Pumunta sa nilalaman

Bakit Hindi Ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang Ilang Kapistahan?

Bakit Hindi Ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang Ilang Kapistahan?

 Paano nalalaman ng mga Saksi ni Jehova kung puwedeng ipagdiwang ang isang kapistahan?

 Bago magpasiya ang mga Saksi ni Jehova kung ipagdiriwang nila ang isang partikular na kapistahan, kinokonsulta muna nila ang Bibliya. May ilang kapistahan at selebrasyon kasi na labag sa mga simulain sa Bibliya. At hindi nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa ganiyang mga kapistahan. Kung tungkol naman sa iba pang selebrasyon, ang bawat Saksi ang magpapasiya sa sarili niya at sisikapin niyang “magkaroon ng malinis na konsensiya sa harap ng Diyos at mga tao.”—Gawa 24:16.

 Ang sumusunod ay ang ilan sa mga tanong na pinag-iisipan ng mga Saksi ni Jehova kapag nagpapasiya sila kung puwede bang ipagdiwang ang isang kapistahan. a

  •   Ang kapistahan ba ay batay sa turong labag sa mga simulain sa Bibliya?

     Simulain sa Bibliya: “‘Umalis kayo sa gitna ng mga ito, at humiwalay kayo,’ ang sabi ni Jehova, ‘at huwag na kayong humipo ng maruming bagay.’”—2 Corinto 6:15-17.

     Para lubusang maging hiwalay mula sa mga turong marumi sa espirituwal, o hindi kaayon ng sinasabi ng Bibliya, hindi ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang sumusunod na kapistahan:

     Kapistahang may kaugnayan sa paniniwala o pagsamba sa ibang mga diyos. Sinabi ni Jesus: “Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.” (Mateo 4:10) Para masunod ito, hindi nagdiriwang ang mga Saksi ni Jehova ng Pasko, Easter, o May Day dahil ang mga kapistahang ito ay may kaugnayan sa pagsamba sa ibang mga diyos, at hindi kay Jehova. Hindi rin nila ipinagdiriwang ang sumusunod:

    •  Kwanzaa. Ang pangalang Kwanzaa ay “galing sa mga salitang Swahili na matunda ya kwanza, na ang ibig sabihin ay ‘mga unang bunga’ at nagpapakitang ang kapistahan ay nagsimula sa unang pagdiriwang ng pag-aani na iniulat sa kasaysayan ng Aprika.” (Encyclopedia of Black Studies) Iniisip ng ilan na hindi isang relihiyosong selebrasyon ang Kwanzaa, pero inihalintulad ito ng Encyclopedia of African Religion sa isang kapistahan sa Aprika. Sa kapistahang iyon, ang mga unang bunga “ay inihahandog sa mga diyos at mga ninuno bilang pasasalamat sa kanila.” Sinasabi pa rito: “Ang ganitong pagpapasalamat at pagpapahalaga sa mga pagpapala sa buhay na galing sa mga ninuno ay kitang-kita rin sa African American holiday na Kwanzaa.”

      Kwanzaa

    •  Mid-Autumn Festival. Ito ay isang “kapistahan para parangalan ang diyosa ng buwan.” (Holidays, Festivals, and Celebrations of the World Dictionary) Sa kapistahang ito, may ginagawang isang ritwal kung saan “yumuyukod ang mga babae ng sambahayan . . . sa harap ng diyosa.”—Religions of the World—A Comprehensive Encyclopedia of Beliefs and Practices.

    •  Nauruz (Nowruz). “Ang kapistahang ito ay nagmula sa relihiyong Zoroastrianismo at isa sa pinakabanal na araw sa sinaunang kalendaryo ng mga Zoroastriano. . . . Ang Espiritu ng Tanghali, na kilala bilang [Rapithwin], ay pinaniniwalaang ipinapatapon ng Espiritu ng Taglamig sa kalaliman sa panahon ng malalamig na buwan. Ang pagbabalik nito ay ipinagdiriwang at ginaganap sa tanghali, sa araw ng Nowruz, ayon sa tradisyon ng mga Zoroastriano.”—United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization.

