Paano Ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang mga Donasyon?
Ginagamit namin ang mga donasyon para sa mga relihiyosong gawain at pagkakawanggawa ng aming organisasyon. Ginagawa namin ang mga ito para suportahan ang pangunahin naming tunguhin na tulungan ang mga tao na maging alagad ni Kristo Jesus.—Mateo 28:19, 20.
Hindi namin ginagamit ang mga donasyon para payamanin ang sinumang tao. Wala kaming sinusuwelduhang mga elder o ministro, at hindi rin binabayaran ang mga Saksi ni Jehova para magbahay-bahay. Ang mga naglilingkod sa mga tanggapang pansangay at sa pandaigdig na punong-tanggapan, pati na ang mga bumubuo sa Lupong Tagapamahala, ay di-sinusuwelduhang mga miyembro ng isang relihiyosong organisasyon.
Halimbawa ng mga Gawain Namin
Paglalathala: Bawat taon, nagsasalin, nag-iimprenta, nagpapadala, at namamahagi kami ng milyon-milyong Bibliya at iba pang Kristiyanong publikasyon nang walang bayad. Bukod diyan, available din ang mga publikasyon namin sa aming website na jw.org at sa app na JW Library, at lahat ng ito ay libre o walang advertisement.
Pagtatayo at Pagmamantini: Nagtatayo at nagmamantini kami ng mga simpleng lugar ng pagsamba sa buong mundo na magagamit ng mga kongregasyon para magtipon at sumamba sa Diyos. Nagtatayo at nagmamantini rin kami ng mga tanggapang pansangay at translation office. Karamihan sa mga gawaing ito ay ginagawa ng mga boluntaryo, kaya malaki ang natitipid namin.
Pangangasiwa: Ang mga gawain sa pandaigdig na punong-tanggapan, mga tanggapang pansangay, at translation office, pati na ang gawain ng mga naglalakbay na tagapangasiwa, ay sinusuportahan ng mga donasyon sa aming pambuong-daigdig na gawain.
Pangangaral: Hindi binabayaran ang mga Saksi para mangaral ng mabuting balita o ituro sa iba ang “salita ng Diyos.” (2 Corinto 2:17) Pero gaya ng ilang unang-siglong Kristiyano, ang ilang pinili at sinanay na ministro na gumagamit ng maraming panahon sa pangangaral ay binibigyan ng simpleng tahanan at pangunahing pangangailangan.—Filipos 4:16, 17; 1 Timoteo 5:17, 18.
Pagtuturo: Ginagamit din namin ang mga donasyon para sa mga asamblea at kombensiyon, pati na sa mga salig-Bibliyang audio at video program. May mga paaralan din kami na nagsasanay ng mga elder at buong-panahong ministro para maging mas mahusay sila sa kanilang atas.
Pagtulong Kapag May Sakuna: Tinutulungan namin ang mga biktima ng sakuna na magkaroon ng pagkain, tubig, at matutuluyan. Ang mga gawaing ito ay hindi lang nakakatulong ‘sa mga kapananampalataya namin,’ kundi pati na sa mga di-Saksi.—Galacia 6:10.