Pumunta sa nilalaman

Bakit Hindi Nagdiriwang ng Easter ang mga Saksi ni Jehova?

Bakit Hindi Nagdiriwang ng Easter ang mga Saksi ni Jehova?

Mga maling akala

Maling akala: Hindi Kristiyano ang mga Saksi ni Jehova kaya hindi sila nagdiriwang ng Easter.

 Ang totoo: Naniniwala kaming si Jesu-Kristo ang ating Tagapagligtas, at sinisikap naming ‘maingat na sundan ang kaniyang mga yapak.’—1 Pedro 2:21; Lucas 2:11.

Maling akala: Hindi kayo naniniwalang binuhay-muli si Jesus.

 Ang totoo: Naniniwala kami sa pagkabuhay-muli ni Jesus; alam naming isa ito sa pinakamahahalagang turo ng Kristiyanismo at kasama ito sa aming ipinangangaral.—1 Corinto 15:3, 4, 12-15.

Maling akala: Pinagkakaitan ninyo ng kasiyahan ang mga anak ninyo dahil hindi kayo nagdiriwang ng Easter.

 Ang totoo: Mahal namin ang aming mga anak. Ginagawa namin ang lahat para sanayin sila at tulungan silang maging masaya.—Tito 2:4.

Bakit hindi nagdiriwang ng Easter ang mga Saksi ni Jehova?

  •   Hindi batay sa Bibliya ang pagdiriwang ng Easter.

  •   Inutusan tayo ni Jesus na alalahanin ang kamatayan niya, hindi ang kaniyang pagkabuhay-muli. Taun-taon, inaalala namin ang kamatayan niya sa eksaktong petsa nito ayon sa kalendaryong lunar ng Bibliya.—Lucas 22:19, 20.

  •   Naniniwala kaming hindi katanggap-tanggap sa Diyos ang Easter dahil nag-ugat ito sa sinaunang mga ritwal sa pag-aanak. Humihiling ang Diyos ng “bukod-tanging debosyon,” at nasasaktan siya kapag sinasamba siya ng mga tao sa paraang hindi niya sinasang-ayunan.—Exodo 20:5; 1 Hari 18:21.

 Naniniwala kami na ang desisyon naming huwag magdiwang ng Easter ay batay sa Bibliya. Hinihimok tayo nito na gumamit ng “praktikal na karunungan” at “kakayahang mag-isip” sa halip na basta na lang sumunod sa tradisyon. (Kawikaan 3:21; Mateo 15:3) Ibinabahagi namin sa iba ang paniniwala namin tungkol sa Easter kapag tinanong kami, pero iginagalang namin ang karapatan ng bawat isa na magdesisyon para sa sarili niya.—1 Pedro 3:15.