    •  Shab-e Yalda. Ayon sa aklat na Sufism in the Secret History of Persia, ang selebrasyong ito ng winter solstice ay “may kaugnayan sa pagsamba kay Mithra,” ang diyos ng liwanag. Pinaniniwalaan din na ang selebrasyon ay posibleng may kaugnayan sa pagsamba sa mga diyos ng araw ng mga Romano at Griego. b

    •  Thanksgiving. Gaya ng Kwanzaa, ang kapistahang ito ay nagmula sa mga sinaunang kapistahan ng pag-aani na nagpaparangal sa iba’t ibang diyos. Sa paglipas ng panahon, “ang mga sinaunang tradisyong ito ay isinama na sa mga relihiyong Kristiyano.”—A Great and Godly Adventure—The Pilgrims and the Myth of the First Thanksgiving.

     Kapistahang nakabatay sa pamahiin o sa paniniwala sa suwerte. Sinasabi ng Bibliya na ang “mga naghahanda ng pagkain para sa diyos ng Suwerte” ay ‘kasama sa mga umiiwan kay Jehova.’ (Isaias 65:11) Kaya hindi ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang sumusunod na kapistahan:

    •  Ivan Kupala. “Pinaniniwalaan ng marami na tuwing [Ivan Kupala], ang kalikasan ay naglalabas ng mahiwagang kapangyarihan. At kung matapang ka at masuwerte, puwede kang magkaroon ng kapangyarihang iyon,” ang sabi ng aklat na The A to Z of Belarus. Noong una, ang Ivan Kupala ay isang paganong kapistahan para ipagdiwang ang summer solstice. Pero ayon sa Encyclopedia of Contemporary Russian Culture, “isinama ito sa kapistahan ng Simbahan [ang “araw ng santo” na si Juan Bautista] matapos tanggapin ng mga pagano ang Kristiyanismo.”

    •  Lunar New Year (Chinese New Year o Korean New Year). “Sa panahong ito ng taon, walang ibang nasa isip ang mga pamilya, magkakaibigan, at magkakamag-anak kundi ang suwertihin, parangalan ang mga diyos at espiritu, at magkaroon ng magandang kapalaran sa darating na taon.” (Mooncakes and Hungry Ghosts—Festivals of China) Ganiyan din ang Korean New Year; “makikita rito ang pagsamba sa mga ninuno, mga ritwal para paalisin ang mga demonyo at maging suwerte ang Bagong Taon, at panghuhula para malaman kung ano ang hatid ng Bagong Taon.”—Encyclopedia of New Year’s Holidays Worldwide.

      Chinese New Year

     Kapistahang nakabatay sa paniniwalang may imortal na kaluluwa. Hindi itinuturo ng Bibliya na pagkamatay ng isang tao, may kaluluwa o espiritung humihiwalay sa katawan niya at patuloy na nabubuhay. (Awit 146:4; Eclesiastes 9:5, 10) Kaya hindi ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang mga kapistahang nagtuturo na may imortal na kaluluwa, gaya ng sumusunod:

    •  All Souls’ Day (Araw ng mga Patay). Ito ay araw para “alalahanin ang lahat ng namatay,” ang sabi ng New Catholic Encyclopedia. “Sa buong panahon ng Edad Medya, popular na paniniwala na ang mga kaluluwa sa purgatoryo ay puwedeng magpakita sa araw na ito bilang mga multo, mangkukulam, palaka, at iba pa, sa mga taong nakagawa sa kanila ng mali.”

    •  Qingming Festival (Ch’ing Ming) at Hungry Ghost Festival. Ang dalawang kapistahang ito ay para sa pagpaparangal sa mga ninuno. Sinasabi ng aklat na Celebrating Life Customs Around the World—From Baby Showers to Funerals na tuwing Ch’ing Ming, “ang mga pagkain, inumin, at perang papel ay sinusunog para matiyak na hindi magugutom o mauuhaw ang mga patay at na mayroon pa rin silang pera.” Sinasabi rin ng aklat na “sa panahon ng Hungry Ghost Month, lalo na sa kabilugan ng buwan, [naniniwala ang mga nagdiriwang nito na] nagkakaroon ng matinding koneksiyon ang mga patay at mga buhay, kaya mahalagang payapain ang mga namatay at parangalan ang mga ninuno.”

    •  Chuseok. Ayon sa The Korean Tradition of Religion, Society, and Ethics, kasama sa kapistahang ito ang “paghahandog ng pagkain at alak sa kaluluwa ng patay.” Sinusuportahan ng paghahandog ang “paniniwala na patuloy pa ring nabubuhay ang kaluluwa pagkamatay ng katawan.”

