Binabago ba ng mga Saksi ni Jehova ang Bibliya Para Umayon sa mga Paniniwala Nila?
Hindi. Ang totoo, kapag natuklasan naming hindi lubusang kaayon ng Bibliya ang aming mga paniniwala, binabago namin ang mga ito.
Bago pa namin gawin ang New World Translation of the Holy Scriptures noong 1950, sinusuri na namin ang Bibliya. Ginamit namin ang anumang makukuhang salin, at saka bumuo ng aming mga paniniwala ayon dito. Pansinin ang ilang halimbawa na matagal nang pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehova, at tingnan kung kapareho ito ng totoong itinuturo ng Bibliya.
Ang paniniwala namin: Ang Diyos ay hindi isang Trinidad. Ganito ang sinabi ng Zion’s Watch Tower, isyu ng Hulyo 1882: “Batid ng aming mga mambabasa na samantalang kami’y naniniwala kay Jehova at kay Jesus, at sa banal na Espiritu, aming tinatanggihan bilang lubusang di-makakasulatan, ang turo na ang mga ito ay tatlong Diyos sa iisang persona, o gaya ng pagkasabi ng iba, iisang Diyos sa tatlong persona.”
Ang sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova na ating Diyos ay isang Jehova.” (Deuteronomio 6:4, The Holy Bible, ni Robert Young) “May isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo’y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo’y sa pamamagitan niya.” (1 Corinto 8:6, Ang Biblia) Si Jesus mismo ang nagsabi: “Ang Ama ay higit na dakila kaysa akin.”—Juan 14:28, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Ang paniniwala namin: Hindi totoo ang walang-hanggang pagpapahirap sa maapoy na impiyerno. Sa pagsipi sa Roma 6:23 sa King James Version, pinamagatan ang isyu ng Hunyo 1882 ng Zion’s Watch Tower ng “Ang Kabayaran ng Kasalanan ay Kamatayan.” Binanggit nito: “Maliwanag at simple ang pangungusap na ito. Kaya kakatwa na napakaraming nagsasabi na naniniwala silang Salita ng Diyos ang Bibliya, pero patuloy namang kinokontra ang malinaw na pangungusap na ito, at iginigiit na naniniwala sila, at na itinuturo ng Bibliya, na ang kabayaran ng kasalanan ay walang-hanggang pagpapahirap.”
Ang sinasabi ng Bibliya: “Ang kaluluwa na nagkakasala, ito ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4, 20, King James Version) Ang panghuling parusa sa mga masuwayin sa Diyos ay, hindi walang-hanggang pagpapahirap, kundi “walang-hanggang pagkapuksa.”—2 Tesalonica 1:9, King James Version.
Ang paniniwala namin: Ang Kaharian ng Diyos ay hindi lang basta nasa puso ng tao, kundi isang tunay na gobyerno. Ganito ang sinabi ng Zion’s Watch Tower, isyu ng Disyembre 1881, tungkol sa Kaharian ng Diyos: “Ang pagtatatag ng kahariang ito, sabihin pa, ay mangangailangan ng pagbagsak ng lahat ng kaharian sa lupa.”
Ang sinasabi ng Bibliya: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ay maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man, o ang kapangyarihan man niyao’y iiwan sa ibang bayan; kundi pagpuputol-putulin at lilipulin niya ang lahat na kahariang ito, at yao’y lalagi magpakailan man.”—Daniel 2:44, Ang Biblia.
Ang Bagong Sanlibutang Salin lang ba ang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova para suportahan ang mga paniniwala nila?
Hindi, dahil gumagamit pa rin kami ng maraming salin ng Bibliya sa aming pangangaral. Sa katunayan, kahit nagbibigay kami ng kopya ng Bagong Sanlibutang Salin bilang bahagi ng aming libreng programa sa pag-aaral ng Bibliya, masaya din kaming tumutulong sa mga nais mag-aral ng Bibliya gamit ang anumang salin na gusto nila.