Pagpapakamatay sa Sky Tower Napigilan
Nakumbinsi ni Graham Browne, 80-anyos na Saksi ni Jehova, ang isang lalaking may diperensiya sa isip na huwag tumalon mula sa 328-metrong Sky Tower sa Auckland, New Zealand. “Nang sabihin ng lalaki na gusto niyang makausap ang isang Saksi ni Jehova,” ang sabi ni Graham, “tinawagan ako ng mga pulis.
“Kinabitan ako ng harness ng mga tauhan ng Sky Tower at tinalian ng mahabang lubid ang Bibliya ko. Pagkatapos, inakay ako ng mga pulis papunta sa viewing platform sa labas na 192 metro ang taas. Napakalamig ng hihip ng hangin sa tower. Ang lalaking gustong tumalon ay nakaupo di-kalayuan sa akin, sa makitid na tuntungan at nakalawit ang mga paa.
“Isinigaw ko sa kaniya na Saksi ni Jehova ako at gusto ko siyang tulungan. Pagkatapos, tahimik akong nanalangin at saka ko binuksan ang Bibliya at kinausap siya.
“Sinabi ko ang tungkol sa kabanalan ng buhay, isang paksang ipinahayag ko kamakailan sa Kingdom Hall namin.
“‘Mahalaga ka sa Diyos,’ ang sabi ko, ‘at binigyan ka niya ng isang napakagandang regalo—ang buhay mo. Ipakita mo sa kaniya na pinahahalagahan mo ang regalong iyan. Halika, dito ka sa safety fence.’
“Nagbasa rin ako ng ilang teksto sa Bibliya, kasali na ang Juan 3:16: ‘Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.’
“‘Kaya mahal ka ng Diyos at gusto niyang mabuhay ka,’ ang sabi ko sa kaniya.
“Noong una, parang hindi naman nakikinig ang lalaki. Kaya tahimik akong nanalangin kay Jehova na sana’y makumbinsi ko siya. Mayamaya, dahan-dahan siyang tumayo palapit sa akin. Balisang-balisa siya.
“‘Kailan lang, may mga Saksi ni Jehova na pumunta sa amin, pero pinaalis ko sila,’ ang sabi niya. ‘Sising-sisi ako sa ginawa ko. Sana, mapatawad mo ako.’
“‘Alam mo, ganiyan din ang ginawa ng ilan sa amin bago kami naging Saksi,’ ang sabi ko. ‘Tiyak na patatawarin ka ni Jehova.’
“‘Salamat,’ ang sagot niya, ‘matatahimik na ang isip ko.’
“‘Alam mo, nag-aalala ako sa iyo,’ ang sabi ko. ‘Ako, may harness, pero ikaw, isang pagkakamali mo lang, maaaring mawala ang iyong napakahalagang buhay. Tiyak na malulungkot si Jehova. Kaya nakikiusap ako sa iyo, halika na rito sa safety fence.’
“Kitang-kita ko ang pagbabago sa kaniya. ‘Sige,’ ang mahinahon niyang sagot. ‘Papasok na ’ko.’
“Tumuntong siya sa viewing platform, at mabilis siyang inalalayan ng mga pulis. Mga isang oras din kaming nag-usap.”
Talagang may malasakit ang mga Saksi ni Jehova sa mga tao, lalo na sa mga nababalisa. Sa buong daigdig, ginagamit nila ang Kasulatan para magbigay ng pag-asa at kaaliwan, na tinitiyak sa mga tao na talagang nagmamalasakit ang Diyos.