     Kapistahang may kaugnayan sa okulto. Sinasabi ng Bibliya na ang sinumang “manghuhula, mahiko, naghahanap ng tanda, mangkukulam, nanggagayuma, kumokonsulta sa espiritista o manghuhula, o nakikipag-usap sa patay” ay “kasuklam-suklam kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Para manatiling hiwalay sa anumang uri ng okultismo—kasama na ang astrolohiya (isang uri ng panghuhula)—hindi ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang Halloween o ang sumusunod na kapistahan:

    •  Sinhala at Tamil New Year. “Kasama sa mga “nakaugaliang ritwal na kaugnay ng kapistahang ito . . . ang pagsasagawa ng ilang partikular na gawain sa mga panahong sinasabi ng mga astrologo na magdadala ng suwerte.”—Encyclopedia of Sri Lanka.

    •  Songkran. Ang pangalan ng kapistahang ito sa Asia “ay nakuha sa salitang Sanskrit . . . na ang ibig sabihin ay ‘pagkilos’ o ‘pagbabago,’ at ipinagdiriwang [ito] kasabay ng pagbabago ng puwesto ng araw papunta sa zodiac constellation na Aries.”—Food, Feasts, and Faith—An Encyclopedia of Food Culture in World Religions.

     Kapistahang may kaugnayan sa pagtupad sa Kautusang Mosaiko, na nagwakas sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesus. Sinasabi ng Bibliya: “Si Kristo ang wakas ng Kautusan.” (Roma 10:4) Hanggang ngayon, nakikinabang pa rin ang mga Kristiyano sa mga simulain sa Kautusang Mosaiko na ibinigay sa sinaunang Israel. Pero hindi na nila ipinagdiriwang ang mga kapistahan nito, lalo na ang mga kapistahan tungkol sa pagdating ng isang Mesiyas; naniniwala ang mga Kristiyano sa ngayon na dumating na ang Mesiyas. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga iyon ay anino lang ng mga bagay na darating, anino ng Kristo.” (Colosas 2:17) Dahil natupad na ang layunin ng mga kapistahang ito at ang mga ito ay hinaluan ng tao ng mga seremonyang labag sa sinasabi ng Bibliya, hindi ito ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova. Ito ang ilang halimbawa:

    •  Hanukkah. Ang kapistahang ito ay pag-alaala sa muling pag-aalay ng templo ng mga Judio sa Jerusalem. Pero sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay naging Mataas na Saserdote ng isang “mas dakila at mas perpektong tolda [o, templo] na hindi gawa ng mga kamay, hindi makikita sa lupa.” (Hebreo 9:11) Para sa mga Kristiyano, pinalitan na ng espirituwal na templong iyon ang pisikal na templo sa Jerusalem.

    •  Rosh Hashanah. Ito ang unang araw ng taon ng mga Judio. Noon, kasama sa kapistahang ito ang pag-aalay ng espesyal na mga handog sa Diyos. (Bilang 29:1-6) Pero bilang ang Mesiyas, ‘pinatigil’ na ni Jesu-Kristo “ang paghahain at ang pag-aalay ng handog na kaloob.”—Daniel 9:26, 27.

  •   Itinataguyod ba ng kapistahang ito ang interfaith?

     Simulain sa Bibliya: “May pagkakapareho ba ang isang mananampalataya at isang di-sumasampalataya? At ano ang kaugnayan ng templo ng Diyos sa mga idolo?”—2 Corinto 6:15-17.

     Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na mamuhay nang payapa kasama ng kapuwa nila at iginagalang nila ang karapatan ng iba na pumili ng gusto nitong paniwalaan, pero iniiwasan nila ang mga selebrasyong nagtataguyod ng interfaith sa sumusunod na paraan:

     Selebrasyong may kaugnayan sa isang religious figure o pagdiriwang na may layuning pagkaisahin ang pagsamba ng mga taong iba-iba ang paniniwala. Nang dalhin ng Diyos ang bayan niya noon sa isang lupain na iba ang relihiyon ng mga tao, sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong makikipagtipan sa kanila o sa mga diyos nila. . . . Kung maglilingkod kayo sa mga diyos nila, tiyak na magiging bitag ito sa inyo.” (Exodo 23:32, 33) Kaya hindi ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang mga selebrasyong iyon, gaya ng sumusunod:

    •  Loy Krathong. Sa kapistahang ito ng mga Thai, “gumagawa ang mga tao ng mga lalagyan na gawa sa dahon, nilalagyan ang mga ito ng kandila at istik na insenso, at pinapalutang ang mga ito sa tubig. Naniniwala silang tinatangay ng mga ito palayo ang malas. Ang totoo, inaalaala sa kapistahang ito ang banal na bakas ng paa ng Buddha.”—Encyclopedia of Buddhism.

