Mga Saksi ni Jehova, Tumulong Para Mapaganda ang Rostov-on-Don
Noong Mayo 20, 2015, ang punong administrador ng pinakamalaking lunsod sa timugang Russia, ang Rostov-on-Don, ay naglabas ng isang liham ng pasasalamat sa mga Saksi ni Jehova, na pinapupurihan sila dahil sa “napakasigasig na pakikibahagi nila sa pagpapaganda sa lunsod noong tagsibol.”
Noong panahon ng pagtulong sa komunidad para mapaganda ang Rostov-on-Don, tinipon ng mga Saksi ni Jehova mula sa apat na kongregasyon ang mga kalat at basura sa mga daan at tabing-ilog sa lunsod. Sa loob lang ng ilang oras, napunô nila ang mga 300 bag ng basura, na sa kalaunan ay hinakot ng mga trak.
Bakit gayon na lang ang pagnanais ng mga Saksi na tumulong sa komunidad? “Kasi nababahala ako,” ang sabi ng 67-anyos na si Raisa. “Gusto kong maging malinis ang lunsod ko para ang lahat ay maaaring manirahan sa malinis na kalagayan. Kahit kaunti lang ang nakaaalam ng ginawa namin, masaya pa rin ako. Nakikita naman ito ng Diyos na Jehova.” Ganito naman ang sinabi ni Aleksander: “Hindi lang kami nangangaral sa iba kundi tumutulong din kami sa kanila. Masaya ako kapag may nagagawa ako para sa aking kapuwa.”
Pinahahalagahan ng mga nagmamasid ang pagkukusa ng mga Saksi ni Jehova. Isang residente ang nagulat nang malaman niyang ang mga Saksi ay hindi binabayaran sa kanilang ginagawa. Nagdesisyon siyang sumama sa kanila sa paglilinis at pagkatapos ay nasabi niya: “Hindi ko akalaing masaya palang maglinis!” Sinabi pa niya: “Ang ilan nga sa inyo, hindi tagarito, pero pumunta pa rin kayo at naglinis para sa amin!”
Sinabi ng isang opisyal ng lunsod na may isang maliit na grupo ng mga Saksi na nakatipon ng napakaraming basura. Kinunan niya sila ng litrato sa tabi ng mga bag ng basura na natipon nila para “[maipakita niya] sa iba kung paano ito dapat gawin.”