Bakit Binabago ng mga Saksi ni Jehova ang Ilang Paniniwala Nila?
Ang Bibliya ang tanging saligan ng aming mga paniniwala, kaya gumagawa kami ng ilang pagbabago sa aming mga paniniwala habang lumilinaw ang pagkaunawa namin sa Kasulatan. a
Kaayon ito ng simulain ng Bibliya sa Kawikaan 4:18: “Ang landas ng mga matuwid ay tulad ng maningning na liwanag na lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ang araw ay malubos.” Kung paanong unti-unting lumilinaw sa paningin ang isang tanawin habang sumisikat ang araw, unti-unti ring ipinauunawa ng Diyos ang katotohanan sa Bibliya, sa kaniyang takdang panahon. (1 Pedro 1:10-12) Gaya ng inihula sa Bibliya, higit pang pagsisiwalat ang ginagawa niya sa “panahon ng kawakasan.”—Daniel 12:4.
Ang mga pagbabagong ito sa aming unawa ay hindi namin dapat ikagulat o ikabahala. Ang mga sinaunang lingkod ng Diyos ay nagkaroon din ng maling ideya at mga inaasahan noon, at kinailangan nilang baguhin ang kanilang pananaw.
Kumilos si Moises bilang tagapagligtas ng bansang Israel 40 taon na mas maaga kaysa sa panahong itinakda ng Diyos.—Gawa 7:23-25, 30, 35.
Hindi naunawaan ng mga apostol ang hula na mamamatay at mabubuhay-muli ang Mesiyas.—Isaias 53:8-12; Mateo 16:21-23.
May ilang unang-siglong Kristiyano na nag-akalang noong panahon nila darating ang “araw ni Jehova.”—2 Tesalonica 2:1, 2.
Nang maglaon, itinuwid ng Diyos ang kanilang pagkaunawa. Dalangin naming gayon din ang patuloy niyang gawin sa amin.—Santiago 1:5.
a Hindi namin itinatago ang mga pagbabagong ito sa aming pagkaunawa sa Bibliya. Sa katunayan, itinatala namin at inilalathala ang mga ito. Halimbawa, i-type ang “Paglilinaw Tungkol sa Ating mga Paniniwala” sa search box ng Watchtower ONLINE LIBRARY.