JW.ORG—Tumutulong Para Mapabuti ang Buhay
Marami ang nakikinabang sa jw.org. Nasa ibaba ang ilan sa maraming pasasalamat na natanggap ng pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova hanggang noong Mayo 2014.
Tulong sa mga Bata
“Dati, tuwing umuuwi ang anak kong nasa preschool, lagi siyang may bitbit na lapis, laruan, pati sunglasses ng mga kaibigan niya. Paulit-ulit namin siyang sinasabihan na pagnanakaw ang ginagawa niya at mali iyon. Pero hindi siya nakikinig. Nagbago ’yon nang mag-download kami sa jw.org ng video na Masamang Magnakaw. Tamang-tama ito sa anak namin. Matapos niya itong panoorin, gusto na raw niyang ibalik ang mga kinuha niya dahil naiintindihan na niyang masamang magnakaw at ayaw ito ng Diyos. Talagang natulungan kami ng website na ito!”—D. N., Africa.
‘Tamang-tama sa anak namin ang video sa jw.org na Masamang Magnakaw’
“Gustong-gusto ng mga anak ko ang website na ito. Nagda-download sila ng maiikling animated video na tumutulong sa kanila na sundin ang mga simulain ng Bibliya at iwasan ang pagsisinungaling at pagnanakaw. Natututo rin sila ng mahahalagang katangian na magagamit nila sa buhay para maging kapaki-pakinabang sa komunidad.”—O. W., West Indies.
Tulong sa mga Estudyante
“Dati, pahirap sa buhay ang tingin ko sa pag-aaral, at naisip kong tumigil. Pero isang araw, nabasa ko sa jw.org ang artikulong ‘Dapat Ba Akong Huminto sa Pag-aaral?’ Naging mas maganda ang tingin ko sa pag-aaral. Dahil sa artikulong iyon, naintindihan kong matutulungan ako ng pag-aaral na maging handa sa kinabukasan at maging responsable.”—N. F., Africa.
“Nakatulong sa akin ang mga payo ng website para maging matinong kabataan sa school”
“Nakatulong sa akin ang mga payo ng website para maging matinong kabataan sa school. Natuto akong magpokus sa pag-aaral at iwasan ang mga pang-abala.”—G., Africa.
“Sinabi ng katrabaho ko na binu-bully ang anak niyang babae sa paaralan, lalo na ng isang kaeskuwela nitong babae. Sa sobrang takot, ilang araw itong hindi pumasok sa paaralan. Binanggit ko sa katrabaho ko ang ilang punto mula sa whiteboard animation ng jw.org na Talunin ang Bully Nang Hindi Nakikipag-away. Gustong-gusto niya ang payo na magpatawa para maalis ang tensiyon. Sinabi niya sa anak niya kung ano ang puwede nitong gawin kapag may nambu-bully. Ngayon, panatag na ang anak niya kapag pumapasok sa paaralan. Naging mas mabuti ang sitwasyon at bumait pa nga ang dating nambu-bully.”—V. K., Eastern Europe.
Tulong sa mga Kabataan
“Salamat sa artikulo sa website na ‘Bakit Ako Naghihiwa sa Sarili?’ Matagal ko na itong problema. Pakiramdam ko noon, nag-iisa ako at walang makakaintindi sa akin. Malaking tulong sa akin ang mga halimbawa sa artikulo. Sa wakas, mayroon nang nakakaunawa sa akin!”—Isang kabataang babae sa Australia.
“Malaking tulong sa akin ang mga halimbawa sa artikulo. Sa wakas, mayroon nang nakakaunawa sa akin!”
“Dahil sa website na jw.org, madali na akong makahanap ng praktikal na impormasyon tungkol sa mga problemang nararanasan ng mga kabataan. Isang artikulo ang nakatulong sa akin na malaman ang mga uri ng sexual harassment, maunawaan na naging biktima na pala ako nito, at matutuhan kung paano ito haharapin.”—T. W., West Indies.
Tulong sa mga Magulang
“Hyperactive ang anak kong tin-edyer. Nagugulat ako sa mga ikinikilos niya at pabago-bagong ugali. Hindi tuloy kami magkaintindihan. Minsan, nagpunta ako sa jw.org at pinili ko ang seksiyon para sa mga mag-asawa at magulang. Marami akong nakitang artikulo na tamang-tama sa sitwasyon ko at nagturo sa akin kung paano kakausapin ang anak ko. Nakatulong din sa kaniya ang website. Ngayon, nagkukuwento na siya sa akin tungkol sa mga nararamdaman niya.”—C. B., Africa.
