“Handang-handa Para sa Bawat Mabuting Gawa”!
Inilabas ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Noong Enero 20, 2019, ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Tagalog ay inilabas ni Brother Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, sa Metro Manila Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses sa Quezon City, Pilipinas. At 123,555 ang kabuoang bilang ng dumalo sa assembly hall at sa iba pang lokasyon.
Unang natanggap ng mga Saksing nagsasalita ng Tagalog ang buong Bagong Sanlibutang Salin sa wika nila noong taóng 2000. * Mula noon, mga 1,600,000 kopya na ng Bagong Sanlibutang Salin sa Tagalog ang naimprenta, at ginagamit ito ng halos 100,000 Saksi sa buong mundo na nagsasalita ng Tagalog. Pero bakit kailangang rebisahin ang saling ito ng Bibliya? Sino ang nagsalin nito? Paano ka makakasiguro na mapagkakatiwalaan ang Bagong Sanlibutang Salin? At anong dagdag na mga feature ng nirebisang edisyong ito ang makakatulong sa iyo na maging “handang-handa para sa bawat mabuting gawa”?—2 Timoteo 3:16, 17.
Bakit nirebisa ang salin?
Dahil nagbabago ang wika sa paglipas ng panahon, kailangang rebisahin ang mga salin ng Bibliya para madaling maintindihan ang mga ito. Kapag luma ang mga salitang ginamit sa isang Bibliya, hindi ito masyadong mapapakinabangan ng mga mambabasa.
Ang bawat aklat sa Bibliya ay ipinasulat ng Diyos na Jehova sa wikang madaling maintindihan ng mga tao. Tinularan ito ng New World Bible Translation Committee at inilabas nila ang nirebisang edisyong English ng Bagong Sanlibutang Salin noong Oktubre 2013. Sinasabi sa paunang salita nito: “Pinagsikapan naming maisalin ito nang tumpak mula sa orihinal na mga wika at magawa din itong malinaw at masarap basahin.”
Ang orihinal na edisyong Tagalog ng Bagong Sanlibutang Salin ay batay sa 1984 na edisyon ng New World Translation of the Holy Scriptures. Makikita sa nirebisang Bibliyang Tagalog ang maraming rebisyon na ginawa sa edisyong English, at isinunod ang edisyong Tagalog sa modernong wika para masarap itong basahin.
Isa pa, mula noong panahong ilabas ang orihinal na edisyong English ng Bagong Sanlibutang Salin, malaki na ang isinulong sa pagkakaunawa sa Hebreo, Aramaiko, at Griego—ang mga wikang ginamit sa pagsulat sa Bibliya. May mga nadiskubre pang manuskrito ng Bibliya na nakatulong para mas maintindihan ng mga tagapagsalin ng Bibliya kung ano talaga ang ibig sabihin ng mga manunulat ng Bibliya.
Dahil diyan, binago rin ang ilang pananalita para maiayon sa ideya na pinakamalapit sa orihinal na akda ayon sa karamihan ng mga iskolar. Halimbawa, sa ilang manuskrito, ganito ang mababasa sa Mateo 7:13: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan, dahil maluwang ang pintuang-daan at malapad ang daang papunta sa pagkapuksa.” Sa naunang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin, hindi makikita sa teksto ang pariralang “ang pintuang-daan.” Pero dahil sa higit na pagsusuri sa mga manuskrito, natuklasan na nasa orihinal na kopya ng Bibliya ang pariralang “ang pintuang-daan.” Kaya isinama na ang pananalitang iyon sa rebisyong ito. May ilan pang pagbabago na katulad nito. Pero maliliit lang ang mga pagbabago at hindi nakaapekto sa mensahe ng Salita ng Diyos.
Matapos ang higit pang pagsasaliksik, natuklasan ang anim na karagdagang paglitaw ng pangalan ng Diyos na Jehova. Ang mga ito ay makikita sa Hukom 19:18 at sa 1 Samuel 2:25; 6:3; 10:26; 23:14, 16. Kaya sa edisyong English ng Bagong Sanlibutang Salin, ang pangalan ng Diyos na Jehova ay lumilitaw nang 7,216 na beses, kasama na ang 237 paglitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Ano ang bago sa nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Tagalog?
