Bakit Hindi Sumasali ang mga Saksi ni Jehova sa mga Seremonyang Makabayan?
Nirerespeto ng mga Saksi ni Jehova ang mga gobyerno at mga simbolong kumakatawan sa mga bansa. Iginagalang namin ang desisyon ng iba na manumpa ng katapatan sa bansa, sumaludo sa watawat, o kumanta ng pambansang awit.
Pero hindi sumasali sa ganitong mga seremonya ang mga Saksi ni Jehova kasi naniniwala kami na salungat ang mga ito sa itinuturo ng Bibliya. Inaasahan namin na irerespeto ng iba ang mga paniniwala namin kung paanong nirerespeto namin ang paniniwala ng iba.
Sa artikulong ito
Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol dito?
Ito ang dalawang turo ng Bibliya kung bakit ganito ang desisyon namin:
Diyos lang ang dapat naming sambahin. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.” (Lucas 4:8) Madalas, ang mga panunumpa ng katapatan at mga pambansang awit ay mga pananalitang nangangako na susuportahan at uunahin ng isa ang bansa niya kaysa sa anupamang bagay. Kaya para sa mga Saksi ni Jehova, mali na sumali sa mga seremonyang ito.
Ganiyan din ang tingin ng mga Saksi ni Jehova sa pagsaludo sa watawat. Isa itong pagsamba, o idolatriya na ipinagbabawal ng Bibliya. (1 Corinto 10:14) Kinikilala ng ilang historian na ang watawat ng mga bansa ay maituturing na simbolo ng relihiyon. “Ang pinakapangunahing sagisag ng pananampalataya at ang pinakapangunahing bagay na sinasamba sa nasyonalismo ay ang bandila [o watawat],” ang isinulat ng historian na si Carlton J. H. Hayes. a Tungkol sa mga Kristiyano noon, isinulat ng awtor na si Daniel P. Mannix: “Ang mga Kristiyano ay tumangging . . . maghain sa espiritung tagapagbantay ng [Romanong] emperador—halos katumbas sa ngayon ng pagtangging sumaludo sa watawat.” b
Totoo, hindi sumasaludo ang mga Saksi ni Jehova sa watawat, pero iginagalang namin ito. Hindi namin ito sinusulatan, sinusunog, o ginagawan ng anumang bagay na nagpapakita ng kawalang-galang dito o sa kahit anong simbolo ng bansa.
Pantay-pantay ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos. (Gawa 10:34, 35) Sinasabi ng Bibliya na “mula sa isang tao, ginawa [ng Diyos] ang lahat ng bansa.” (Gawa 17:26) Dahil dito, naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na maling ituring na nakahihigit ang isang etnikong grupo o lahi kaysa sa iba. Nirerespeto namin ang lahat ng tao, anuman ang pinagmulan nila o saanman sila nakatira.—1 Pedro 2:17.
Paano kung may batas na kailangang sumali dito?
Hindi nilalabanan ng mga Saksi ni Jehova ang mga gobyerno. Naniniwala kaming bahagi ng “kaayusan ng Diyos” ang mga gobyerno at pinayagan niya silang mamahala. (Roma 13:1-7) Naniniwala din kaming dapat sumunod ang mga Kristiyano sa mga awtoridad.—Lucas 20:25.
Paano kung inuutusan ka ng gobyerno na gawin ang isang bagay na ayaw ng Diyos? Sa ilang sitwasyon, puwedeng legal na hilingin sa gobyerno na i-adjust ang mga batas. c Kung hindi ito posible, pinipili ng mga Saksi ni Jehova na “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29.
May ipinaglalaban ba ang mga Saksi ni Jehova pagdating sa mga usaping panlipunan o politika?
Wala. Walang kinakampihan ang mga Saksi ni Jehova pagdating sa mga usaping panlipunan at politika. Kapag tumatanggi kaming manumpa ng katapatan, sumaludo sa watawat, o kumanta ng pambansang awit, hindi iyon dahil laban kami sa politika o mga aktibista kami. Sinusunod lang namin ang mga paniniwala naming batay sa Bibliya pagdating sa mga seremonyang ito.
a Essays on Nationalism, pahina 107-108.
b The Way of the Gladiator, pahina 212.
c Halimbawa, tingnan ang artikulong “A Stand of Courage and Conscience Established Supreme Court Precedent 75 Years Ago.”