Bakit Hindi Nagdiriwang ng Birthday ang mga Saksi ni Jehova?
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagdiriwang ng birthday dahil naniniwala kami na hindi nalulugod ang Diyos sa gayong pagdiriwang. Bagaman hindi tuwirang ipinagbabawal ng Bibliya ang pagdiriwang ng birthday, tinutulungan tayo nitong maunawaan ang ilang katotohanan tungkol sa pagdiriwang na ito at kung ano ang tingin ng Diyos dito. Isaalang-alang ang apat sa mga katotohanang ito at ang kaugnay na mga simulain sa Bibliya.
Ang pagdiriwang ng birthday ay may paganong pinagmulan. Ayon sa Funk & Wagnalls Standard Dictionary of Folklore, Mythology, and Legend, ang selebrasyong ito ay nagmula sa paniniwala na sa birthday ng isa, “maaaring salakayin ng masasamang espiritu at impluwensiya ang may kaarawan” at na “ang pagkanaroroon ng mga kaibigan at ang mga pagbati ay tumutulong para protektahan ang may kaarawan.” Sinasabi naman ng aklat na The Lore of Birthdays na noong sinaunang panahon, ang mga rekord ng birthday ay “kailangan sa paggawa ng horoscope” na batay sa “mistikong siyensiya ng astrolohiya.” Sinasabi pa ng aklat na ito na “ang mga kandila sa birthday, ayon sa alamat, ay may pantanging mahika [o, madyik] para maibigay ang mga kahilingan.”
Gayunman, hinahatulan ng Bibliya ang mahika, panghuhula, espiritismo, o “anumang tulad nito.” (Deuteronomio 18:14; Galacia 5:19-21) Sa katunayan, ang isang dahilan kung bakit hinatulan ng Diyos ang sinaunang lunsod ng Babilonya ay dahil sa ang mga nakatira dito ay nagsasagawa ng astrolohiya, na isang anyo ng panghuhula. (Isaias 47:11-15) Hindi gaanong pinagtutuunan ng pansin ng mga Saksi ni Jehova ang pinagmulan ng bawat kaugalian; pero kapag ang Kasulatan ay nagbibigay ng malinaw na patnubay, hindi namin ito ipinagwawalang-bahala.
Ang unang mga Kristiyano ay hindi nagdiwang ng birthday. Ayon sa The World Book Encyclopedia, “itinuturing nila na kaugaliang pagano ang selebrasyon ng kapanganakan ng sinuman.” Ipinakikita ng Bibliya na ang mga apostol at ang iba pa na tinuruan mismo ni Jesus ay nag-iwan ng huwaran na dapat sundin ng lahat ng Kristiyano.—2 Tesalonica 3:6.
Ang tanging selebrasyon na iniutos na alalahanin ng mga Kristiyano ay hindi ang kapanganakan, kundi ang kamatayan ni Jesus. (Lucas 22:17-20) Hindi ito dapat ipagtaka, sapagkat sinasabi ng Bibliya na “mas mabuti ... ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan.” (Eclesiastes 7:1) Sa wakas ng kaniyang buhay sa lupa, si Jesus ay nakagawa ng mabuting pangalan sa Diyos, kaya ang araw ng kaniyang kamatayan ay mas mahalaga kaysa sa araw ng kaniyang kapanganakan.—Hebreo 1:4.
Walang binabanggit ang Bibliya na nagdiwang ng birthday ang mga lingkod ng Diyos. Hindi ito nakaligtaan lang iulat, dahil may binabanggit sa Bibliya na dalawang pagdiriwang ng birthday na ginawa ng mga hindi lingkod ng Diyos. Pero parehong hindi maganda ang nangyari sa dalawang selebrasyong iyon.—Genesis 40:20-22; Marcos 6:21-29.
Nadarama ba ng mga anak ng Saksi na pinagkakaitan sila dahil hindi sila nagdiriwang ng birthday?
Gaya ng lahat ng maibiging magulang, ipinakikita ng mga Saksi ang pagmamahal nila sa kanilang mga anak sa lahat ng panahon, kasama na ang pagbibigay sa kanila ng regalo at pagkakaroon ng masayang salusalo. Sinisikap nilang tularan ang sakdal na halimbawa ng Diyos, na kusang nagbibigay ng mabubuting bagay sa kaniyang mga anak. (Mateo 7:11) Hindi nadarama ng mga anak ng Saksi na pinagkakaitan sila, tulad ng ipinakikita ng kanilang mga sinabi:
“Mas masayang makatanggap ng regalo kapag hindi mo ito inaasahan.”—Tammy, 12.
“Kahit wala akong natatanggap na regalo sa birthday ko, nireregaluhan pa rin naman ako ng mga magulang ko sa ibang okasyon. Mas gusto ko ’yon kasi nasosorpresa ako.”—Gregory, 11.
“Matatawag na bang party ang 10 minuto, ilang cupcake, at isang kanta? Pumunta kayo sa amin at nang makita n’yo kung ano talaga ang tunay na party!”—Eric, 6.