    •  National Repentance Day. Ang mga nakikibahagi sa kapistahang ito ay “kumbinsido sa mga pangunahing turo ng Kristiyanismo,” ayon sa isang opisyal ng gobyerno na binanggit sa The National, isang diyaryo sa Papua New Guinea. Sinabi niya na ang araw na ito ay patuloy na “makakatulong sa pagtataguyod ng mga prinsipyo ng Kristiyanismo sa bansa.”

    •  Vesak. “Ito ang pinakabanal na araw para sa mga Budista; ipinagdiriwang dito ang kapanganakan ng Buddha, ang pagkakaroon niya ng kaliwanagan, at ang kaniyang kamatayan, o pagkakamit ng Nirvana.”—Holidays, Festivals, and Celebrations of the World Dictionary.

      Vesak

     Kapistahang nagmula sa mga relihiyosong tradisyon na hindi itinuturo ng Bibliya. Sinabi ni Jesus sa mga relihiyosong lider: “Winawalang-halaga ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.” Sinabi niya rin na walang kabuluhan ang pagsamba nila “dahil mga utos ng tao ang itinuturo nila bilang doktrina.” (Mateo 15:6, 9) Dahil isinasaalang-alang ng mga Saksi ni Jehova ang sinabi ni Jesus, maraming relihiyosong kapistahan ang hindi nila ipinagdiriwang.

    •  Epiphany (Three Kings’ Day, Timkat , o Los Reyes Magos). Inaalaala ng mga nagdiriwang nito ang pagdalaw ng mga astrologo kay Jesus o ang kaniyang bautismo. Sa kapistahang ito, “naging bahagi ng Kristiyanismo ang ilang kapistahan ng tagsibol, na nagpaparangal sa mga diyos ng umaagos na tubig, ilog, at batis.” (The Christmas Encyclopedia) Ang kaugnay nitong kapistahan, ang Timkat, “ay nakabatay sa tradisyon.”—Encyclopedia of Society and Culture in the Ancient World.

    •  Feast of the Assumption of the Virgin Mary. Ipinagdiriwang sa kapistahang ito ang paniniwala na ang ina ni Jesus ay umakyat sa langit na may pisikal na katawan. “Ang paniniwalang ito,” ayon sa Religion and Society—Encyclopedia of Fundamentalism, “ay hindi alam ng mga unang Kristiyano at hindi ito makikita sa Kasulatan.”

    •  Kapistahan ng Immaculada Concepcion. “Ang Immaculada Concepcion ay hindi itinuturo ng Bibliya . . . [Ito] ay turo ng Simbahan.”—New Catholic Encyclopedia.

    •  Kuwaresma. Ayon sa New Catholic Encyclopedia, ang panahong ito ng pagpepenitensiya at pag-aayuno ay naitatag “noong ikaapat na siglo,” mahigit 200 taon matapos makumpleto ang Bibliya. Ganito ang sinasabi ng Encyclopedia tungkol sa unang araw ng Kuwaresma: “Ang paglalagay ng krus sa noo gamit ang abo tuwing Ash Wednesday ay lumaganap mula noong Synod of Benevento, taóng 1091.”

    •  Meskel (o, Maskal). Sa kapistahang ito sa Ethiopia, ipinagdiriwang “ang pagkakita sa Tunay na Krus (ang krus na pinagpakuan kay Kristo) sa pamamagitan ng paggawa ng mga bonfire at pagsasayaw sa palibot nito,” ang sabi ng Encyclopedia of Society and Culture in the Medieval World. Pero ang mga Saksi ni Jehova ay hindi gumagamit ng krus sa kanilang pagsamba.

  •   Pinararangalan ba ng kapistahan ang isang tao, organisasyon, o sagisag ng isang bansa?

     Simulain sa Bibliya: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Sumpain ang sinuman na sa tao lang nagtitiwala, na umaasa sa lakas ng tao, at na ang puso ay tumatalikod kay Jehova.’”—Jeremias 17:5.

     Pinapahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang kapuwa at ipinapanalangin pa nga ang mga ito, pero hindi sila nakikibahagi sa sumusunod na mga kapistahan o selebrasyon:

     Kapistahang nagpaparangal sa isang tagapamahala o importanteng tao. Sinasabi ng Bibliya: “Para sa sarili ninyong kapakanan, huwag na kayong magtiwala sa hamak na tao, na nabubuhay lang dahil sa hininga sa kaniyang ilong. Bakit kayo aasa sa kaniya?” (Isaias 2:22) Kaya hindi ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang birthday ng isang hari o reyna.

