Ano ang Magagawa ng Kingdom Hall sa Inyong Komunidad?
Sa loob ng mahigit isang daang taon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdidisenyo at nagtatayo ng mga lugar sa kanilang pagsamba. Ang mga gusaling ito ay tinatawag na Kingdom Hall. Mayroon bang itinatayong ganito sa inyong lugar? Paano makikinabang ang inyong komunidad sa Kingdom Hall?
“Isang Magandang Regalo Para sa Komunidad”
Ang disenyo ng mga Kingdom Hall ay nakakadagdag sa ganda ng komunidad. “Goal namin na ang bawat Kingdom Hall ay maging isa sa pinakamagagandang gusali na igagalang ng mga tao,” ang sabi ni Jason, na isa sa mga nangangasiwa ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa United States. Sinabi rin ng isang arkitektong Saksi na nasa design team, “Gusto namin na maging isang magandang regalo para sa komunidad ang natapos na proyekto at magdagdag ng kagandahan sa lugar.”
Ang mga nagtatayo ng Kingdom Hall ay mga Saksi ni Jehova na gustong-gustong makapagtayo ng mga gusaling mataas ang kalidad. Ang kanilang husay sa pagtatayo ay madalas na napapansin ng iba. Halimbawa, sa isang proyekto kamakailan sa Richmond, Texas, U.S.A., sinabi ng inspektor ng gusali na napakataas ng kalidad ng bubong ng Kingdom Hall. Sa isla ng Jamaica, isinama ng inspektor ng gusali ang isang grupo ng bagong mga inspektor para bisitahin ang isang itinatayong Kingdom Hall at sinabi: “Hindi kayo mag-aalala sa kanila. Talagang sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang mga plano sa pagtatayo. Nahihigitan pa nga nila y’ong lokal na mga pamantayan ng gusali.” Sinabi ng inspektor ng gusali sa isang lunsod sa Florida, U.S.A., “Nainspeksiyon ko na ang mga ospital at malalaking proyekto ng gobyerno, pero ang mga ito ay hindi kasing-organisado ng sa inyo. Mahuhusay kayong magtrabaho.”
Makakatulong na Mapabuti ang Komunidad
Ang mga pagtitipon sa Kingdom Hall ay nakakatulong sa mga dumadalo na mapabuti ang buhay nila. Sila ay nagiging mas mabuting tatay, nanay, at anak. Ipinaliwanag ni Rod, na nagtatrabaho sa isang design team ng Kingdom Hall: “Sa bawat Kingdom Hall, ang mga tao ay tinuturuan na magkaroon ng mataas na pamantayan sa moral, kaya nakikinabang ang lahat ng nasa komunidad.” Sinabi pa niya: “Dito mo mahahanap ang tulong na kailangan mo kapag may problema ka. Madarama mo dito na welcome ka. May mga magpapatibay sa iyo at tutulungan ka nilang mas makilala ang Diyos.”
Iniisip ng mga dumadalo sa Kingdom Hall ang kapakanan ng kapuwa nila, at kapag may sakuna, tumutulong sila agad. Halimbawa, noong 2016, matapos manalasa ang Bagyong Matthew sa Bahamas, kinumpuni ng mga Saksi ni Jehova ang 254 na bahay. Nilapitan ng 80 anyos na si Violet, na binaha ang bahay, ang isang grupo ng mga Saksi na nagsasagawa ng relief work. Sinabi niyang babayaran niya sila sa anumang tulong na gagawin nila. Hindi nila ito tinanggap, pero inayos nila ang bubong ng bahay ni Violet. Nagkabit din sila ng drywall sa kisame ng bahay niya. Pagkatapos, niyakap ni Violet ang buong grupo, paulit-ulit silang pinasalamatan, at sinabi, “Talagang kayo ang mga lingkod ng Diyos!”
‘Natutuwa Kaming May Kingdom Hall sa Lugar Namin’
Para mapanatili ang magandang kondisyon ng mga Kingdom Hall, ang mga Saksi ni Jehova ay may programa ng pagsasanay sa pagmamantini ng kanilang Kingdom Hall. At may magagandang resulta iyan. Halimbawa, sa isang maliit na komunidad sa Arizona, isang babae ang inanyayahang dumalo sa Kingdom Hall. Sinabi niya na maayos at malinis ang Kingdom Hall at humanga siya nang marinig niya ang tungkol sa programa ng pagmamantini, na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa isang gusali na maganda naman ang kondisyon. Isa siyang manunulat sa newsletter ng bayan, at nang maglaon, ang report tungkol sa Kingdom Hall na namamantini nang mabuti ay isinama sa newsletter. Sinabi ng artikulo, “Natutuwa kami na . . . may Kingdom Hall sa lugar namin.”
May mahahanap kang mga Kingdom Hall sa buong mundo. Malugod ka naming inaanyayahan na dumalo rito.