Ilan ang Saksi ni Jehova sa Buong Mundo?
Paano ninyo binibilang ang mga Saksi ni Jehova?
Ang mga nangangaral lang ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos sa bawat buwan ang binibilang naming mga Saksi ni Jehova. (Mateo 24:14) Kasama rito ang mga bautisadong Saksi at ang mga kuwalipikado nang mangaral kahit hindi pa bautisado.
Kailangan bang magbigay ng donasyon para masama sa bilang ng mga Saksi?
Hindi. Hindi kailangan ang donasyon para maibilang na Saksi ang isa o mabigyan ng anumang atas o pribilehiyo sa organisasyon. (Gawa 8:18-20) Sa katunayan, karamihan sa mga nagbibigay ng donasyon ay hindi nagpapakilala. Bawat Saksi ay nagbibigay ng kaniyang panahon, lakas, at pera para sa aming pambuong-daigdig na gawain, depende sa kaniyang kalagayan at kakayahan.—2 Corinto 9:7.
Paano ninyo nalalaman kung ilan ang aktibong nangangaral?
Bawat buwan, nagrereport ang mga Saksi ng ginawa nilang pangangaral sa lokal na kongregasyon. Ang report na ito ay ginagawa nang kusang loob.
Pinagsasama-sama ang mga report ng buong kongregasyon, at ang natuos na mga total ay ipinadadala sa lokal na tanggapang pansangay. Ipinadadala naman ng sangay ang mga total sa mga report ng bawat bansa o teritoryo sa aming pandaigdig na punong tanggapan.
Sa dulo ng bawat taon ng paglilingkod, a nalalaman ang pinakamataas na bilang ng mga Saksi sa loob ng taóng iyon. Pinagsasama-sama ang mga bilang na ito para malaman ang bilang ng mga Saksi sa buong daigdig. Ang detalyadong report ng bawat bansa ay makikita sa seksiyong “Buong Daigdig“ sa ating website. Napapatibay kami ng mga report na ito, kung paanong napatibay din ng gayong mga ulat ang unang mga Kristiyano.—Gawa 2:41; 4:4; 15:3.
Kasama ba sa bilang ang mga nakikisama sa organisasyon ninyo na hindi nangangaral?
Kahit na hindi namin isinasama sa bilang ng mga Saksi ang gayong mga indibidwal, tinatanggap namin sila sa aming mga kongregasyon. Karamihan sa kanila ay dumadalo sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo, kaya ang bilang nila ay nalalaman kapag ibinawas ang aktuwal na bilang ng mga Saksi sa kabuoang bilang ng dumalo sa pagtitipong iyon. Noong 2023, ang dumalo sa Memoryal ay 20,461,767.
Marami sa mga hindi dumadalo sa aming mga pagtitipon ay nakikinabang sa aming libreng programa ng pag-aaral sa Bibliya. Noong 2023, ang average ng pag-aaral sa Bibliya bawat buwan ay 7,281,212. Ang ilan dito ay may dalawa o higit pang indibidwal bawat sesyon.
Bakit mas marami ang bilang ng mga Saksi sa sensus ng gobyerno kaysa sa sinasabi ninyong bilang ninyo?
Ang kawanihan ng sensus ng gobyerno ay karaniwan nang nagtatanong sa mga tao kung ano ang relihiyon nila. Halimbawa, sinabi ng U.S. Census Bureau na ang layunin ng surbey nila ay “alamin kung itinuturing ng mga tinanong nila ang sarili nila na miyembro ng isang relihiyon,” at sinabi pang ang bilang na nakukuha nila ay depende sa personal na opinyon ng tinanong nila, hindi sa kung ano ang totoo. Sa kabaligtaran, ang mga nangangaral lang sa iba at nagrereport ng kanilang paglilingkod ang isinasama namin sa bilang ng mga Saksi ni Jehova, hindi ang mga nagsasabing Saksi sila.
a Ang taon ng paglilingkod ay nagsisimula ng Setyembre 1 hanggang Agosto 31 ng kasunod na taon sa kalendaryo. Halimbawa, ang 2015 taon ng paglilingkod ay mula Setyembre 1, 2014, hanggang Agosto 31, 2015.