Ang edisyong ito ay gumagamit ng wikang moderno at mas naiintindihan. Halimbawa, kapag sinabing “mahabang pagtitiis,” baka ang pumasok sa isip ng mambabasa ay ang tagal ng panahon na kailangang magtiis ng isa. Pero ang idiniriin nito ay ang determinasyon ng isang tao na magtiis, kaya sapat nang sabihin na “pagtitiis.” (Galacia 5:22) Ang salitang “balakyot” na halos hindi na maintindihan sa ngayon ay pinalitan ng “masama” o “napakasama.” (Ezekiel 33:19; Mateo 12:39) Ang terminong “patutot” ay pinalitan ng “babaeng bayaran” o “lalaking bayaran,” depende sa konteksto. (Genesis 38:15; Deuteronomio 23:17) Ang “pakikiapid” ay kadalasan nang tinutumbasan ng “seksuwal na imoralidad.” (Galacia 5:19) At ang “tabak” ay pinalitan ng “espada.” (Kawikaan 12:18) Ang “panahong walang takda” ay pinapalitan kung minsan ng “magpakailanman,” “permanente,” “panahong walang wakas,” o “napakatagal nang panahon” depende sa kahulugan nito sa bawat konteksto.—Genesis 3:22; 2 Hari 21:7; Awit 90:2; Eclesiastes 1:4; Mikas 5:2.
Ginagamit noon ang salitang “kinasihan” bilang panumbas sa salitang English na inspired. Pero dahil hindi na maintindihan ang salitang ito, nahihirapan ang mga mambabasa na makuha ang tamang ideya. Kaya sa rebisyong ito, gumamit ng pananalitang angkop sa bawat konteksto. Halimbawa, ang pariralang “kinasihang pasiya” ay isinalin nang “pasiya ng Diyos.” (Kawikaan 16:10) Ang dating salin na “mga kapahayagang kinasihan ng mga demonyo” ay pinalitan ng “mga mensaheng galing sa mga demonyo.” (Apocalipsis 16:14) Ang pananalitang “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos” ay ginawa nang “ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos.”—2 Timoteo 3:16.
Sino ang naglalathala ng saling ito?
Ang Bagong Sanlibutang Salin ay inilalathala ng Watch Tower Bible and Tract Society, ang legal na ahensiyang kumakatawan sa mga Saksi ni Jehova. Sa loob ng mahigit isang daang taon, ang mga Saksi ni Jehova ay namamahagi ng Bibliya sa buong mundo. Ang orihinal na edisyong English ay inilabas ng New World Bible Translation Committee sa pagitan ng 1950 at 1960. Dahil ayaw ng mga miyembro ng komiteng iyon na maging prominente sila, hiniling nila na huwag silang ipakilala kahit pagkamatay nila.—1 Corinto 10:31.
Noong 2008, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nag-atas ng bagong grupo ng mga brother para maging New World Bible Translation Committee. Sinimulan agad ng komite na rebisahin ang Bibliyang English. Isinaalang-alang nila ang naging mga pagbabago sa wikang English mula nang ilabas ang orihinal na edisyon, pati na ang mahigit 70,000 sagot na ibinigay sa mga nagsalin ng Bagong Sanlibutang Salin sa mahigit 120 wika.
Paano ginawa ang rebisyon sa Tagalog?
Una, isang grupo ng nakaalay na mga Kristiyano ang inatasan na maging isang translation team. Ipinapakita ng mga karanasan na kapag ang mga tagapagsalin ay gumawa bilang isang team sa halip na magkakahiwalay, mas maganda at mas balanse ang nagiging salin nila. (Kawikaan 11:14) Karaniwan na, bawat miyembro ng team ay may karanasan na sa pagsasalin ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Tumanggap din sila ng pagsasanay tungkol sa pangunahing mga pamantayan sa pagsasalin ng Bibliya at sa paggamit ng mga computer program para sa pagsasalin.
