Pumunta sa nilalaman

Pagtulong sa mga Bingi sa “Emerald of the Equator”

Pagtulong sa mga Bingi sa “Emerald of the Equator”

Milyon-milyon ang bingi na nakatira sa Indonesia, na tinatawag ding Emerald of the Equator. Para tulungan sila, gumawa ang mga Saksi ni Jehova ng mga salig-Bibliyang materyal at programa sa pagtuturo sa Indonesian Sign Language. Marami ang nagpapasalamat sa mga pagsisikap na ito.

Isang Kombensiyon sa Sign Language

Noong 2016, sa Medan, North Sumatra, nagdaos ang mga Saksi ni Jehova ng isang kombensiyon sa Indonesian Sign Language. Isang mataas na opisyal sa seguridad sa lugar na iyon ang dumalo sa pagtitipon, at kinomendahan niya ang mga Saksi sa pagsasaayos ng programang iyon nang walang bayad. Talagang naantig siya sa nakita niya kung kaya sinikap niyang sumabay sa pag-awit sa pamamagitan ng paggaya sa senyas ng mga naroroon.

Sinabi ng manager ng pasilidad na naging “maayos at matagumpay” ang kombensiyon. “Patuloy sanang magsaayos ng ganitong kapaki-pakinabang na mga gawain ang mga Saksi para sa mga bingi sa aming komunidad.” Idinagdag pa nito na nang malaman ng may-ari ng pasilidad na para sa mga bingi ang kombensiyon, “gusto niyang makatulong sa mga Saksi. Kaya sinabi niya sa akin na maghanda ng tanghalian para sa [lahat ng 300] dumalo.”

Pasasalamat Para sa mga Sign-Language Video

Personal ding dinadalaw ng mga Saksi ni Jehova ang mga bingi para magbahagi ng mensahe mula sa Bibliya. Madalas na gumagamit ang mga Saksi ng mga video sa Indonesian Sign Language, na dinisenyo para tulungan ang mga tao na magkaroon ng kapaki-pakinabang at masayang buhay.

“Talagang kapuri-puri ang mga ginagawa ninyo para tulungan ang mga bingi,” ang sabi ni Mahendra Teguh Priswanto, ang regional deputy director ng Indonesian Association for the Welfare of the Deaf sa Semarang City, Central Java. “Halimbawa, talagang malaking tulong ang video na Puwedeng Maging Masaya ang Iyong Pamilya. Sana magpatuloy pa ang gawain ninyo.”

“Nagpapakita [Sila] ng Pag-ibig”

Malaki ang naging epekto ng mga pagsisikap na ito ng mga Saksi kay Yanti, isang babaeng bingi. Ipinaliwanag niya: “Karaniwan na, pinagtatawanan ng mga tao ang mga bingi, pero ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita ng pag-ibig. Maraming Saksi na nakakarinig ang nag-aaral ng sign language para tulungan ang mga bingi na makilala ang Maylalang at mapabuti ang kanilang buhay. Na-touch ako sa taimtim nilang pagsisikap.”

Naging Saksi ni Jehova si Yanti, at kabilang na siya ngayon sa isang translation team na gumagawa ng mga video sa Indonesian Sign Language. Sinabi niya: “Ang mga video na ginagawa namin ay nakakatulong sa ilang hindi pa masyadong marunong mag-sign na maging mas mahusay rito. Bukod diyan, tinuturuan din nito ang mga tao kung paano magkakaroon ng masaya at kapaki-pakinabang na buhay.”