“Kadalasan, y’ong paksa ng artikulong lumalabas sa jw.org, ’yon ang mismong pinagdaraanan ng mga anak namin kaya natutulungan namin sila”
“Nakakatulong ang jw.org para maturuan namin ang aming mga anak sa paraan na mag-eenjoy sila. Halimbawa, nakatulong sa mga anak namin ang whiteboard animation tungkol sa paghahanap ng tunay na kaibigan. Nagkaroon sila ng tamang pananaw sa pakikipagkaibigan at natutong pumili ng mabubuting kaibigan. Kadalasan, y’ong paksa ng artikulong lumalabas sa jw.org, ’yon ang mismong pinagdaraanan ng mga anak namin kaya natutulungan namin sila. Napakaraming payo na makukuha rito.”—E. L., Europe.
Tulong sa mga Mag-asawa
“Anim na taon na kaming kasal ng misis ko. Gaya ng iba pang mag-asawa, naging hamon sa amin ang pagkakaiba namin ng paraan ng pakikipag-usap, kinalakhan, at pananaw sa mga bagay-bagay. Naging interesado ako sa artikulo sa jw.org na ‘Kung Paano Magiging Mabuting Tagapakinig.’ Nagbigay ito ng mga praktikal na payo kung paano magiging mas mabuting tagapakinig. Binasa ko ang artikulo at ipinakita ito sa misis ko. Sinisikap naming sundin ang magagandang mungkahi rito.”—B. B., West Indies.
“Iniligtas ng website na ito ang pagsasama naming mag-asawa”
“Isang taon na akong sumasama sa mga Saksi ni Jehova, at gusto ko talagang magpasalamat sa website na jw.org. Marami akong natutuhan dito, kasama na ang pagkontrol sa galit at pagiging mabuting asawa at ama. Masasabi kong iniligtas ng website na ito ang pagsasama naming mag-asawa.”—L. G., West Indies.
Tulong sa mga Bingi
“Naging masaya ulit ang buhay ko dahil sa website na jw.org. Sa tulong ng mga video sa American Sign Language, naging mas mahusay ako sa sign language. Sa tingin ko dati, hindi ko kayang umabot ng makabuluhang mga tunguhin. Pero dahil sa video na Napapanood Ko ang Salita ng Diyos sa Aking Wika, naantig ang puso ko at tumibay ang determinasyon kong magpokus sa positibong mga bagay.”—J. N., Africa.
“Naging masaya ulit ang buhay ko dahil sa website na jw.org”
“Napakalaking tulong ng website na ito. Isa akong boluntaryo na tumutulong sa mga bingi, lalo na sa mga kabataan. Nakatulong sa akin ang maraming publikasyon sa sign language na maging mas mahusay sa wikang ito. Dahil sa website, natutulungan ko ang mga taong gustong mapabuti ang kanilang buhay pampamilya at pakikipagkaibigan sa iba.”—K. J., West Indies.
Tulong sa mga Bulag
“Isa akong bulag na natutulungan ng jw.org. Mabilis akong makakuha rito ng impormasyon. Sa koreo kasi, kailangan kong maghintay ng maraming buwan. Dahil sa website na ito, naging mas masaya ang pamilya ko at naging kapaki-pakinabang ako sa komunidad. Nakakakuha na ako ng impormasyon kasabay ng mga kaibigan kong nakakakita.”—C. A., South America.
“Dahil sa website na ito, naging mas masaya ang pamilya ko at naging kapaki-pakinabang ako sa komunidad”
“Sa mga taong hindi marunong ng Braille o walang perang pambili ng mga aklat na Braille, malaking tulong ang jw.org. Dahil sa mga audio recording, hindi nahuhuli sa impormasyon ang mga bulag. Dinisenyo ang website na ito para sa lahat ng uri ng tao, at wala itong itinatangi. Nadarama naming mga bulag na binibigyang-dangal kami at mahalaga kami sa lipunan.”—R. D., Africa.
Tulong sa mga Taong Gustong Mapalapít sa Diyos
“Y’ong mga website ng ibang relihiyon, pauulanan ka ng mga salitang pari lang ang nakakaintindi. Hindi ganiyan ang website ninyo. Hindi ka nito lulunurin ng mga detalye. Simple at malinaw ang mga impormasyon dito. Hindi ito maligoy at hindi rin punô ng pilosopiya. Hindi nito pinagmumukhang komplikado ang pananampalataya. Sa halip, ipinakikita nito na maaaring magkaroon ng pananampalataya kahit ang ordinaryong mga tao.”—A. G., Asia.
“Simple at malinaw ang mga impormasyon dito . . . Ipinakikita nito na maaaring magkaroon ng pananampalataya kahit ang ordinaryong mga tao”
“Miserable! Ganiyan ang buhay ko kung wala ang jw.org. Sa isang daigdig na nasa espirituwal na kadiliman, ang website na ito ay parang ilaw na puwedeng buksan. Agad akong nakakakita at nakakarinig ng mga artikulong nagpapaliwanag sa pangmalas ng Diyos sa mga bagay-bagay at nalalaman ko ang mga sagot sa maraming tanong sa buhay.”—J. C., West Indies.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng espirituwal na tulong na natatanggap ko dito sa gitna ng kagubatan sa South America. Paano na lang ako kung wala ang website na ito?”—M. F., South America.