Pinag-aaralan ng mga tagapagsalin ang mga pananalita sa Bibliya gamit ang mga computer program. Tinutulungan sila ng Translation Services, isang departamento na nasa New York, U.S.A. Pinangangasiwaang mabuti ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang pagsasalin ng Bibliya sa pamamagitan ng Writing Committee. Pero paano ginagawa ang pagsasalin?
Tinagubilinan ang translation team na isalin ang Bibliya (1) nang tumpak pero madaling maintindihan ng ordinaryong mga tao, (2) gamit ang magkakaparehong termino, at (3) nang literal kung malinaw namang naitatawid ang ideya. Paano ito nagawa? Kuning halimbawa ang bagong-labas na Bibliya. Sinisimulan ng translation team ang pagsasalin sa pamamagitan ng pagrerepaso sa mga terminong ginamit sa naunang edisyong Tagalog ng Bagong Sanlibutang Salin. Ipinapakita ng computer program na Watchtower Translation System ang ibang mga salita sa Bibliya na kaugnay at kasingkahulugan ng mga salita sa bawat talatang isinasalin. Ipinapakita rin nito ang orihinal na salitang Griego o Hebreo para makita ng mga tagapagsalin kung paano ito isinalin sa ibang bahagi ng Bibliya. Malaking tulong ang program na ito sa pagrerepaso sa mga terminong ginamit sa Tagalog. Bukod diyan, sinisikap ng translation team na gawing natural at mas madaling maintindihan ang mga pananalitang Tagalog sa bawat teksto.
Maliwanag, para maitawid ang tamang ideya, hindi sapat na basta tumbasan ang mga salita. Maraming kinailangang gawin para matiyak na tama ang mga salitang Tagalog na ginamit sa bawat konteksto. At sulit naman ang lahat ng pagsisikap. Sa Tagalog na Bagong Sanlibutang Salin, ang Salita ng Diyos ay naisalin nang tumpak mula sa orihinal na mga wika at nagawa rin itong malinaw at masarap basahin.
Sinikap din ng mga tagapagsalin sa Tagalog na gawing natural ang pagkakabuo ng mga pangungusap, kaya mas maiintindihan ng mga mambabasa ang damdamin ng mga karakter sa binabasa nilang ulat. Halimbawa, tingnan ang 2 Hari 6:5, Job 7:20, Awit ni Solomon 2:4, at Jeremias 4:19.
Kaya pakisuyong pag-aralan ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Mababasa mo ito online o sa JW Library app; puwede ka ring kumuha ng nakaimprentang kopya sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na malapit sa iyo. Mapagkakatiwalaan mo ang mababasa mo rito, dahil tumpak nitong naisalin ang mensahe ng Diyos sa sarili mong wika.
Mga idinagdag sa nirebisang Bagong Sanlibutang Salin
Introduksiyon sa Salita ng Diyos: Mayroon itong mga teksto sa Bibliya na sumasagot sa 20 tanong tungkol sa pangunahing mga turo ng Bibliya
Nilalaman: Makikita ito sa simula ng bawat aklat at ipinapakita nito ang nilalaman ng bawat kabanata ng Bibliya. Makakatulong ito para madali mong makita ang mga ulat sa Bibliya. Ito ang kapalit ng mga running head na nasa uluhan ng bawat pahina ng naunang edisyon
Mga Marginal Reference: Sa ngayon, ang mga tekstong kasama na lang dito ay ang mga makakatulong sa ministeryo
Mga Talababa: Makikita rito ang ibang salin ng salita o parirala, salita-por-salitang salin, at iba pang karagdagang impormasyon
Indise ng mga Salita sa Bibliya: Sa ngayon, ang makikita na lang dito ay ang mga salita at talata na mas magagamit sa pangangaral at pagtuturo
Glosari: Nagbibigay ng maikling depinisyon ng daan-daang salitang ginamit sa Bibliya
Apendise A: Ipinapaliwanag ang mga feature ng rebisyon, gaya ng pagbabago sa istilo at bokabularyo at ang pagsasalin nito sa pangalan ng Diyos
Apendise B: Naglalaman ng 15 makukulay na larawan na may mga mapa at dayagram
^ par. 4 Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Tagalog ay inilabas noong 1993.