Isang Kulto Ba ang mga Saksi ni Jehova?
Hindi kulto ang mga Saksi ni Jehova. Sa halip, bilang mga Kristiyano, ginagawa namin ang lahat para tularan ang halimbawa ni Jesu-Kristo at mamuhay ayon sa kaniyang mga turo.
Ano ang kulto?
Iba’t iba ang kahulugan ng terminong “kulto” para sa iba’t ibang tao. Gayunman, isaalang-alang ang dalawang karaniwang ideya tungkol sa kulto at kung bakit hindi ito kumakapit sa amin.
Iniisip ng ilan na ang kulto ay isang bago o di-karaniwang relihiyon. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nag-imbento ng bagong relihiyon. Sa kabaligtaran, tinutularan namin ang paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano noong unang siglo, na ang halimbawa at mga turo ay nakaulat sa Bibliya. (2 Timoteo 3:16, 17) Naniniwala kami na ang Banal na Kasulatan ang dapat magtakda ng pamantayan kung ano ang katanggap-tanggap na paraan ng pagsamba.
Iniisip ng ilan na ang isang kulto ay mapanganib na sekta ng relihiyong may lider na tao. Ang mga Saksi ni Jehova ay walang kinikilalang tao bilang kanilang lider. Sa halip, sumusunod kami sa pamantayang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod nang sabihin niya: “Iisa ang inyong Lider, ang Kristo.”—Mateo 23:10.
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi isang mapanganib na kulto. Sa halip, maganda ang epekto sa amin ng relihiyon namin, at nakikinabang din ang iba pa sa komunidad. Halimbawa, ang aming ministeryo ay nakatulong sa maraming tao na mapagtagumpayan ang pagkasugapa sa droga, inuming de-alkohol, at iba pa. Sa buong daigdig, nagdaraos din kami ng mga klase para sa mga nais matutong bumasa at sumulat. Lagi rin kaming tumutulong sa mga biktima ng sakuna. Nagsisikap kami nang husto para makatulong sa iba na magbago, gaya ng iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod.—Mateo 5:13-16.