     Pagdiriwang para sa bandila ng isang bansa. Hindi ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang Flag Day. Bakit? Dahil sinasabi ng Bibliya: “Mag-ingat kayo sa mga idolo.” (1 Juan 5:21) Hindi itinuturing ng ilan ang bandila bilang isang idolo—isang bagay na sinasamba—pero sumulat ang istoryador na si Carlton J. H. Hayes: “Ang pinakapangunahing sagisag ng pananampalataya at ang pinakapangunahing bagay na sinasamba sa nasyonalismo ay ang bandila.”

     Kapistahan o selebrasyon na nagpaparangal sa isang santo. Ano ang ginawa ni apostol Pedro nang yumukod sa kaniya ang isang lalaking may takot sa Diyos? Sinasabi ng Bibliya: “Itinayo ito ni Pedro at sinabi: ‘Tumayo ka; tao lang din ako.’” (Gawa 10:25, 26) Ayaw ni Pedro at ng iba pang apostol na parangalan sila o sambahin, kaya hindi nakikisali ang mga Saksi ni Jehova sa mga selebrasyong nagpaparangal sa itinuturing na mga santo, gaya ng sumusunod:

    •  All Saints’ Day. “Isang kapistahan na nagpaparangal sa lahat ng santo ... Hindi matiyak kung saan nagmula ang kapistahang ito.”—New Catholic Encyclopedia.

    •  Fiesta of Our Lady of Guadalupe. Pinararangalan ng kapistahang ito “ang patron ng Mexico,” na pinaniniwalaan ng ilan na si Maria, ang ina ni Jesus. Sinasabing makahimala siyang nagpakita sa isang magsasaka noong 1531.—The Greenwood Encyclopedia of Latino Literature.

      Fiesta of Our Lady of Guadalupe

    •  Name Day. “Ang name day ay kapistahan ng isang santo na ipinangalan sa isang bata sa panahon ng binyag o kumpil nito,” ang sabi ng aklat na Celebrating Life Customs Around the World—From Baby Showers to Funerals. Sinabi pa ng aklat na “may kaugnayan sa relihiyon ang araw na ito.”

     Selebrasyon para sa politika o kilusang panlipunan. Sinasabi ng Bibliya: “Mas mabuting manganlong kay Jehova kaysa magtiwala sa tao.” (Awit 118:8, 9) Hindi ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang Youth Day o Women’s Day, na sumusuporta sa mga kampanyang pampolitika at panlipunan, dahil gusto nilang ipakita na nagtitiwala silang Diyos ang lulutas sa mga problema sa mundo at hindi mga tao. Iyan din ang dahilan kung bakit hindi sila sumasali sa Emancipation Day o iba pang katulad na selebrasyon. Sa halip, umaasa silang Kaharian ng Diyos ang lulutas sa diskriminasyon at hindi pagkakapantay-pantay sa mundo.—Roma 2:11; 8:21.

  •   Pinalalabas ba ng kapistahan na nakakataas ang isang bansa o etnikong grupo kaysa sa iba?

     Simulain sa Bibliya: “Hindi nagtatangi ang Diyos, kundi tinatanggap niya ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng tama, saanmang bansa ito nagmula.”—Gawa 10:34, 35.

     Mahal ng maraming Saksi ni Jehova ang kanilang pinagmulan, pero iniiwasan nila ang mga selebrasyong nagpaparangal sa isang partikular na bansa o etnikong grupo sa pamamagitan ng sumusunod na mga selebrasyon:

     Selebrasyong nagpaparangal sa mga sundalo. Sa halip na itaguyod ang digmaan, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya: “Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo.” (Mateo 5:44) Kaya hindi ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang sumusunod:

    •  Anzac Day. “Ang ibig sabihin ng Anzac ay Australian and New Zealand Army Corps,” at “ang Anzac Day ay unti-unting naging araw para alalahanin ang mga napatay sa digmaan.”—Historical Dictionary of Australia.

    •  Veterans Day (Remembrance Day, Remembrance Sunday, o Memorial Day). Ang mga kapistahang ito ay nagpaparangal sa “mga beteranong sundalo at mga napatay sa mga digmaan ng kanilang bansa.”—Encyclopædia Britannica.

