Ano ang Nangyayari sa Kasalan ng mga Saksi ni Jehova?
Karaniwang simple at marangal ang kasalan ng mga Saksi ni Jehova, na may maikling pahayag batay sa Bibliya. Pagkatapos ng seremonya, puwede itong sundan ng isang maliit na salusalo o reception. a Dumalo si Jesus sa isang salusalo sa lunsod ng Cana sa simula ng ministeryo niya.—Juan 2:1-11.
Ano ang nangyayari sa seremonya ng kasal?
Ang pinakamahalagang bahagi ng kasalan ay ang pahayag sa kasal, na mga 30 minuto ang haba at ipinapahayag ng isang ministro ng mga Saksi ni Jehova. Idiniriin ng nakakapagpatibay na pahayag kung paano matutulungan ng Bibliya ang mag-asawa na maging matibay, masaya, at may pagmamahalan ang pagsasama nila.—Efeso 5:33.
Sa maraming bansa, pinapahintulutan ng gobyerno na magkasal ang mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Sa dulo ng pahayag, ang ikinakasal ay mananata sa isa’t isa. Puwede rin silang magbigay ng singsing sa isa’t isa. Pagkatapos, sasabihin ng ministrong nagkakasal na sila ay mag-asawa na.
Sa ibang bansa naman, hinihiling ng batas na isang opisyal ng gobyerno ang magkakasal sa magkasintahan. Kaya ikakasal muna sila ng opisyal ng gobyerno bago ang pahayag sa kasal. Kung ang magkasintahan ay hindi nanata sa harap ng opisyal ng gobyerno, puwede nila itong gawin sa dulo ng pahayag. Pero kung nanata na sila, puwede nila itong ulitin kung gusto nila, pero sa anyong panahunang pangnagdaan (past tense) para ipakitang nagawa na nila ito. Pagkatapos ng pahayag, magkakaroon ng panalangin para hilingin ang pagpapala ng Diyos sa bagong kasal.
Saan ginagawa ang mga kasalan ng mga Saksi ni Jehova?
Pinipili ng maraming Saksi na ikasal sila sa Kingdom Hall kung posible. b Kung may salusalong inihanda ang mag-asawa, pumipili sila ng ibang lugar para doon.
Sino ang puwedeng dumalo?
Kung sa Kingdom Hall gagawin ang kasalan, kadalasan nang puwedeng dumalo ang sinuman—Saksi man o hindi. Kung maghahanda ng salusalo ang mag-asawa, sila ang pipili ng gusto nilang imbitahan.
Ano ang dapat isuot ng mga dadalo?
Walang hinihiling na partikular na istilo ng damit kapag dumadalo sa kasalan sa Kingdom Hall, pero sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang payo ng Bibliya na manamit nang mahinhin at kagalang-galang. Papahalagahan nila kung susundin din ito ng iba. (1 Timoteo 2:9) At ganiyan din ang inaasahan sa mga pupunta sa reception, kung mayroon man.
Puwede bang magregalo?
Pinapasigla tayo ng Bibliya na maging bukas-palad. (Awit 37:21) Masaya ang mga Saksi ni Jehova kapag nagbibigay o tumatanggap ng regalo sa kasal. (Lucas 6:38) Pero iniiwasan nilang manghingi ng regalo o sabihin sa publiko ang pangalan ng mga nagregalo. (Mateo 6:3, 4; 2 Corinto 9:7; 1 Pedro 3:8) Hindi ito kaayon ng sinasabi ng Bibliya, at puwede pang mapahiya ang ilang dumalo.
Puwede bang mag-toast sa reception?
Hindi. Hindi nagto-toast ang mga Saksi ni Jehova, dahil ang kaugaliang ito ay nagmula sa huwad na pagsamba. c Sinasabi ng mga Saksi sa bagong kasal na gusto nila na maging masaya ang mga ito, pero hindi nila ito ginagawa sa pamamagitan ng pagto-toast.
Naghahagis ba ng bigas o confetti sa ikinakasal?
Hindi. Sa ilang lugar, ang mga tao ay naghahagis ng bigas, confetti, o iba pang gaya nito sa bagong kasal. Naniniwala sila na magdadala ito ng suwerte, kaligayahan, at mahabang buhay. Pero iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang mga gawaing may kaugnayan sa pamahiin. Kasama rito ang paghiling ng suwerte, na hindi kaayon ng mga prinsipyo sa Bibliya.—Isaias 65:11.
May pagkain at inumin ba?
Walang pagkain o inumin sa seremonya ng kasal sa Kingdom Hall. Pero pinipili ng ilang ikinakasal na magkaroon ng salusalo pagkatapos nito. (Eclesiastes 9:7) Kung ipasiya nilang magkaroon ng alak, sisiguraduhin nila na katamtaman lang ito at para lang sa mga adulto.—Lucas 21:34; Roma 13:1, 13.
May musika o sayawan ba?
Kung may handaan, puwedeng ipasiya ng mag-asawa na magkaroon ng musika at sayawan. (Eclesiastes 3:4) Puwede silang pumili ng musika na gusto nila at bagay sa kultura nila, pero dapat na disente ito. Karaniwan nang may musika sa seremonya ng kasal sa Kingdom Hall, at ang mga ito ay batay sa Bibliya.
Nagse-celebrate ba ng anibersaryo ng kasal ang mga Saksi ni Jehova?
Walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa pagse-celebrate ng anibersaryo ng kasal, kaya nasa mag-asawang Saksi na kung gagawin nila iyon o hindi. Kung gusto nila itong i-celebrate, puwede nila itong gawin nang silang dalawa lang o kasama ng mga kaibigan at kapamilya.
a Ang espesipikong mga kaugalian at mga kahilingan ng batas ay posibleng magkakaiba depende sa lugar.
b Hindi humihingi ng bayad ang ministrong nagkakasal, at wala ring bayad ang paggamit ng Kingdom Hall.
c Para sa higit pang impormasyon tungkol sa paganong pinagmulan ng pagto-toast, tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” ng Pebrero 15, 2007 na isyu ng Bantayan.