Watchtower, hindi ko maintindihan. Kaya gustung-gusto ko ang pinasimpleng edisyon kasi naiintindihan ko ito.”

Maraming magulang ang gumagamit ng pinasimpleng edisyon para tulungang maghanda ang kanilang mga anak sa Pag-aaral sa Bantayan, isa sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova.

Si Rosemary, na nag-aalaga sa kaniyang tatlong apong babae, ay sumulat: “Nahihirapan ang mga apo ko kapag nag-aaral kami ng Watchtower. Kailangan pa naming tingnan sa diksyunaryo ang mga salita. Nauubos ang oras namin sa pag-intindi sa mga salita kaya madalas na hindi nakukuha ng mga bata ang punto. Ngayon mas nakakapagpokus kami sa mga teksto at sa kaugnayan nito sa aralin.”