     Selebrasyon para sa kasaysayan o kalayaan ng isang bansa. Sinabi ni Jesus tungkol sa mga tagasunod niya: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Gusto ng mga Saksi ni Jehova na malaman ang kasaysayan ng isang bansa, pero hindi sila sumasali sa mga selebrasyong gaya ng sumusunod:

    •  Australia Day. Ayon sa Worldmark Encyclopedia of Cultures and Daily Life, inaalaala sa kapistahang ito “ang araw noong 1788 nang itaas ng mga sundalong Ingles ang kanilang bandila at ideklara ang Australia bilang isang bagong kolonya.”

    •  Guy Fawkes Day. Ito ay “araw ng pagsasaya at pag-alaala ng bansa sa nabigong pagtatangka ni Guy Fawkes at ng iba pang tagasuporta ng Katoliko na patayin si King James I at ang mga miyembro ng pamahalaan ng England noong 1605.”—A Dictionary of English Folklore.

    •  Araw ng Kalayaan. Sa maraming lupain, ito ay “isang natatanging araw kung saan ipinagdiriwang ng mga tao ang anibersaryo ng paglaya ng kanilang bansa mula sa ibang bansa.”—Merriam-Webster’s Unabridged Dictionary.

  •   Itinataguyod ba ng pagdiriwang ang kawalan ng pagpipigil sa sarili o imoral na paggawi?

     Simulain sa Bibliya: “Sapat na ang panahong nagdaan na ginagawa ninyo ang kalooban ng mga bansa—ang paggawi nang may kapangahasan, pagkakaroon ng di-makontrol na pagnanasa, labis na pag-inom ng alak, magulong pagsasaya, pagpapaligsahan sa pag-inom, at kasuklam-suklam na mga idolatriya.”—1 Pedro 4:3.

     Kaayon ng simulaing iyan, iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang mga selebrasyong may magugulong party at paglalasingan. Nag-e-enjoy ang mga Saksi ni Jehova na makasama ang mga kaibigan nila, at may mga pagkakataong umiinom din sila nang katamtaman. Sinisikap nilang sundin ang payo ng Bibliya: “Kumakain man kayo o umiinom o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 Corinto 10:31.

     Pero hindi sumasali ang mga Saksi ni Jehova sa mga carnival o sa mga ganitong klase ng kapistahan dahil kinukunsinti nito ang mahalay na paggawi na hinahatulan ng Bibliya. Isa na rito ang Purim, isang kapistahan ng mga Judio. Matagal nang ipinagdiriwang ang Purim bilang pag-alaala sa pagliligtas sa mga Judio noong ikalimang siglo B.C.E., pero ngayon, “masasabing [ito] ang bersiyon ng mga Judio para sa Mardi Gras o Carnival,” ang sabi ng aklat na Essential Judaism. Gustong-gusto ng mga sumasali rito ang “pagsusuot ng mga kostiyum (karaniwan na, ang mga lalaki ay nagsusuot ng damit na pambabae), kaguluhan, paglalasing, at pag-iingay” na ginagawa sa kapistahang ito.

 Masasabi bang mahal ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pamilya kahit hindi nila ipinagdiriwang ang ilang kapistahan?

 Oo. Itinuturo ng Bibliya na dapat mahalin at igalang ang lahat ng miyembro ng pamilya, anuman ang kanilang relihiyon. (1 Pedro 3:1, 2, 7) Totoo, kapag hindi na nagdiriwang ang isang Saksi ni Jehova ng ilang partikular na selebrasyon, baka magalit o masaktan ang mga kamag-anak niya, o baka pakiramdam pa nga nila ay tinalikuran na niya sila. Kaya pinaparamdam ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga kamag-anak na mahal nila ang mga ito. Magalang din nilang ipinapaliwanag sa mga ito ang desisyon nila at binibisita ang mga ito sa ibang pagkakataon.

 Sinasabihan ba ng mga Saksi ni Jehova ang iba na huwag ipagdiwang ang ilang kapistahan?

 Hindi. Naniniwala sila na ang bawat isa ang dapat gumawa ng desisyon. (Josue 24:15) Binibigyang-dangal ng mga Saksi ni Jehova ang “lahat ng uri ng tao” anuman ang kanilang paniniwala.—1 Pedro 2:17.

a Hindi makikita sa artikulong ito ang lahat ng kapistahan na hindi ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova. Hindi rin binabanggit dito ang lahat ng simulain sa Bibliya na basehan ng pag-iwas sa mga iyon.

b Mithra, Mithraism, Christmas Day & Yalda, ni K. E. Eduljee, pahina 31-33.