Mga Guro sa Pilipinas Nakita ang Kapakinabangan ng JW.ORG
Noong 2016, nagkapribilehiyo ang mga Saksi ni Jehova na ipakita sa isang grupo ng mga guro sa Zamboanga del Norte, Pilipinas, kung paano nakatutulong sa pagtuturo ang mga video at artikulo sa website na jw.org. Unang dinalaw ng mga Saksi ang Department of Education sa Dipolog City, ang kabisera ng probinsiya. Talagang humanga sa jw.org ang mga administrador. Dahil diyan, inanyayahan nila ang mga Saksi na magbigay ng 30-minutong presentasyon sa tatlong seminar para sa mga guro mula sa iba’t ibang munisipalidad sa Zamboanga del Norte.
Paano isinagawa ang presentasyon?
Ipinakita ng mga Saksi sa mga 300 guro na nasa seminar ang ilang video at artikulo sa website. Nasiyahan ang mga dumalo, lalo na sa paksang “Kung Paano Haharapin ang Pagkakautang.” Nakita ng maraming guro na hindi lang mga estudyante nila ang makikinabang sa presentasyon kundi pati sila mismo. Tumanggap silang lahat ng tract na Saan Makikita ang Sagot sa Mahahalagang Tanong sa Buhay? na nagtatampok ng kapaki-pakinabang na mga impormasyon na available sa jw.org. May ilang guro din na nag-download ng mga video sa website.
Naging matagumpay ang tatlong presentasyon. Dahil diyan, ang Department of Education sa probinsiya ay nagsaayos ng karagdagang mga presentasyon para tulungan ang mga 600 guidance counselor at iba pang mga guro. Muli, marami ang nagpasalamat.
“Napakalaking tulong ng website”
Ipinaliwanag ng ilang dumalo kung paano sila natulungan ng mga presentasyon at ng website. “Gusto kong magpasalamat,” ang sabi ng isang guro. “Malaking tulong ang website na ito sa pagtuturo ko sa mga estudyante ko.” Isa pang guro ang nagsabi: “Marami akong dapat matutuhan, lalo na kung paano haharapin ang stress. Napakalaking tulong ng website, hindi lang sa mga kabataan, kundi pati rin sa matatanda.”
Mahigit 350 guro na dumalo sa presentasyon tungkol sa jw.org ang humiling ng higit pang impormasyon. Kaya nagbigay ang mga Saksi ng karagdagang literatura sa kanila at nagbahagi ng praktikal na mga payo mula sa Bibliya.
Tuwang-tuwa ang mga Saksi ni Jehova dahil mahigit 1,000 guro ang dumalo sa presentasyon sa Zamboanga del Norte at natuto kung paano mabisang magagamit sa pagtuturo ang website na jw.org. Makikinabang sa pantulong na ito ang mga guro sa buong daigdig dahil naglalaan ito ng napakaraming patnubay sa paggawi, moral, at espirituwal. *
^ par. 9 Ipinagkatiwala sa mga paaralan sa Pilipinas hindi lang ang pananagutang magbahagi ng kaalaman sa kanilang mga estudyante kundi pati rin ang pananagutang “patibayin ang mga pamantayan sa paggawi at relihiyon [at] magkaroon ng tamang moral at disiplina sa sarili.”—The 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, Article XIV, Section 3.2.