Site sa Tuxedo—Binago ng mga Boluntaryo
Alas-seis kuwarenta y singko ng umaga sa Tuxedo, New York. Asul ang kalangitan, at natatakpan ng manipis na yelo ang maliit na lawa malapit sa apat-na-palapag na gusaling pinapasok ng mga kabataang lalaki at babae. Nakadamit pantrabaho at nakabota, galing sila sa mga hotel at bahay roon at sa iba’t ibang bahagi ng New York—Patterson, Wallkill, at Brooklyn pa nga, na mga 80 kilometro ang layo.
Pero bago nito, marami sa kanila ang nanggaling pa sa mas malalayong lugar—sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos at sa ibang bansa. Nagboluntaryo silang magtrabaho rito—mayroong isang linggo, ang ilan ay anim na linggo, at ang iba ay mas matagal pa. Sarili nilang gastos ang pamasahe nila at hindi rin sila sinusuwelduhan. Pero masaya sila rito.
Sa araw na ito, mga 120 boluntaryo ang narito, pero madaragdagan pa ito sa darating na mga buwan. Pumasok sila sa dining room, at naupo nang tigsasampu sa bawat mesa. Marami ang nagkakape habang amoy na amoy ang bacon mula sa kusina. Eksaktong alas-siyete ng umaga, mapapanood sa mga TV ang pagtalakay sa isang teksto sa Bibliya. Pagkatapos ng 15 minuto, naghain ng almusal ang mga waiter. Bukod sa bacon, naghain din sila ng tinapay, itlog, at oatmeal. Napakaraming pagkain!
Pagkatapos ng pagkain at pansarang panalangin, naghanda na silang magtrabaho. Ang mga magtatrabaho sa konstruksiyon ay masayang nagkukuwentuhan habang isinusuot ang kanilang hard hat, safety glasses, vest na matingkad ang kulay, at mabigat na tool belt.
Ang kanilang atas? Ayusin ang dating pasilidad ng International Paper Company sa Tuxedo at gawin itong sentro ng operasyon para sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, na itatayo sa di-kalayuan, malapit sa bayan ng Warwick. Gagawa sila ng mga silid-tirahan at opisina sa dating mga gusali, pati na rin ng mga pagawaan at bodega. Noong Martes, Marso 12, 2013, inaprobahan ng lokal na planning board ang site plan para sa Tuxedo.
Paano tinatanggap ang mga temporary volunteer pagdating nila sa kanilang tuluyan? “Pagdating mo,” ang sabi ni William, na mula sa New Jersey, “sasabihin sa iyo ng mga receptionist ang mga dapat mong malaman—kung saan ang kuwarto mo, kung paano ang pasikut-sikot dito, at ang paggamit sa mga susi. Lahat ay tutulong sa iyo. Kapag nasa Tuxedo ka na, makikilala mo ang crew leader ninyo pagkatapos ng almusal at sasabihin niya sa iyo kung ano ang gagawin mo.”
Ano’ng pakiramdam ng maglingkod dito? Si Yajaira at ang kaniyang mister ay galing sa Puerto Rico at tumutulong sa framing at drywall. “Gumigising kami nang mga 4:30 n.u.,” ang sabi niya. “Magliligpit kami ng kuwarto, magkakape, at pupunta na sa inilaang bus. Sa dulo ng maghapon, pagód na kami, pero tawanan pa rin. Lahat ay masaya.”
Ang nabiling property sa Warwick ay napalilibutan ng kagubatan. Si Zach at kaniyang asawang si Beth, mula sa Minnesota, ay tumutulong sa paghahanda ng site sa Warwick. Nang tanungin kung bakit sila pumunta roon, sinabi ni Beth: “Naniniwala kaming wala nang mas gaganda pang layunin sa buhay kundi ang paglingkuran si Jehova. Gusto naming gamitin ang aming mga kakayahan sa paglilingkod sa kaniya.”