Ang Aklat na Mga Kuwento sa Bibliya, Ginagamit sa Paaralan
Ang librong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya sa wikang Pangasinan, na inilabas noong 2012, ay nakatutulong ngayon sa mga mag-aaral sa Pilipinas na nagsasalita ng wikang iyon. Tamang-tama ang publikasyong ito sa direktiba ng Kagawaran ng Edukasyon sa Pilipinas na gamitin ang sariling wika ng mga bata sa pagtuturo sa mga paaralang elementarya.
Mahigit 100 wika ang ginagamit sa Pilipinas, at matagal nang pinagdedebatehan kung anong wika ang gagamitin sa mga paaralan. Noong 2012, kinilala ng isang utos mula sa Kagawaran ng Edukasyon na dahil sa “paggamit ng wikang sinasalita sa tahanan,” “mas madali at mabilis matuto ang mga bata.” Kaya naman ipinatupad ang programang “Mother Tongue-Based Multi-Lingual Education.”
Ang Pangasinan ay isa sa mga napiling wika. Pero may problema. Ayon sa isang ulat, inamin ng isang prinsipal na kakaunti lang ang mga babasahin sa wikang Pangasinan. Kaya tamang-tama nang ilabas ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pandistritong kombensiyon noong Nobyembre 2012 ang librong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya sa wikang Pangasinan.
Mga 10,000 kopya ang inilathala para maipamahagi sa mga kombensiyon doon. Ang mga bata at mga magulang nila ay tuwang-tuwang magkaroon ng aklat sa kanilang sariling wika. Isang mag-asawa ang nagsabi: “Gustong-gusto ito ng mga anak namin kasi talagang naiintindihan nila.”
Pagkatapos ng kombensiyon, ilang Saksi ang nagdala ng mga aklat na Mga Kuwento sa Bibliya sa isang paaralan sa Dagupan City. Tuwang-tuwa ang mga guro doon; nahihirapan kasi silang makakita ng mga aklat sa wikang Pangasinan. Mahigit 340 aklat ang naipamahagi. Kaagad ginamit ng mga guro ang aklat para turuan ang mga bata na magbasa sa sarili nilang wika.
Natutuwa ang mga Saksi ni Jehova na ang aklat na ito ay nakatutulong sa pag-aaral ng mga bata. Isa sa mga tumulong sa pagsasalin ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya ang nagsabi: “Matagal na kaming naniniwala na para maabot ang puso ng mga tao, mahalagang magkaroon ng mga publikasyon sa sarili nilang wika. Iyan ang dahilan kung bakit sinisikap ng mga Saksi na maisalin ang Bibliya at mga literatura sa Bibliya sa daan-daang wika.”