Hanap Nila ay Trabaho, Hindi Suweldo
Sa nakalipas na 28 taon, mahigit 11,000 Saksi ni Jehova ang umalis sa kanilang tahanan at bansa pa nga para magtayo ng mga gusali sa 120 bansa. Silang lahat ay maligayang naglaan ng kanilang kakayahan at lakas nang buong panahon at walang suweldo.
Sagot ng marami sa kanila ang sarili nilang pamasahe papunta sa lugar ng proyekto. Ginamit ng ilan ang kanilang bakasyon para makapagboluntaryo. Ang iba ay nag-leave sa kanilang regular na trabaho kahit malaki ang mawawalang suweldo.
Walang pumilit sa kanila na magsakripisyo nang gayon. Kusa silang nagboluntaryo para sa ikasusulong ng pambuong-daigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 24:14) Nakapagtayo sila ng mga opisina, tuluyan, at mga pasilidad para sa pag-iimprenta ng Bibliya at salig-Bibliyang mga publikasyon. Ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagtayo rin ng mga Assembly Hall na hanggang 10,000 ang seating capacity at mga Kingdom Hall na kasya ang hanggang 300 katao.
Patuloy pa rin ang mga proyektong ito. Pagdating ng mga boluntaryo sa site, naglalaan ang lokal na sangay ng tuluyan, pagkain, serbisyo sa paglalaba, at iba pang pangangailangan nila sa araw-araw. Masaya ring tumutulong sa pagtatayo ang lokal na mga Saksi.
Para organisahin ang malaking proyektong ito, binuo ang isang internasyonal na programa noong 1985. Para makapagboluntaryo sa programang ito, ang isa ay dapat na Saksi ni Jehova na edad 19 hanggang 55 at may alam na kahit isang kasanayan sa pagtatayo. Karaniwan na, ang isang atas sa programa ay umaabot nang dalawang linggo hanggang tatlong buwan, pero ang ilan ay nagtatagal nang isang taon o higit pa.
Ang mga asawang babae ng mga boluntaryo ay sinasanay sa mga gawaing gaya ng pagtatali ng alambre sa mga bakal, paglalagay ng tiles, o pagliliha at pagpipintura. Ang iba naman ay tumutulong sa paghahanda ng pagkain o paglilinis ng kanilang tuluyan.
Pagbalik ng mga boluntaryo sa kanilang tahanan, ang ilan sa kanila ay sumusulat para magpasalamat dahil naimbitahan sila sa proyekto. Isang mag-asawa ang sumulat: “Maraming salamat sa pribilehiyong makapagboluntaryo sa sangay sa Budapest. Ang mga Saksi sa Hungary ay napakamaibigin at mapagpahalaga! Ang hirap magpaalam sa kanila pagkatapos ng isang buwan namin doon. Pero talaga namang ganoon, ’di ba? Sana makabalik kami sa tagsibol. Sa tuwing nagboboluntaryo kami sa isang proyekto, iyon ang nagiging pinakamasayang buwan ng aming buhay.”