Tumulong ang mga Saksi sa Kanilang Kapuwa sa Italy
Dahil sa malakas na pag-ulan sa hilagang Italy noong pagtatapos ng Nobyembre 2016, ang ilang nayon sa timog ng bayan ng Moncalieri ay binaha. Lampas ng kalahating metro ang taas ng tubig. “Walang pinaligtas ang tubig,” iniulat ng isang pahayagan. Mga 1,500 residente ang agad na nailikas ng lokal na mga awtoridad, at salamat sa maagap na mga rescue team, walang namatay. Gayunman, maraming pamilya ang nawalan ng ari-arian.
Sama-samang Pagtutulungan
Agad na tumulong ang grupo ng lokal na mga Saksi. Tinulungan nila ang mga pamilyang apektado ng baha sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga putik at dumi sa bahay nila. Isinalba rin nila ang mga muwebles at ilang personal na gamit. Sa isang kalsada na hinarangan, isang grupo na may dalang mga kagamitan at mainit na pagkain ang pinayagan ng awtoridad na makadaan para matulungan ang isang nangangailangang pamilya. Tinulungan ng mga boluntaryo ang kanilang kapuwa Saksi at ang iba na hindi nila kapananampalataya.
Halimbawa, ang bodega sa ilalim ng isang paupahang gusali ay lumubog sa baha. Nang maalis na ng rescue service ang tubig, isang malaking grupo ng mga Saksi ang tumulong sa kanilang kapananampalatayang si Antonio para alisin ang mga dumi sa bodega nito. Tinulungan din ng mga boluntaryo ang iba pang mga nakatira sa gusaling iyon. Humanay sila at pinagpasa-pasahan nila ang mga gamit sa bodega, kaya sa loob lang ng ilang oras, nailabas na ang lahat ng gamit sa bodega. Nagpasalamat ang lahat ng nakatira doon sa tulong ng mga Saksi. Isa sa mga iyon si Viviana. Lumapit siya sa asawa ni Antonio, at naluluha niyang sinabi: “Pakisuyo, pasalamatan mo ang mga kapatid mo para sa amin—kahanga-hanga talaga kayo!”
Sa isang nayon na lubhang napinsala ng baha, nakita ng mga residente ang mga Saksi na tumutulong sa mga naapektuhan ng sakuna. Dahil dito, nagboluntaryo ang ilan na tumulong sa mga relief worker, at masaya nilang sinunod ang mga tagubilin ng lider ng grupo.
Pagpapahalaga sa “Napakalaking Tulong”
Sirang-sira ang bahay ng isang lalaki, at lumubog ang garahe niya sa putik. Nagulat siya nang makita niya ang walong Saksi na walang tigil na nagtrabaho sa loob ng apat na oras para alisin ang putik. Bilang pasasalamat, niyakap niya ang ilan sa tumulong, at nag-post siya ng isang mensahe sa social media tungkol sa “napakalaking tulong” nila.
Sinabi ng isang Saksi: “Marami kaming tinulungang kapitbahay na mga di-Saksi, at marami sa kanila ang nasa 80 anyos na. Naluluha ang ilan sa kanila habang nagpapasalamat sa amin.” Isang kapitbahay nila na debotong Katoliko ang labis na nagpasalamat sa mga Saksi, at idinagdag pa niya: “Nakakatuwang makita na kahit na magkaiba ang ating mga paniniwala, tinulungan natin ang isa’t isa.” Sinabi pa ng isang lalaki: “Nalulungkot akong kilalá lang kayo sa pagbabahay-bahay tuwing Linggo ng umaga at hindi sa tulong na nagagawa ninyo.”