Binabago ang Buhay ng mga Bilanggo
Sa Spain, 68 bilangguan ang dinadalaw ng mga Saksi ni Jehova, at mga 600 preso ang nag-aaral ng Bibliya.
Isa sa mga Saksing dumadalaw ay si Miguel, na 12 taóng nabilanggo bago naging Saksi. Sa ngayon, linggu-linggo siyang bumabalik sa bilangguan. Bakit? Para matulungan din ang iba na magbagong-buhay.
Sa nakalipas na walong taon, marami nang bilanggo ang naturuan ni Miguel ng Bibliya. “Masaya akong tumulong sa mga bilanggo sa naging kulungan ko noon,” ang sabi niya. “Tuwang-tuwa ako kapag nakikita kong gusto nilang makalaya sa mundo ng krimen.”
Noong apat na taóng gulang si Miguel, nabangga ng isang lasing na drayber ang kaniyang tatay. Kinailangan ng nanay niya na kumayod nang husto para mabuhay ang kanilang pamilya.
Si Miguel at ang kuya niya ay nagsimulang mag-cutting classes at magnakaw sa mga bahay at mga kotse. Pagtuntong sa edad na 12, isa na siyang batang kriminal. Sa edad na 15, kumikita na siya nang malaki sa pagbebenta ng droga. Pero dahil malaki ang ginagastos niya sa heroin at cocaine, kailangan niyang magnakaw pa nang magnakaw. Mula edad 16, labas-masok na siya sa bilangguan, at di-nagtagal ay isa na siyang pusakal na kriminal. “Natitiyak ko noon na kung hindi man ako mabulok sa bilangguan, mamamatay ako sa droga,” ang sabi ni Miguel. “Para akong langaw na di-makaalis sa sapot ng gagamba.”
Pero noong 1994, isang kaibigan ni Miguel ang nagsabi sa isang Saksi na sulatan si Miguel, na nakabilanggo nang panahong iyon. Sa sulat na iyon, nalaman ni Miguel na layunin ng Diyos na muling gawing paraiso ang lupa. Pinasigla ng Saksi si Miguel na magbagong-buhay para maranasan niya ang pangakong iyon. “Naantig ako sa mga sinabi niya,” ang sabi ni Miguel. “Nagbago ang lahat nang araw na iyon, at nagpasiya akong mag-aral ng Bibliya, kahit alam kong hindi ito magiging madali.”
Alam ni Miguel na mahihirapan siya dahil sugapa siya sa droga at sigarilyo. Madaling makakuha nito sa bilangguan. Araw-araw siyang inaalukan ng droga ng kasama niya sa selda. Laging hinihiling ni Miguel sa panalangin na bigyan siya ng lakas na maalis ang kaniyang adiksiyon, at sa wakas ay nagtagumpay siya.
Makalipas ang tatlong buwan, ikinukuwento na ni Miguel sa ibang mga preso ang kaniyang mga paniniwala. Nang sumunod na taon, napalaya siya at nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Magpapakasal na rin sana siya, pero may dumating na problema. Isang buwan bago ang kasal, sinentensiyahan siya ng sampung-taóng pagkabilanggo dahil sa ilang nakabinbing kaso. Pero makalipas ang tatlo at kalahating taon, pinalaya siya dahil sa mabuting paggawi. Sa wakas, natuloy rin ang kasal. Hindi na binalikan ni Miguel ang dati niyang buhay.