Pumunta sa nilalaman

Pagtulong sa mga Refugee sa Central Europe

Pagtulong sa mga Refugee sa Central Europe

Sa nagdaang mga taon, maraming refugee mula sa Aprika, Gitnang Silangan, at Timog Asia ang dumagsa sa Europa. Para matulungan sila, sinisikap ng mga ahensiya ng estado at lokal na mga boluntaryo na mapaglaanan sila ng pagkain, tahanan, at medikal na atensiyon.

Gayunman, higit pa sa pisikal na tulong ang kailangan ng mga refugee. Marami sa kanila ang na-trauma, kaya kailangan din silang mabigyan ng kaaliwan at pag-asa. Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova sa central Europe na ilaan ang mga pangangailangang iyon sa pamamagitan ng pakikinig sa mga refugee at pagsasabi sa kanila ng nakaaaliw na mensahe ng Bibliya.

Nakaaaliw na Mensahe ng Bibliya

Mula noong Agosto 2015, puspusan ang pagsisikap ng mga Saksi mula sa mahigit 300 kongregasyon sa Austria at Germany para mabigyan ng kaaliwan ang mga refugee.Napansin nila na nag-e-enjoy ang mga refugee na makipag-usap tungkol sa sagot ng Bibliya sa mga tanong na ito:

Sa pagitan ng Agosto at Oktubre 2015, nag-request ang lokal na mga Saksi ng mahigit apat na toneladang literatura sa Bibliya mula sa tanggapang pansangay sa Central Europe at inialok nila nang walang bayad ang mga literatura.

Solusyon sa Problema sa Wika

Marami sa mga refugee ang hindi nakapagsasalita ng ibang wika. Kaya naman ginagamit ng mga Saksi ang jw.org website, na nagtatampok ng mga artikulo at video sa daan-daang wika. “Kung minsan, nag-uusap kami sa pamamagitan ng mga senyas, picture, o drawing,” ang sabi nina Matthias at Petra, na nagboluntaryo sa Erfurt, Germany. Ginagamit din nila ang JW Language, isang app na nagtuturo ng wika at nakakatulong sa mga Saksi sa pagbabahagi ng mensahe ng Bibliya sa sariling wika ng mga refugee. Ginagamit naman ng iba ang JW Library app na may iba’t ibang wika sa pagbabasa ng mga kasulatan at pagpapanood ng mga video.

Gustong-gusto ng Marami

“Dinadagsa kami ng maraming tao,” ang kuwento ng isang mag-asawang Saksi mula sa Schweinfurt, Germany. “Sa loob lang ng dalawang oras at kalahati, 360 piraso ng literatura ang naipamahagi namin sa mga refugee. Ang ilan sa kanila ay bahagyang nagyuyukod ng kanilang ulo sa amin tanda ng pasasalamat.” “Natutuwa ang mga refugee na may nagmamalasakit sa kanila,” ang sabi ni Wolfgang, isang boluntaryo mula sa Diez, Germany. “Kung minsan humihingi sila ng literatura sa lima o anim na wika.”

Binabasa agad ng marami ang natanggap nilang publikasyon; ang iba naman ay bumabalik para pasalamatan ang mga Saksi. “Dalawang kabataang lalaki ang kumuha ng ilang literatura,” ang kuwento ni Ilonca, isang Saksi na taga-Berlin, Germany. “Pagkaraan ng kalahating oras, bumalik sila may dalang tinapay. Sorry daw kasi iyon lang ang maibibigay nila para ipakitang nagpapasalamat sila.”

“Salamat! Maraming Salamat!”

Pinahahalagahan ng mga social worker, opisyal, at mga kapitbahay ang pagboboluntaryo ng mga Saksi. “Salamat!” ang sabi ng isang social worker na nag-aasikaso sa mga 300 refugee. “Maraming salamat sa pagmamalasakit sa kapakanan ng mga nanggaling sa ibang bansa!” Isa pang social worker sa isang refugee camp ang nagsabi sa mga Saksi na malaking tulong ang pagbibigay sa mga refugee ng makabuluhang babasahin sa kanilang sariling wika, “dahil wala silang napagkakaabalahan ngayon kundi kumain lang nang tatlong beses sa maghapon.”

Ipinaliwanag nina Marion at Stefan, mag-asawang taga-Austria, sa dalawang nagpapatrulyang pulis na napadaan ang layunin ng kanilang pagboboluntaryo. Pinasalamatan sila ng mga ito at humingi ng dalawang aklat. Sinabi ni Marion: “Paulit-ulit kaming kinomendahan ng mga pulis dahil sa ginagawa namin.”

Isang babaeng taga-Austria ang regular na nagdo-donate ng mga bagay-bagay sa isang kampo at lagi niyang napapansin na anuman ang lagay ng panahon, handang tumulong ang mga Saksi sa mga refugee. Minsan sinabi niya sa kanila: “Talagang kailangan ng mga refugee ang materyal na tulong. Pero higit sa lahat, ang kailangan nila ay pag-asa. At iyan mismo ang ibinibigay ninyo.”